Jona, feeling artista kapag kumakanta
Isa si Jona sa mga magtatanghal mamayang gabi para sa digital concert na The Broken Playlist. Kasama rin sa naturang concert sina Kyla, Morissette Amon, Gigi de Lana at Fana. Pangungunahan ito ng mga bida ng The Broken Marriage Vow na sina Jodi Sta. Maria, Zanjoe Marudo, Zaijian Jaranilla at Sue Ramirez.
Masayang-masaya si Jona dahil sa pagkakapili sa kanyang kantang Tinatapos Ko Na para maging theme song ng pinag-uusapang serye. “I’m very happy naman na at least naging parte pa ito. Nakadagdag sa emosyon, sa gigil, or sa pagkalugmok ng feelings sa mga scenes sa The Broken Marriage Vow. Grateful ako kasi napapakinggan pa rin ng mga tao gabi-gabi ‘yung boses ko. Through this platform,” nakangiting pahayag ni Jona.
Ayon sa singer ay kailangang paghandaan ang kanyang kakantahin mamaya para maaliw ang mga manonood online. “Siyempre during the performance talagang i-internalize mo lang talaga kung paano ‘yung message na kino-convey ng kanta. ‘Yon lang mostly ‘yung preparation for me bilang hindi naman kasi ito madugong-madugong performance talaga medyo easy lang for me ‘yung naging preparation. Kailangan lang natin talaga ng malalim na hugot para ma-perform natin talaga ‘yung kanta,” pagbabahagi ng dalaga.
Para kay Jona ay parang artista rin ang pagiging isang singer na katulad niya. Kailangan daw bigyan ng emosyon ang bawat titik o salitang nilalaman ng kanta. “Ang pagiging singer-performer ay pagiging actor din. And you are using your voice to project the emotions na kailangan para dun sa lyrics ng kanta. Siyempre when you’re singing brokenhearted songs, siyempre itu-tune mo boses mo para paiyakin mo sila. And then ‘pag kakantahin mo naman mga romantic or happy love songs, siyempre iba din naman ang gagawin mong atake do’n. Napakahalaga din nitong mga theme songs na ‘to na mailagay sa teleseryes or sa mga movies para ma-enhance ‘yung eksena or ‘yung emotions na gusto natin i-convey as a whole sa audience. ‘Yon ang pinaka-important na role ng isang singer na mailagay niya ‘yung tamang emotions at mai-deliver niya through her voice ‘yung hinihingi na emotion sa kanta,” paliwanag ng singer.
Cindy, nakapag-aksyon na
Napapanood ngayon sa Vivamax ang seryeng Iskandalo na pinagbibidahan nina Cindy Miranda, AJ Raval, Ayanna Misola, Angela Morena at Jamilla Obispo.
Nakilala bilang isang sexy star si Cindy at ngayon lamang daw nakagawa ng aksyon ang tema. Matagal nang pinapangarap ng aktres na makagawa na isang action project. “Nakapag-action na ako rito. Matagal ko nang hinintay na mag-action sa isang project and napagbigyan ako rito. So this is like my introduction sa pagiging action star wannabe ko kaya tuwang-tuwa ako. That’s something kakaiba rito and of course the drama na hindi mawawala sa akin. I really love doing dramas,” pagbabahagi ni Cindy.
Hindi rin mawawala ang ilang sexy scenes sa naturang digital series. Para sa dating beauty queen ay kailangang matunghayan muna ang kanilang serye bago ito husgahan ng mga manonood. “Mali ‘yung haka-haka nila, hindi mas marami ‘yung hubaran dito. This is a rollercoaster of emotions. Lahat ibibigay namin, hindi lang ‘yung nasa isip nila. Sana panoorin bago nila i-judge. Hindi natin kailangang papangitin ‘yung image agad. Ang gaganda ng mga kasama ko dito, pinaghirapan namin ito,” giit ng aktres. (Reports from JCC)
- Latest