'Banta sa kabuhayan ito': Ai Ai delas Alas kinundena QC persona non grata
MANILA, Philippines — Bumwelta ang kampo ng aktres na si Ai Ai delas Alas sa pagdedeklara sa kanyang persona non grata sa Quezon City ng city council nito, bagay na nagmula sa political campaign parody video kung saan "binaboy" aniya selyo ng lungsod.
Kaugnay ito ng video na inilabas nila ng direktor na si Darryl Yap, na persona non grata na rin, noong ika-29 ng Abril sa pamamagitan ng FB page na "VinCentiments," kung saan in-impersonate ni Ai-Ai si QC Mayor Joy Belmonte bilang si "Ligaya Delmonte" at nilagyan ng mga salitang "BBM," "Sara," tigre at agila ang selyo ng lungsod.
Ang naturang resolusyon ay inihain outgoing QC District 4 Councilor Ivy Lagman.
"The video which circulated during the campaign period is clearly a satire, a parody. It is not intended to be a statement of fact and is clearly not meant to taken seriously by the audience," ayon sa pahayag ng abogado ni Aiai na si Charo Rejuso-Munsayac.
"The video was obviously intended to be watched and taken as a whole, all elements being fictitious, including the seal behind the character portrayed by my client."
Ang naturang video ay ginawa para ikampanya ang talunang QC mayoral candidate na si Mike Defensor, kung saan pakunwaring ineendorso ni "Mayora Ligaya Delmonte" (obvious na laro sa pangalan ni QC Mayor Joy Belmonte) ang Anakalusugan representative.
Ang BBM, Sara, tigre at leon sa selyo ay kumakatawan kina president-elect at vice president-elect Ferdinand Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na hindi pa nananalo nang inilabas ang video. Suporter nina Marcos at Duterte sina Delas Alas at Yap.
Una nang sinabi ni Lagman na paglabag sa Republic Act No. 8491 o Flag and Heraldic Code of the Philippines ang video.
"It is unfortunate that the city council is nitpicking to find basis to curb freedom of expression in the guise of defending a perceived dishonor," dagdag pa ni Munsayac.
"We strongly condemn this act of the Quezon City council which endangers the protection granted by the freedom of expression for artists, entertainers, content creators, and comedians who use satire or parody to express sentiments or criticize public acts or figures."
"This also endangers their livelihood since it appears to be a form of cancellation making them wary to take on similar works in fear that public officials will retaliate in similar fashion."
Giit pa nila, hindi dapat naging padalos-dalos ang mga miyembro ng QC council lalo na't makaaapekto raw ito nang husto kay Ai Ai, kanyang pamilya't mga kaibigan.
Babantayan din daw nila ang bawat pahayag laban sa aktres para matiyak na naproprotektahan ang kanyang mga karapatan.
Ai Ai, Darryl makakapunta pa rin naman ng QC
Inilinaw naman ni Lagman na ang naturang resolusyon laban kina Delas Alas at Yap ay hindi "ban" sa kanila sa QC, pero pagpapahayag lang ng disgusto sa kanila bilang undesirable at unwelcome people dahil sa kanilang aksyon.
Pinoprotektahan din ng Article III, Section 6 ng 1987 Constitution ang "right to travel" ng mga indibidwal, kung kaya't malaya pa rin silang makalabas-masok sa lungsod.
"Makakapunta pa rin sila sa Quezon City kasi it is just a resolution. Wala siyang ordinance. Wala siyang kaakibat na penalty," paliwanag ni Lagman nitong Miyerkules sa panayam ng One PH.
"So pwede pa rin silang pumunta, pwede silang mag-transact but gusto naming ipaabot na 'yung ginawa niyong pambabastos sa seal ng QC ay hindi acceptable sa mga taga-QC."
Bagama't sa Amerika na talaga naninirahan si Ai Ai, meron pa rin siyang bahay sa Quezon City. Nasa QC rin ang mga mayor na television at media networks gaya ng GMA at ABS-CBN. Kilalang Kapuso ang aktres.
Pakutya naman ang sagot ni Yap kay Lagman kahapon habang niyayaya ang outgoing councilor na makipag-usap.
"Galing po mismo sa Konsehal na nagpasimuno nito, na maaari kaming tumapak o magpabalik-balik sa Quezon City," sabi niya.
"Matapos ko po mapanood ang video interview na ito, napagdesisyunan ko pong yayain, publicly, si Councilor Ivy Lagman na pag-usapan namin ang isyu na ito sa kahit saang branch ng David Salon sa Quezon City. sagot ko na po."
Kontrobersiyal si Yap dahil sa kanyang mga videos matagal nang nababatikos ng mga netizens dahil sa negative campaigning at pagiging "crass." Maliban pa ito sa mga pelikula niya na napuna na noon sa paggamit ng "blackface," na isang racist na gawi.
Dati na rin siyang humarap sa mga akusasyon ng pedophilia.
--
Disclosure: Si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay shareholder ng Philstar Global Corp., na nagpapatakbo ng digital news outlet Pilipino Star Ngayon. Ang artikulong ito ay nilathala batay sa editorial guidelines.
- Latest