Aktor na nag-rehab sa takot matokhang, biglang bumait
Hindi makapaniwala ang production staff sa isang drama series na ibang-iba na raw ngayon ang magaling na aktor na dating madalas na problema sa taping o shooting.
Maraming kuwento sa aktor na ito tungkol sa kakaibang attitude pagdating sa trabaho. Kaya madalas na hindi na siya kinukuha.
Iba ang takbo ng utak ni aktor, pero kinukuha pa rin siya dahil magaling naman kasi siya pagdating sa acting.
Matagal-tagal din siyang nawala, pero sa pagbalik niya ay ang laki na raw ng ipinagbago.
Nagulat nga sila dahil hindi na raw ito nagbigay ng sakit sa ulo, at sobrang cooperative niya sa production.
Naibahagi ni aktor sa ilang kaibigan na ang laki pala ng epekto sa kanya ng anti-drug campaign ni Pres. Rodrigo Duterte.
May nagparating daw sa kanya na nasa watchlist pala siya ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency, kaya pinag-iingat ito.
Napagtanto raw niyang dapat na rin siyang magbago.
Isinumite na niya ang sarili sa rehab para mawala na sa kanya ang pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot.
Ilang buwan siyang na-rehab, at sineryoso naman niya ang pagbabago.
Maganda naman ang kinalabasan, dahil tuluyan na niyang iniwan ang masamang bisyo.
Pagbalik ng trabaho, ibang-iba na at malaki. Wala na ang dating bisyo, hindi na rin sakit ng ulo sa mga katrabaho.
Nagulat nga ang production staff na ang bait na raw nito sa kanila.
Pinaghandaan pa naman daw nila dahil inaasahan na nilang magkakaproblema sila sa naturang aktor. Pero nagkamali sila. Napaka-cooperative raw. Kaya tiyak na masusundan agad siya ng panibagong project.
Kaya ang ganda na ng buhay niya. Bukod sa sunud-sunod na trabaho, ang bongga pa ng lovelife.
Anak pala ng sexy actress ang bagong girlfriend na halos kalahati ng edad niya. Pero bagay pa rin naman sila, dahil ang guwapo pa rin ni magaling na aktor at hindi naman halata ang malaking agwat ng edad.
Gladys, natupad ang pangarap na concert
Natupad din ang pangarap ni Gladys Reyes na magka-concert nang sinelebrayt niya ang kanyang 45th birthday nung Huwebes ng gabi.
Bongga ang selebrasyon niya na ginanap sa Theodore Events Place sa Marikina.
Ang Sommereux catering niya ang naghanda ng pagkain, at suportado ng sponsors kagaya ng Wow Fiesta Videoke at Protect Plus Alcohol.
Sabi niya, pagtiyagaan na raw namin ang pa-concert dahil birthday naman niya.
Special guest niyang nag-alay ng kanta sa kanya ang BFF niyang si Carmi Martin.
Dumating din ang showbiz friends niyang sina Angelu de Leon, Wowie de Guzman, Antonio Aquitana, Archie Alemania at Jeffrey Hidalgo.
Pero inabot daw siya ng lungkot nung gabing ‘yun dahil naalala niya ang kanyang namayapang ama.
Kaya nang na-interview si Gladys ng ilang kaibigang reporters, hindi na niya napigilang maiyak.
“Naalala ko lang kasi ang Papa ko na sana nakikita niya lahat ng ito. Sana nakita niya na may endorsement na kami buong pamilya, lalo na ang bunso ko.
“Tiyak matutuwa si Papa makita na may sitcom na kami pamilya at successful ang food business namin.
“Tinamaan ako kagabi ng lungkot after ng program,” text sa akin nang kinumusta ko siya kahapon.
Thankful si Gladys dahil sa patuloy na blessings sa kanila ng Diyos.
Magkakasunod ang endorsement niya kasama ang buong pamilya, at okay na rin daw ang negosyo nila ni Christopher Roxas.
Bukod sa Sommereux catering niya, meron pa silang That’s EntertainMeat at may ipinatayo siyang Pinoy restaurant na ipinangalan sa Papa niyang si Sonyer.
- Latest