Ronnie at Loisa, tinanggihan ang offer ng ibang network
Sa nakalipas na dalawang taon ay mayroong mga bagay ang natutunan ni Ronnie Alonte dahil sa pagkakaroon ng pandemya. Katulad ng karamihang artista ay maraming trabaho ang nawala sa aktor dahil sa sitwasyon sa bansa. “Actually na-handle ko ‘yon sa tulong ng Diyos. Nagawa niya akong makuntento. Noong nakuntento ako, naging madali ‘yung buhay ko. Noong nakuntento ako bukod sa naging madali ang buhay ko, mas dumami pa ‘yung blessings ang dumating na hindi ko ini-expect. So relax, and enjoy,” makahulugang pahayag ni Ronnie.
Inamin ng aktor na nakatanggap din ng alok na magtrabaho sa ibang TV network noong nagsara ang ABS-CBN dahil sa kawalan ng prangkisa nito.
Silang dalawa ng kasintahang si Loisa Andalio ang umano’y inalok ng proyekto sa ibang bakuran. “Hindi naman namin itatanggi, nag-offer sila, pero hanggang offer lang, pero at the end of the day nandito kami sa ABS-CBN, may bagong show. Binigyan kami ng oportunidad na makagawa ng bagong teleserye kaya happy,” paglalahad ng aktor.
Para naman kay Loisa ay kinailangan nilang tanggihan ang naging alok sa kanila noon dahil na rin sa pagmamahal sa Kapamilya network. Muling mapapanood ang tambalan nina Loisa at Ronnie sa seryeng Love in 40 Days sa Kapamilya Channel. “May mga offer pero siyempre dahil ABS-CBN kami nanggaling, may binibigay naman sa amin, why not? Bakit kailangan lumipat at talagang binibigyan naman ng worth. Naramdaman namin ang pagmamahal sa amin ng ABS-CBN,” giit ng dalaga.
Kylie, hindi nanghihinayang sa naging relasyon nila ni Jake
Mahigit isang buwan na ang nakalilipas mula nang napabalitang nagkahiwalay na sina Kylie Verzosa at Jake Cuenca. Hindi raw inakala ni Kylie na mauuwi sa hiwalayan ang relasyon nila ng aktor. “Akala ko siya na. Akala ko na hindi na ako magkakaroon ng heartbreak, akala ko siya na. Saka nagmahalan kami. We loved each other,” emosyonal na pahayag ni Kylie.
Para sa dalaga ay naging masaya naman ang relasyon at samahan nila ng binata sa loob ng tatlong taon. “Sobrang happy kami sa relationship. At sobrang grateful ako sa relationship, sobra. Hindi ako in shock, pina-process ko po talaga. Process siya, hindi biglaan. Naririnig ko sa ibang tao na parang sayang pero sa akin hindi kasi siya sayang. Natulungan namin ang isa’t isa, nagmahal kami, nagtulungan kami sa isa’t isa. So para sa akin hindi ‘yon sayang. Nag-grow kami together as individuals,” pagbabahagi ng aktres.
(Reports from JCC)
- Latest