MNL48, ‘di nagpapatinag sa mga baguhang P-Pop group
Nagbabalik ang Pinoy Pop group na MNL48 para ibida ang 7th single nilang No Way Man, isang dance-centric na kantang may mensahe ng lakas ng loob sa harap ng mga pagsubok.
Pinangungunahan ng center girl na si MNL48 Abby ang No Way Man kasama ang Senbatsu members na sina Sheki, Jamie, Ruth, Ella, Jan, Andi, Jem, Yzabel, Princess, Lara, Coleen, Rianna, Lyza, Dana, at Dian.
Pagbabalik din ito na awitin ng grupo dahil na rin sa paghihigpit dala ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay MNL48 coach Angel, “unforgettable” ang kanta hindi lang dahi sa mahirap nitong choreography kundi dahil na rin sa pinagdaanan ng grupo habang naghahanda para rito.
“Isang taon kaming nag-train tapos nahirapan silang mag-catch up kasi online lang lahat. Ang dami nilang na-experience at ‘yung lyrics ng kanta talagang swak sa mga pinagdaanan namin.”
Pinuri naman ng center girl na si MNL48 Abby ang mga miyembro ng grupo at kanilang MNLoves sa pagbibigay-inspirasyon sa kanya. “Nakita ko talaga na bawat member binigay ‘yung best nila para sa quality comeback. Nung una nagduda ako kung kaya ko ba pero lagi kong iniisip na meron akong good support system sa sisters, co-members, at sa MNL48 fans na laging naniniwala sa akin.”
Samantala, nagpapakita naman ng growth ng grupo ang No Way Man ayon sa rank 2 na si MNL48 Sheki. “Pinapakita sa single ‘yung talent namin sa ibang genre ng pagsasayaw pati na ‘yung vocals namin saka ‘yung character ng bawat member. Ang ganda ng meaning ng song, talagang nire-reflect ‘yung buhay namin as MNL48 idols.”
Napapanood na ang music video ng No Way Man sa MNL48 YouTube channel, na nagbibida sa mahusay na choreography sa rooftop at sa nakakabilib na sets. Sa ngayon, meron na itong 395,000 views. Huling nag-release ng single na River ang MNL48 noong 2020.
Maituturing namang senior group ang MNL48 sa dumaraming bilang ng P-Pop group sa bansa.
- Latest