Fake news!
Pumalag si AiAi delas Alas sa paggamit ng kanyang picture at pangalan para sa endorsement ng isang kandidato. Sinabi niya na iyon ay “fake news.” Nananahimik daw ang buhay niya at hindi siya dapat na inihahalo sa mga bagay na ganun. Sinabi pa niya ang ginamit na picture ay kuha noon pang 2018 at ginamit sa promo ng isa niyang pelikula, at hindi niya pinapayagang gamitin para sa ano mang political purpose.
May karapatang legal at moral si AiAi na pumalag.
Hindi nga lang makakapagdemanda si AiAi dahil sino pa ba ang aamin na gumawa noon eh sa social media nga kumalat.
Kung iyan ay sa isang lehitimong media, nakalagay kung sino ang nagpalabas at nagbayad niyan, alam mo kung sino ang gumawa. Sa social media wala kang trace.
Siyempre mayroon namang nag-react ng negative at sinabi pa “laos na naman si AiAi.” Eh kung laos na pala bakit kaya nila ginamit pa? Bakit ganoon ang reaksiyon nila noong itanggi ni AiAi at sinabing fake news ang pinalabas na endorsement niya.
Matuto naman tayong gumalang sa karapatan ng kapwa natin tao.
Pumalag din si Sharon Cuneta nang kantahin ng isang pulitiko sa kampanya iyong Sana’y Wala nang Wakas. Si Sharon ang unang kumanta nun, pero iyan ay intellectual property ng composer na si Willy Cruz. Kung may dapat pumalag, si Willy Cruz, o dahil wala na siya, ang sino man sa kanyang tagapagmana. Ang copyright ng isang kanta ay nananatiling nasa property owner 50 taon matapos niyang mamatay. Kung ang pagmamay-ari ay nailipat niya, mas mahaba iyon.
Ang bale publisher ng kanta ay ang kumpanyang gumawa ng unang recording, at iyon ay ang Viva. Bagama’t maaaring mangantiyaw ang singer kung ginamit ng iba ang kanta niya, wala siyang karapatang legal para magsabi kung sino lang ang pinapayagan niyang kumanta noon. Kung sabihin noong tao na ang kinanta niya ay version naman ni Jun Polistico at hindi sa kanya, ano ang ikakatuwiran ni Sharon?
Cesar, inipon ang mga anak
Noong makita namin ang picture ni Cesar Montano na kasama ang anak na si Diego Loyzaga, natuwa kami dahil nagkasundo na nga ang mag-tatay. Nang makita namin ang picture nilang mag-tatay na kasama ang tatlo pang anak na babae ni Cesar kay Sunshine Cruz, mas natuwa kami dahil halos buo na ang pamilya.
Sayang dahil mas maganda kung kasama rin ang panganay niyang si Angela na anak niya sa unang asawang si Marilyn Polinga, dahil iyong isa nilang anak si Christian Angelo ay patay na rin. Sana kasama rin si Corinth na anak naman niya sa beauty queen na si Sandra Seifert. Sana nasa picture rin sina Liam at Kristen, na anak naman niya sa kanyang present partner na si Kath Angeles. Kung kasama ang lahat ng mga batang iyan na kinikilala naman niyang lahat na anak niya, mas maganda sana ang picture ni Cesar.
Suwerte si Cesar dahil puro magaganda’t pogi ang mga naging anak niya.
Male star, pupuhunanan ng gay benefactor
Nakakuha raw ng bagong “ka-collab’ nga bang matatawag na “sponsor” dahil ang sinasabi ay nakakuha raw ng bagong gay benefactor ang isang male star na handang gastusan ang isang ginagawa niyang project sa kasalukuyan. Ang male star din kasi ang tumatayong producer ng project niya, kaso wala namang natuloy sa ibang projects niya na siyang inaasahan niyang mapagkukunan ng perang pam-produce. Kaya ngayon umaasa siya talaga sa kanyang gay friends.
Mami-miss din siguro siya ng kanyang “friends” na sanay na nakikipagkita sa kanya sa entrance ng isang sikat na watering hole, kasi kailangan muna niyang mag-behave sa kanyang bagong “ka-collab” o “sponsor” ba iyon dahil baka kung hindi, hindi siya bigyan noon ng pera para matapos ang kanyang dream project. Mahirap na talaga ang sitwasyon ngayon, lalo na’t nawala na rin ang kanyang popularidad noong araw.
- Latest