MBC Short Film Festival, inihayag ang pasok sa final round
Inilahad kamakailan ng Manila Broadcasting Company ang 15 pelikulang pumasok sa final round ng 2022 MBC Short Film Festival.
Sa larangan ng animation na hinusgahan nina Gary Thomas ng British Council, Fil-Canadian animation specialist Mars Cabrera, at game developer na si Miker Rivero, pumasok ang mga pelikulang Ang Liwanag ng Bakunawa ni Shem Domingo; Guhit ni Dionisio V. Bacudio III; Bahay-Bound ni Danica Sy and Andrea Castillo; Proud ni Are Jay Madrigal Peralta; at CITSALP ni Jean A. Evangelista.
Sa documentary films naman, pasok sa top five ng selection panel nina Sari Dalena ng UP Film Institute, Gawad Urian awardee Jewel Maranan, at Martin Macalintal ng French Embassy ang Nasaaan Sila, Nasaan ang Virus ni Ram Esteban Estael; Ang Pagpakalma sa Unos ni Joanna Vasquez Arong; Lola Samiya, 109 ni Samer Sulaiman; Kambalingan ni Gio Gonzalves; at Super-Able ni Arjanmar H. Rebeta.
Mahigit 100 short features ang lumahok na sadyang nagpahirap sa mga huradong sina Nicole lauchengco Yulo (batikang manunulat at direktor na base sa Neew York); Don Josephus Raphael Eblahan (nanalo ng Grand Jury Prize sa Sundance Film Festival nitong taon); at Khavn de la Cruz (nataguriang ama ng digital filmmaking sa Pilipinas). Ang mga napili ay ang Beauty Queen ni Myra Aquino; Lorna ni Noel Esconda; Daluyong ni Ervie Jay Torzar; Haan Ta Mataengan nga Aggidan ni Mike Cabarles; at The Transfiguration of Marya ni Jericho Rimando.
May guaranteed prize na P20,000 ang 15 pelikulang pinalad, bagaman sa final round, back-to-zero kung baga ang mga obra, kung saan ibang hanay ng mga batikang hurado ang pipili ng tatlong category winners na tatanggap ng tig-100 libong piso, at siya namang maglalaban para sa Grand Prix na may kabuuang premyong iuuwi na PhP 220,000.
Naka-upload na ang mga trailer ng mga pelikula sa dzrh.com.ph/msff
Ang kabuuan ng 15 pelikula ay matutunghayan sa webpage mula July 15 hanggang August 5, kung kailan maaring bumoto ang manonood araw-araw para sa kanilang Fan Favorite na magkakamit ng PhP P25,000.
I-aanunsyo ang mga magwawagi sa isang programang pagpaparangal sa August 6, na mapapanood sa livestream ng alas-7.30 ng gabi sa lahat ng social media platforms ng mga istasyon ng MBC sa buong kapuluan DZRH, Love Radio, Yes The Best, Easy Rock, Aksyon Radyo, Radyo Natin, at DZRH News Television.
Ang MBC Short Film Festival ay natatanging handog ng Manila Broadcasting Company para sa ika-83 taon ng kanilang flagship station.
Patuloy na nagbibigay serbisyo sa sambayanan ang DZRH habang masusing nagmamatyag sa kasaysayan ng bansa, at pinahahalagahan ang pagmamalasakit at paggawa ng kabutihan sa kapwa, na waring pinaigting pa sa panahon ng pandemya.
- Latest