^

PSN Showbiz

Kontrobersyal na personalidad, nilaglag ng pamilya nang mabawasan ang kita

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Walang katumbas na pagmamahal ang mula sa pamilya. Talikuran man tayo ng buong mundo, basta nakasuporta sa atin ang ating mga kadugo, ay panalo pa rin tayo sa laban.

Wala na kasing kailangang gawing anuman ang nasasangkot sa isyu, sapat na ang paliwanag sa kanyang pamilya, may kakampi na agad siya sa laban.

Pagmamahal ng kanyang sariling pamilya ang tinutumbok ng marami tungkol sa sobrang kalungkutan ngayon ng isang kilalang personalidad. Naiintindihan ng ibang tao ang kanyang sitwasyon pero hindi ‘yun matanggap ng kanyang pamilya.

Kuwento ng aming source, “Napakahirap ng kalagayan niya, hindi mada­ling intindihin ‘yun, napakabango niya dati sa family niya, pero wala na siyang kasingbaho ngayon.

“Siya ang naging susi sa pagkakaroon ng pamilya nilang naghihirap, napakalaki ng naitulong niya, pero ngayong siya naman ang nangangailangan ng suporta, wala siyang tinatanggap,” unang hirit ng aming impormante.

Sinunod ng personalidad ang paligayahin naman ang kanyang sarili. Personal na kaligayahan ang tinutukan niya.

Patuloy ng aming source, “Naramdaman niya na nu’ng hindi na siya nakapagbibigay ng datung, napakalaki na rin ng ipinagbago ng pamilya niya sa kanya. Pero ibinigay niya na ang lahat, kulang pa ba naman ‘yun?

“Nu’ng mga panahong kaliwa’t kanan ang source ng income niya, e, para siyang prinsesa sa kanilang bahay. Kung ano ang gusto niyang kainin, kahit mahirap pang hanapin, natitikman niya.

“Pero mula nu’ng hindi na siya masyadong nakapag-aabot ng pera, ramdam na ramdam niya ang pagbabago ng pagtrato sa kanya. Ibang-iba na,” dagdag na komento ng aming source.

Nasunod na ng female personality ang gusto niya, kumpor­table na siya ngayon sa kung sino siya, pero napakalaki pa rin ng pagkukulang para makumpleto ang kanyang buhay.

“Madalas siyang umiiyak. May lungkot pa ring bumabagabag sa kanya. Meron pa rin siyang hinahanap. May sinabi siya sa kanyang kaibigan na kahit pala nasa kanya na ang happiness na hinahanap niya, kapag wala naman ang support ng family niya, e, kulang at kulang pa rin.

“Hindi na kasi siya prinsesa, nagbago na ang kanyang pagkatao, prinsipe na siya ngayon. Kumportable na siya dahil tapos na ang pagpapanggap niya, pero malungkot pa rin siya.

“Hindi kasi niya kakampi ang pamilya niya, ibang tao pa ang nakakaintindi sa kanya, hindi ang mga kadugo niyang iniahon niya sa kahirapan,” emosyonal na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Kris, hindi na magpapagamot sa abroad

Nu’ng February 17 pa nakatakdang bumiyahe papuntang Amerika si Kris Aquino para sa kanyang mahabang proseso ng gamutan. Kasama niya sina Joshua at Bimby para wala na siyang iniintindi nang malayuan.

Pero hindi ‘yun natuloy. Ayon sa aming impormante ay ipinakumpleto muna ng kanyang mga doktor dito sa Pilipinas ang maraming tests bago siya bumiyahe.

Marami siyang pinagdaanang test, nagsiguro lang ang kanyang mga doktor, hindi nga naman maigsing biyahe lang ang kanyang pagdadaanan sa pagpunta sa Amerika.

Ngayon ay naglabas na ng kanyang medical record si Kris. Magandang balita ito para sa mga nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya.

Ligtas na siya sa cancer. Maayos ang kanyang blood sugar kaya wala siyang diabetes. Naging maganda rin ang resulta ng kanyang kidney tests, maayos na gumagana ang kanyang bato maging ang kanyang atay kahit marami pa siyang iniinom na gamot.

Ang tinututukan na lang ngayon ay ang matagal na niyang pinoproblemang allergies, ang kanyang chronic urticaria na hinahanap pa rin hanggang ngayon kung saan nag-uugat, ‘yun ang talagang nagpapahirap kay Kris.

Harinawang masugpo na dito ang lahat ng kanyang pinoproblema para hindi na niya kailangang magpagamot pa sa ibang bansa. Hiling ng kanyang mga tagasuporta na sana nga ay tuluyan nang gumaling ang kanilang idolo.

Isang prinsipe ayon sa nabasa naming kuwento ang nakapagpatunay na walang nagagawa ang salapi kapag kalusugan na ang nakataya sa usapin. Umaapaw ang kanyang salapi pero hindi mahanap-hanap ng mga espesyalista kung saan nagmumula ang kanyang sakit.

Sa isang five-star hotel kung saan pansamantalang tumira ang prinsipe habang nagpapagamot ito ay may isang manipis lang na babasahing gumising sa kanya sa katotohanan.

Nakita ng prinsipe ang babasahin sa gilid ng kanyang kama. Ang laman ng manipis na babasahin ay pagtawag at pasasalamat sa Diyos na kanyang sinunod.

Walang humpay na nagdasal ang prinsipe sa loob nang maraming araw, lumakas ang kanyang pakiramdam, hanggang sa nagpatawag ito sa kanyang tauhan na tapos na ang kanyang gamutan at uuwi na sila sa palasyo.

Pagdating sa kanilang bansa ay naglaro agad ng hockey ang prinsipe, alalang-alala ang kanyang pamilya, lalo na ang hari at reynang mga magulang nito.

Simple lang ang sinagot ng prinsipe, “Huwag kayong matakot, binabalot ako ng pagmamahal ng Diyos. Siya lang ang magdidikta kung kailan ako mawawala, hindi ang salaping meron tayo na wala naman palang saysay.”

Amen.

PAMILYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with