Taping ng Probinsyano, tigil muna
Kahapon ng umaga ay may nagkuwento sa amin na ititigil muna ang lock-in taping ng FPJ’s Ang Probinsyano para makapunta ang cast at staff sa burol ng yumaong Queen of Philippine Movies na si Ms. Susan Roces.
Parte rin ng cast ng nasabing action-drama series ng ABS-CBN si Manang Inday (paboritong tawag sa nanay ni Senator Grace Poe).
Kahapon din ay tinanong ko si Richard Gutierrez na nasa Ilocos Sur kasama sina Coco Martin at iba pang cast ng FPJ’s Ang Probinsyano kung talaga bang wala silang taping ngayon at luluwas sila para sa burol ni Manang Inday?
Yes ang sagot ni Richard.
Majority raw ng mga nasa lock-in taping ay luluwas para magbigay ng kanilang huling respecto kay Manang Inday.
A-attend daw sila ng misa ngayong araw na ito at sa Monday raw ang balik nila sa Ilocos Sur, pero aalamin pa namin kung ma-delay pa ang balik-lock-in nila.
Sobrang mahal na mahal ng mga taga-FPJ’s Ang Probinsyano si Manang Inday kaya kahit malayo ang Maynila sa Ilocos Sur ay luluwas sila para makiramay sa mga naulila ng ating Queen of Philippine Movies.
Si Richard, maraming magandang alaala noong child stars pa lang sila ng twin-brother niyang si Raymond Gutierrez at nakakatrabaho nila si Manang Inday.
Ang tatay nila na si Eddie Gutierrez ay dating ka-love team ni Manang Inday sa Sampaguita Pictures.
Sobrang lapit ng pamilya Gutierrez sa namayapang aktres, kaya lahat sila ay nagluluksa.
Kahapon nga nang makausap namin si Annabelle Rama, sinabi niyang pupunta sila ng mister niya sa burol ni Manang Inday kagabi.
Victory party ni Jinggoy, nahaluan ng lungkot
Nasa victory party kami ni Senator-elect Jinggoy Estrada nang kumalat noong isang gabi ang tungkol sa pagpanaw ni Ms. Susan Roces.
Kahit nagkakasiyahan, nahaluan ng lungkot ang nasabing event nang malamang yumao na nga ang Queen of Philippine Movies.
Noong una, nagtatanungan ang lahat kung totoo ba ang kumalat na balita. Ilan sa mga artistang nandoroon ang nagsabing sana ay huwag totoo ang balita, pero agad itong kinumpirma ni Sen. Grace Poe.
Sa pamilya ni Manang Inday, ang aming taos-pusong pakikiramay!
- Latest