Matatag sa pandemya, NGAYON naging saksi sa mga pagbabago sa TV at pelikula!
Napakabilis ng panahon, at hindi nga halos namin namamalayan, 36 na taon na pala ngayon ang Pilipino Star NGAYON.
Nagsimula ang NGAYON pagkatapos ng rebolusyon sa EDSA, kung kailan naghahanap ang mga tao ng bagong babasahing mapagtitiwalaan. Nagsawa na sila sa mga dating naglalaman ng propaganda ng nakaraang rehimen. Gusto nila ay bago. ‘Yun ang panahon nang pumasok ang pahayagang hanggang sa kasalukuyan ay nangunguna pa rin.
Sa mga balita walang duda ang kredibilidad at nangunguna.
Sa entertainment, ito ang mapagkakatiwalaan.
Pinangunahan ng mga beteranong manunulat at kritiko sa entertainment ang NGAYON.
Sa umpisa ay nariyan si Mang Oscar Miranda at ang beteranong si Veronica Samio, kapwa kinikilala sa entertainment writing. Si Samio ay ilang ulit na naging pangulo ng Philippine Movie Press Club.
Maraming mga kontrobersiyal na kaganapan sa show business sa pagpasok ng Pilipino Star NGAYON. Hindi nakalusot sa mahigpit na classification ng MTRCB ni Manoling Morato ang maraming mga pelikulang may kapilyuhan. Inaangalan siya ng industriyang ang paniwala ay dapat na maging mas maluwag ang classification kaysa sa dating sensura. Maraming demanda at panlalait na inaabot ang MTRCB pero nagawa pa ring manaig ni Manoling.
Ang Pilipino Star NGAYON, bagama’t noon ay nauso ang mga pelikulang ST, at nang kalaunan ay ang mas malala pang “pene-kula,” ay nanatiling sumusunod sa etika ng mabuting pamamahayag at hindi nakipagsabayan sa ibang diyaryong naglabas ng “kahalayan.”
Ang sumunod na agos ng mga pelikula noon ay tinawag namang “massacre movies,” na ang kuwento ay puro tungkol sa mga kalunus-lunos na krimen. Iyon ang kumikita noon, kasabay ng umiiral na slump sa karaniwang pelikula. Halos susuko na ang industriya noon nang biglang gumawa ng isang pelikulang aksiyon si Fernando Poe Jr. (FPJ) na pinilahan ng mga tao sa sinehan. Pero biglang lumabas ang Maggie dela Riva Story na pinangunahan ni Dawn Zulueta na sumira ng maraming box office records, at nakabalik ang industriya sa pagkakatayo sa sariling paa.
Bigla ring lumabas ang pelikulang Sutla, na naging kontrobersiyal at itinuring na siyang “pinakamatinding” pelikulang Pilipino. May lumabas ding Private Show, at nang malaunan ay ang Curacha. Umarangkada rin ang pelikula ng LGBTQ na nagsimula sa pelikulang Macho Dancer, at lahat nang iyan ay nasaksihan ng Pilipino Star NGAYON.
Naging saksi rin ang simula ng PSN sa matinding labanan ng pinakamalalaking networks ng telebisyon ang GMA 7 at ang nabawi ng mga Lopez na ABS-CBN, na natigil din sa panahon ng martial law. Nakita ang pagiging parehas ng pahayagang sa kanilang labanan.
Kailangan nga palang banggitin din na nagkaroon ng anak ang PSN, ang PM o Pang Masa na ngayon ay kabilang na rin sa mga pangunahing diyaryo sa buong bansa.
Umikot din ang mundo, at pumasok ang kasunod na henerasyon ng mga manunulat.
Si Salve Asis na ang naging entertainment editor ng PSN at ng PM. Pero hindi iyon nangangahulugan na may nakakalamang sa dalawang diyaryo, pagandahan pa rin sila ng nilalaman.
Patuloy na tumaas ang PSN, na hindi natinag kahit na sa panahon ng pandemya sa pangunguna ni Mr. Miguel Belmonte. Hindi naging dahilan ang lockdown para hindi makakuha ng PSN ang mga mambabasa araw-araw.
At ngayon, pagkatapos ng dalawang taong puro quarantine, unti-unti nang nagbabalik ang sigla ng industriya ng entertainment sa ating bansa. Bukas na ang mga sinehan at marami na ang naghahandang gumawang muli ng malalaking pelikula, habang inaasahan naman ang maliliit na pelikula at iyong bold na hanggang sa internet streaming na lang na nauso noong panahon ng pandemya. Bukas na ang comedy bars, at concert venues. May trabaho na rin ang singers.
Kaya ngayon, matapos ang 36 na taon, at dalawang taon ng pasulput-sulpot na lockdown, balik sigla na ang lahat at siyempre iyan din ang maaasahan ninyo sa inyong PSN na ngayon ay malakas na malakas din ang online presence sa pamamagitan ng philstar.com at sa ipinanganak nilang digital talk show na Take It! Take It! MeGanon?! na ang host ay ang beteranang talent manager at kolumnistang si Lolit Solis kasama ang FM radio DJ na si Mr. Fu.
Mabuhay ang Pilipino Star NGAYON.
- Latest