Hipon Girl nagpasalamat sa P100k mula kay Karen Davilla bago nag-Binibining Pilipinas
MANILA, Philippines — Nagpaabot ng pasasalamat ang isang tanyag na kandidata para sa Binibining Pilipinas 2022 sa isang batikang broadcaster matapos magbigay ng daanlibong pisong suporta bago sumabak sa pamosong beauty pageant.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang makapasok sa opisyal na top 40 listahan ng Binibining Pilipinas ang komedyanteng si Herlene Budol (Hipon Girl) matapos ang "final screening" nito noong Biyernes.
"Isang malaking karangalan po uli yung nag Congratulate si Mam Karen Davila sa pag pasok ko sa Binibining Pilipinas 2022 at eto pa ang surpresa nya sa akin mga KaHipon at hanggang ngayon walang tigil iyak ko," wika ni Herlene sa isang Instagram account, Lunes.
"[Ibinigay] po niya sa akin yung earnings sa YouTube nya nung [interview] nya sa akin [noong nakaraang] April 2 sa halagang 100,000 pesos po bago ako nag register ng Binibining Pilipinas na umabot ng 2.2M views."
Wika pa ni Hipon Girl, na unang nakilala matapos madiskubre bilang contestant sa "Wowowin," inilaan niya ang P100,000 para sa kanyang pamilya lalo na sa kanyang Nanay Bireng at Tatay Oreng.
Malaking tulong daw ito sa kanila lalo na't may polisiya raw ang Binibining Pilipinas na hindi pwedeng tumanggap ng trabaho o endorsement ng tatlong buwan.
"[K]aya umaasa nalang din ako ng income sa youtube Channel ko sa pag pa vlog! mga KaSquammy sa mga indi pa naka panood ng interview ko po kay Mam Karen e ilagay ko sa comment section ang link," dagdag pa niya.
"Ako nga pala si Binibining number 8 Nicole Budol a.k.a. Herlene Hipon at mag-iiwan ng kasabihan 'Magsipag at wag umasa sa iba. Hindi araw-araw ay bday natin. baka magulat ka pa ka birthday mo si karen.'"
Kasalukuyang nasa 1.81 milyon ang subscribers ng Youtube channel ni Hipon Girl, bagay na ginagamit din daw niya ngayon para suportahan ang sarili.
Malaki rin ang pasasalamat ngayon ni Herlene kay Wilbert Tolentino at pinakilala raw sa kanya si Karen Davilla, na kilalang mamamahayag mula sa ABS-CBN.
Ang unang public appearance ng top 40 Binibinis ay magaganap sa isang grand Santacruzan parade sa Araneta City sa ika-14 ng Mayo.
Pinipili sa Binibining Pilipinas ang mga magiging kinatawan ng Pilipinas para mag-compete sa "big four" international beauty pageants gaya na lang ng Miss International.
Sila rin ang pumipili para sa iba pang international pageants gaya na lang ng Miss Grand International, Miss Intercontinental at Miss Globe.
- Latest