Ivana Alawi ibo-blow-out ng retoke ang house helper
MANILA, Philippines — Sinorpresa ng vlogger at aktres na si Ivana Alawi ang kanilang house helper ng pinapangarap niyang "rhinoplasty" o pagpaparetoke ng ilong — pero bago ito, dadaan muna ang ikalawa sa isang prank.
Ikinuwento ni Ivana ang pangarap ng kanilang helper na si Mae sa vlog na in-upload nitong Martes, lalo na't nagdudulot daw ng matinding insecurity at bullying ang kanyang ilong simula noong pagkabata.
"Sabi niya, 'yun lang ang gusto niya... 'Yung ma-feel 'yung confidence sa sarili," wika ni Ivana habang ipinapaliwanag ang kanyang plano.
"Gusto niya magpa-ilong tapos huhulugan niya sa akin para nga installment ang ilong."
Tatlo't kalahating taon na raw hindi nakakauwi sa pamilya si Mae, na isang single mother, habang hindi nakakaipon ng pera dahil sa ipinadadala raw niya ang lahat ng pera sa anak. Dahil diyan, wala siyang maitabi para sa pangarap na matangos na ilong.
Pero bago ibulgar ang sorpresa, tinarayan muna ni Ivana si Mae at kinumpronta kunwari sa "pagdadamot ng ulam" at "pag-a-attitude." Isang linggo niyang hindi pinansin ang helper para mapaniwala sa prank.
Napaiyak na lang tuloy si Mae habang idinidiing hindi nagbago ang kanyang ugali, bagay na sinagot ni Ivana ng: "Gusto mo magbago? May regalo ako sa'yo. 'Yung ilong mo, halika natin. Ipapagawa na natin 'yung ilong mo."
Gulat na gulat sa tuwa ang nabanggit, na siya namang dinala ni Ivana kay celebrity doctor Vicki Belo, na kilalang CEO ng Belo Medical Group.
Payo tuloy ni Dra. Vicki kay Mae, balikan niya ang mga namba-bash sa kanya noon matapos ang kanyang napipintong surgery. Aniya, nakaka-relate siya sa helper lalo na't may kalusugan siya noong bata-bata pa.
"Abangan niyo ang napakagandang ilong ni Mae very, very soon," sabi pa ng celeb. — James Relativo
- Latest