'Todo na 'to sa Senado?': Rufa Mae Quinto itutulak libreng gatas kung magpupulitika
MANILA, Philippines — Pabiro man ang pagkakasabi noong una, hindi raw isasara ng komedyanteng si Rufa Mae Quinto ang pinto sa pagtakbo sa pulitika sa hinaharap — kung sakali, pupuntiryahin niya raw ang pagkasenador.
Ito ang ibinahagi ng aktres sa panayam sa kanya ni Toni Gonzaga sa YouTube na siyang in-upload nitong Linggo.
"Gusto ko na nga ring tumakbo ng Senate eh... 'Di, joke lang. Hindi pero parang, kung walang-wala nang maaasahan, kasi parang paubos na ang... sino na ba ang okay?" banggit niya sa "Toni Talks."
"Hindi ko sinasabing hindi [ako tatakbo], pero kung walang-wala nang tatakbo at maaasahan, siyempre naman mahal ko rin naman ang tao."
"Senate nga [tatakbuhan ko kung nagkataon] eh. Buong Pilipinas. Todo na 'to!"
Hindi na bago ang pagtakbo ng mga artista't showbiz personalities sa larangan ng pulitika sa Pilipinas.
Ngayong eleksyong 2022 lang, naging numero uno sa mga nanalo sa pagkasenador ang action star na si Robin Padilla. Kasama rin sa mga nanalo ang aktor na si Jinggoy Estrada, na kasalukuyan pang humaharap sa kaso kaugnay ng "pork barrel scam."
Makakasama nila bilang senador ang kapwa mga action stars na sina Lito Lapid at Bong Revilla sa 19th Congress.
Nang matanong si Rufa Mae kung anong panukalang batas ang isusulong niya kung makakukuha ng pwesto sa Mataas na Kapulungan, ito na lang ang nasabi niya.
"Batas? Pupunta ba sa Batasan? Magkakaroon ako ng batas ng gatasan. Lahat ng gatas ibibigay ko," patawa niyang sinabi.
"Free milk for everyone and more-more buko juice and honey. Charot."
Sina Rufa Mae at Toni ay kilalang nagpe-perform sa campaign rallies ni president-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Sa kabila nito, nagtanghal din si Rufa sa campaign rally ng karibal ni Marcos Jr. na si Sen. Manny Pacquiao.
Matatandaang nagsimula sa showbiz si Rufa Mae sa "That's Entertainment" noong 1996 ngunit sumikat nang husto para sa pelikula niyang "Booba" noong 2001. — James Relativo
- Latest