Show matsutsugi na, male TV host nagpaparamdam sa magiging bossing ng bagong network
Ilang tulog at gising na lang at magsasara na ang kurtina ng isang programa. Nagpa-meeting na ang produksiyon para sabihin sa kanilang mga hosts na malapit na ang paglalagay ng tuldok sa kanilang show.
Napakarami na namang mawawalan ng trabaho, pandemya pa naman ngayon, paano na ang production staff na ‘yun lang ang inaasahan ngayon?
Paano na rin ang mga hosts ng show, saan na naman sila lulugar ngayong magsasarado na ang kanilang show, nakakalungkot ang istoryang ito.
Kuwento ng aming source, “Matagal na dapat nawala ang show na ‘yun, pero nagpakawala pa rin ng puhunan ang milyonaryo nilang producer.
“Binigyan pa sila nang mahabang panahon para makabawi, kaso, talagang hanggang du’n na lang sila, bilang na ang mga araw ng show!” unang chika ng aming source.
Ang unang naging hakbang ng produksiyon ay ang bawasan ang talent fee ng kanilang mga hosts pati ng production staff. Pumayag naman ang lahat kesa nga naman sa mawalan sila ng trabaho.
Patuloy ng aming impormante, “Sa kabuuang taping nila sa isang linggo, e, libre lang ang isa, pumayag pa rin ang mga hosts. Ganu’n ang pinagdaanan nila, nagtulungan sila ng production, pero talagang hindi na kayang isalba pa ang show.
“Dumating na ang producer sa point na hindi na kayang ipagpatuloy pa ang show, napakalaki na ng nalulugi sa kanya, dadagdagan pa ba naman ng prodoo ang pagkalugi niya?” sabi uli ng aming source.
Heto na. marunong talagang pumaraan ang male TV host na lider-lideran ng grupo. Madalas na siyang mag-text sa isang sikat na TV host, madalas siyang mangumusta, may duda na nga ang male TV host na magbabu na ang kanilang show.
Dagdag na impormasyon pa ng aming source, “Napansin n’yo rin ba ‘yun? A few months ago, text na siya nang text sa isang sikat na TV host. Panay na panay ang pangungumusta niya!
“Nakakapagtaka, di ba naman? Mahabang panahon na ang lumipas, ni ha ni ho naman, e, hindi siya nangungumusta sa kuya niyang sikat, pero bakit bilang nag-feeling close na siya?
“Nararamdaman na niya ang pagkawala ng show nila, nagsisiguro na siya, para nga naman may trabaho na siya agad kapag nagsarado ang show nila!
“Ang galing-galing talaga niyang pumaraan, para siyang manghuhula na alam ang magiging kinabukasan niya! Kapag nawala na nga naman ang programa, saan na siya kukuha ng pambayad sa kanyang mga bills?
“Paano na ang bill niya sa tubig, sa kuryente at marami pang bills?” napapailing na pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Gretchen, ‘di ipinagyayabang ang mga mamahaling halaman
Ibang klase talaga si Gretchen Barretto! Puring-puri ngayon ng mga kababayan natin ang mapuso niyang pagbibigay ng ayuda sa lahat ng sektor ng ating bayan.
Lahat ay pinadadalhan niya ng tulong, truck-truck na bigas ang ipinadedeliber niya sa mga ospital at opisina ng mga frontliners, wala siyang iniiwan.
Pinaligaya niya ang buong showbiz, wala rin siyang pinili lang na ayudahan, kaya naman mahal na mahal siya ng industriya kung saan siya sumikat. Habambuhay nang hindi makakalimutan ng lahat ng tinulungan niya ang makasaysayan niyang love boxes.
Napanood namin ang video ng pagiging plantita ni Gretchen. Napakalawak ng bakuran nila ni Tony “Boy” Cojuangco, pinapuno niya ng mga halaman ang buong garden, nakakalula ang mga presyo ng mga halamang ipinampuno niya sa bakuran.
Daang libong piso ang presyo ng bawat halaman, ang pinakamura ay kabuhayan na ng isang mahirap na pamilya, ganu’n katindi ang pagiging plantita ng aktres.
Walang-wala ang mga ipinagmamalaking halaman d’yan ni Jinkee Pacquiao na ipinaglalantaran nito sa buong bayan. Tahimik lang si Gretchen, hindi niya ipinagmamakaingay ang kanyang mga ginagawa, pero nakakalula ‘yun.
Ibang-iba talaga ang kilatis ng dating sanay na sa kayamanan kesa sa ngayon lang nagkaroon. Tahimik lang, hindi nagmamayabang, secure na secure sa kanyang estado.
At siya mismo ang gumagabay sa mga nagdedeliber ng truck-truck na halaman, siya ang nagtuturo kung saan dapat ipuwesto, siya rin ang nagdidilig nang basta nakapusod lang pero ang ganda-ganda pa rin niya.
Natural, tuwang-tuwa si Kuyang Tony Boy nang makita ang kanilang hardin na punumpuno ng mga pananim, kaligayahan na nila ‘yun ni Gretchen, du’n siguro sila nagkakape paggising habang nagkukuwentuhan.
Ang nagagawa nga naman ng salapi kapag ginagamit sa tamang paraan. Hindi dinidiyos ang pera kundi inaalipin.
Totoong-totoo na may silbi lang ang kayamanan kapag marami tayong napapasaya.
- Latest