Star City, magbubukas na!
Wow, magbubukas na uli ang Star City.
Yup, you read it right. This Jan. 14, muling magbubukas ang pinakamalaki at pinakasikat na amusement park sa bansa, ang Star City, matapos ang mahigit dalawang taon.
Unless magkaroon ng changes dahil sa pagtaas ng bilang ng new positive cases sa COVID.
Well, mas maraming rides at attractions para sa bata’t matanda pa naman daw ang maaasahan ng publiko sa kanilang paboritong puntahan, na in all fairness ay naging bukambibig na sa loob ng 30 taon at kinilala bilang world-class recreational complex.
Matatandaang tinupok ng apoy ang Star City noong hatinggabi ng Oct. 2, 2019, at ang pagbangon nito ay lalong naantala ng pandemya.
Subalit naging determinado raw talaga ang mga namamahala na bigyang-buhay muli at paningningin ang talang nag-anyaya sa CCP Complex.
Sa soft opening na ito, magbubukas ang Star City araw-araw mula alas-dos ng hapon hanggang alas-diyes ng gabi buong Enero. Mula Pebrero hanggang Agosto, bukas ito mula Huwebes hanggang Linggo.
Mas maluwag at simple na rin diumano ang layout ng park sa kabuuang 3.4 hectare na kinatitirikan nito.
Sa halagang P400, ang Star Pass ay katumbas ng ride-all-you-can access.
Ang pagpasok naman sa Snow World ay may karagdagan daw P160 tiket na maaaring bilhin online o sa entrance gate mismo.
At para mas maging safe, para sa contactless transactions, hinihikayat ang publiko na bilhin ang mga tiket online kung saan makakatanggap sila ng QR codes sa email na maaaring i-print, o i-save sa cellphone at saka ipakita sa gate.
Mahigpit din umanong ipapatupad ang mga health protocol ng IATF gaya ng temperature check, social distancing sa mga pila, mga lagayan ng alkohol sa buong park, at sanitation ng lahat ng rides sa bawat cycle ayon sa management ng Star City. Kailangan ding magsuot ng masks sa lahat ng oras.
At dahil nasa IATF Alert level 3 tayo, kailangang din umanong iprisinta ang vaccination cards sa gate. Tinitiyak ng tagapamahala ng Star City na ang reconstruction at renovation maging ng Aliw theatre, ay matatag at sumunod sa fire detection and prevention rules and regulations upang maging ligtas ang publiko. Siniguro din na ang mga empleyado ay may kakayahang harapin anumang emergency. Imo-monitor din diumano ng mga opisyales ang kapasidad ng park, at matutunghayan ang real-time updates sa official Star City website.
- Latest