Dasal ni Julie Anne, nasagot ni Rayver
Halos lahat na mga close kay Julie Anne San Jose ay umaasang si Rayver
Cruz ang sagot sa idinadalangin niya pagkatapos ng kanyang nakaraang relasyon.
Sa totoo lang, noon pa man ay ayaw nang magsalita ni Julie Anne tungkol sa ex niya.
Pero sa aming mga pagtatanong noon, tila na-trauma ang singer/actress sa relasyong ‘yun.
Kung hindi ako nagkamali, parang nakaranas siya noon ng ghosting, hindi pa ito pinasikat nina Gerald Anderson at Bea Alonzo.
Pero ayaw nang palakihin ito ni Julie Anne.
Dumating si Rayver sa sinasabing tamang panahon, at nakikita kung gaano naman kasaya ni Rayver kapag magkasama silang dalawa. Ganundin si Julie Anne, lalo na sa isang TikTok post nilang ang lagkit ng kanilang tinginan.
Pagkatapos ng napakagandang birthday message ni Rayver sa kanya, nadagdagan pa ito ng nakakakilig nilang palitan ng mensahe.
Tweet ni Rayver : “Crushee (smile and heart emoji)” sa picture ni Julie Anne.
Sinagot siya ni Julie Anne na: “Have fun in Canada! Come back home wait kita (heart emoji).”
Sagot naman ni Rayver: “Yes balik ako agad hehe”
Kaya ang daming fans at pati ng mga kaibigan ang natutuwa at kinikilig sa kanilang dalawa.
Nasa Canada pa pala si Rayver, dahil kasama siya sa show nina Sam Milby, Catriona Gray at Marcelito Pomoy.
Pagbalik dito ay magsisimula na siyang mag-promote ng bagong drama series nila ni Kylie Padilla na Bolera.
Sana umamin na si Rayver kapag matanong siya sa mediacon nito.
Ejay, puring-puri
Puring-puri ng Mayor ng Pola, Oriental Mindoro na si Mayor Ina Alegre o Jennifer Mindanao Cruz, si Ejay Falcon, ang bagong halal na Vice Governor ng kanilang bayan.
Si Mayor Ina ay muling nanalo bilang alkalde ng Pola, at kapartido niya si Ejay.
Kuwento sa amin ni Mayor Ina nang nakatsikahan namin sa DZRH nung nakaraang Miyerkules na nung una raw ay parang nagdadalawang-isip pa si Ejay na pasukin ang pulitika. Pero gusto siya ng mga taga-Pola at nakikita raw niya sa aktor ang qualities ng isang matinong public servant. Kaya isa raw siya sa nag-convince na tumakbo ito.
Ngayon daw ay nakikita raw niya kay Ejay na talagang gusto nitong matuto at gustung-gusto nitong magsilbi sa kanilang mga kababayan.”Nag-aaral siya. In fact, ang dami niyang mga tanong. Magaling siyang bata, ang dali niyang matuto,” dagdag niyang puri sa actor.
Kagaya ni Ejay, gusto pa ring ituloy ni Mayor Ina ang mga ginagawa niya sa showbiz.
Katatapos lang niya ng pelikulang 40 Days na dinirek ni direk Buboy Tan, pero gusto raw niyang makagawa ng isa pang malaking pelikula. Kaya may pinag-uusapan daw sila ni Cesar Montano na pagbibidahan at ididirek rin ni Cesar. “Kausap ko nga kanina si Buboy (Cesar Montano). Sabi ko sige, usap kami. Kasi gusto ko talaga mag-produce ng movie na almost the same as Banal.
“Siya ang magdidirek, at siya rin ang artista. Pero sa Pola ang shoot,” saad ni Mayor Ina.
Isa kasi sa talagang gusto niyang i-focus ngayong nasa second term siya bilang Mayor ay ang turismo ng Pola.
Ang dami niyang pinaplano sa magaganda nilang beaches doon, at ang nakakatuwa, meron siyang ipinatayong napakahabang tulay na kinulayan niya ng iba’t-ibang kulay, para raw sa LGBTQIA community, at tinawag niya itong United Colors for LGBTQIA.
“Very colorful na tulay. Ginawa ko ‘yun…naging inspirasyon ko ‘yung gay friends ko. Ang kulay nun sa LGBTQ….sila ‘yung naging reason bakit ko pinapinturahan ng iba’t-ibang kulay, ‘yung aming tulay.
“Isa ‘yun sa pinu-promote ko. Pagpupugay ko sa mga LGBTQIA. Makikita n’yo, very Instagramable ang tulay namin,” pagmamalaki ni Mayor Ina Alegre.
- Latest