AiAi, ayaw makigulo sa pulitika
May isang bagay na nakakatawag sa aming pansin, si AiAi delas Alas ay hindi lamang kinikilalang isang mahusay na komedyante, kilala rin siyang malapit sa simbahang Katoliko. Malaki ang naitulong niya sa pagpapatayo ng isang simbahan sa Novaliches kaya nga noon ay inirekomenda siya ng dating Obispo ng Novaliches na si Bishop Antonio Tobias para bigyan ng isang papal decoration.
Ginawaran nga siya ng papal decoration na Pro Ecclesiae et Pontifice, na itinuturing nang pinakamataas na naipagkakaloob sa isang layko.
Pero tingnan ninyo, tuwirang itinanggi ni AiAi ang sinasabing suporta niya sa kandidatong dala ng karamihan sa mga paring Katoliko, at walang reaksyon ang simbahan doon dahil ang paniniwala nga, ang bawat isa ay may karapatan at may kalayaang mamili kung sino ang gusto niyang kandidato. Wala namang ineendorso si AiAi, na sa tingin namin ay mas mabuti para sa kanya.
Mahirap para sa isang artista ang mag-eendorso ka ng isang kandidato. Papaano kung matalo? Sasabihin kaya natalo kasi laos na ang endorser. Kahit na nag-endorso ka lamang batay sa iyong paniniwala, dahil artista ka, sasabihing binayaran ka para magbigay ng endorsement mo.
Kung manalo rin naman ang inendorso mo, papansinin ka pa ba? Kaya nga mas tama sa mga artista, apolitical, iyong walang ineendorsong mga kandidatong political.
Kagaya rin naman ng sinasabi nila, hindi rin naman kami dapat na nakikialam sa pulitika dahil entertainment ang aming beat.
Tama naman iyon, minsan lang hindi maiwasan dahil may mga artista ring kumandidato, pero oras na umiral na ang panahon ng kampanya at ang media ban, wala na rin iyan.
Inaamin namin, may mga kaibigan din kaming kandidato, pero ni hindi namin masabi ngayon na sila ay aming mga kaibigan. Mahirap nang maakusahan kang may kinakampihan sa pulitika.
Kaya nga wala kaming binabanggit na kandidato kahit pa artista siya.
Pero ang importante ay mangibabaw ang inyong konsensiya.
Nadine, pang-matured movies na
Tama ang sinabi ni Nadine Lustre, sa panahong ito hindi na bagay sa kanya ang makipag-love team. Hayaan na niya sa mga mas batang artista ang ganoon, tutal pinakinabangan naman niya nang husto ang love team noong panahong magsyota pa sila ni James Reid.
Tapos na ang panahong iyon, at masyado na siyang naging identified sa relasyon nila noon, mahirap na rin siyang ihanap ng isa pang ka-love team. Bukod nga roon medyo nagkakaedad na rin naman siya at dapat nga ang gawin niya ay matured movies na.
Isa pang dahilan, mahirap na ngayon ang love team, kasi kopo na ‘yan ng KathNiel. Bumagsak lahat ang kanilang mga nakalaban, pati ang matindi ang bulusok noong AlDub, pero lalong tumibay ang KathNiel.
Hindi na siguro masasabing si Daniel Padilla lang ang nagdadala, dahil bumagsak na rin ang isang pelikulang indie na ginawa niya. Internet streaming na nga lang, hindi pa pinansin. Si Kathryn Bernardo na hindi pa pumoporma simula noong magkaroon ng pandemya, hawak pa rin ang record ng “highest grossing local film.” Tinalo niya lahat ang record noong mga nauna.
Papaano pa nga ba lalaban si Nadine sa love team?
Showbiz couple, pera talaga ang dahilan ng problema sa pagsasama
Hindi pala talaga “tao” ang masasabi mong third party sa split ng isang mag-asawa. May isa kaming source na nagsabing ang “third party” na dahilan ng split ay “pera.” Ang sabi, nadismaya raw kasi si girl nang malaman niyang wala palang pera si boy, dahil ang lahat halos ng savings noon ay nalugi sa napasukang negosyo, o na-scam ba siya?
Dahil na-realize na raw ni girl na baka malabo nang matupad ang kanyang ilusyong maging milyonarya, inaway na niya si boy at pinagbintangan ng kung anu-ano.
Iyan ang mahirap noong hindi maliwanag kung ano talaga ang inaasahan ng isa’t isa sa isang relasyon. Maliwanag dapat sa simula pa lang kung ano nga ba ang gusto ng isa’t isa, nang sa ganoon hindi nauuwi agad sa mga hiwalayan.
- Latest