Katigasan ng ulo ng pulitiko, ‘di na kayang tiisin ng staff
Pumapalag na pala ang mahahalagang taong nakapaikot ngayon sa isang pulitiko. Ang iba ay nagbitiw na sa trabaho at ang mga naiiwan pa ay nagpaplano na ring magpaalam.
Maraming kuwento. Hindi na raw kayang tiisin ng kanyang staff ang katigasan ng ulo ng kanilang pinagseserbisyuhan. Kapag kinakausap nila ang pulitiko ay parang nakikinig naman pero iba pa rin ang kanyang mga ginagawa.
Kuwento ng aming source, “Masyadong malaki ang tiwala ng pulitikong ‘yun sa sarili niya! Parang kayang-kaya niyang iraos ang kampanya niya nang siya lang!
“Umalis na ‘yung isang taong napakalaki ng naitulong sa political career niya. ang katwiran nu’ng tao, mas maganda nang umalis siya nang may natitira pa silang respetuhan sa isa’t isa.
“Kapag nagtagal pa raw kasi sa kanya ‘yung nirerespetong tao ng grupo niya, e, baka magkaroon pa sila ng away na hindi na matatagpian pagdating ng panahon,” unang rebelasyon ng aming source.
May isa pang mahalagang tao sa kampo niya na umalis na rin. Nagbitiw na ito sa trabaho dahil madalas silang magkaroon ng diskurso tungkol sa binibitiwang speeches ng pulitiko.
Patuloy ng aming impormante, “Hindi na masaya ‘yung tao sa trabaho niya. Paano naman siya magiging masaya, e, palaging kinokontra ng pulitiko ang mga ginagawa niya?
“Kung ganu’n palang mas magaling siya sa taong pinagkatiwalaan niya, bakit pa niya kailangan ng taong magtatrabaho para sa kanya? Di huwag na lang.
“Iilan na lang ang original na tao niya, marami nang baguhan, mga taong walang gaanong alam sa pagkatao nu’ng pulitiko! Alam ba nila na kailangan ng anger management ang sinusuportahan nilang pulitiko?
“Bigla na lang siyang nagagalit nang wala namang malalim na dahilan! Basta galit na galit lang siya, nagwawala siya, pero siya lang naman ang nakakaalam ng dahilan kung bakit siya nagkakaganu’n!
“Naku, nagsasayang lang siya ng pagod! Mismong mga kaalyado niya ang nagsasabi na hinding-hindi niya maaabot ang napakatayog niyang pangarap!
“Kapag hindi siya nagbago, e, siguradong walang maiiwan na staff sa kanya. Kukuha na lang siya ng mga bago, ng mga taong ni hindi siya kilala!
“Sobra pala ang paniniwala ng politician na ‘yun sa sarili niya! Pati ang madalas niyang paninira sa mga kaagawan niya sa puwesto, tama pa rin ‘yun sa kanya, hindi raw siya naninira, nagpaparamdam lang siya sa mga kalaban niya!
“Hindi na pinakikinggan ng mga botante ngayon ang mga istorya ng kahirapan. Hindi rin gusto ng mga kababayan natin sa mga mapanirang pulitiko! Hindi siya mananalo!” markadong pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Simpleng buhay ng mag-asawang taga-azerbaijan, nakaka-gv
Meron kaming kinagigiliwang sundan-panoorin ngayon sa YouTube. ‘Yun ang Azerbaijan na mag-asawa lang ang mga karakter na bumubuo sa bawat post nila.
Napakagandang panoorin ng kanilang vlog dahil marami silang alagang mga hayop, pagkagaganda ng mga tanim nilang halamang namumulaklak, lalo na ang pag-aani nila ng mga mansanas, kamatis, lemon, persimmon, ubas at marami pang ibang prutas.
Kalat-kalat ang pataniman nila ng mga gulay, kumpleto sila, pagkalalaki ng ani nilang repolyo, talong, ube, patatas—sabihin mo ang pangalan ng gulay at meron sila.
Nakakaaliw silang tutukan dahil hindi nag-uusap ang mag-asawa, trabaho lang sila nang trabaho, ang babae ang napakahusay magluto at ang lalaki naman ang tagasibak ng kahoy at tagatimpla ng tsaa na puro tanim nilang bulaklak ang gamit nila.
May winter sa Azerbaijan, kinakaya ng mag-asawa ang lamig, ani pa rin sila nang ani ng kanilang mga pananim. Niyuyugyog lang nila ang mga puno ng mansanas at persimmon, ginagawa naman nilang tsaa ang parsley, chamomile, rose, melissa at thyme.
Marami silang bahay, napakaganda ng parang pinakaistasyon nila na gawa sa purong kahoy, punumpuno ‘yun ng mga bulaklaking halaman sa buong bakuran.
Sabi ng anak naming si Bulaklak Mandela, “Mama, kapag ganyan po ang tirahan natin, hindi na ako aalis, d’yan na lang po ako maghapon.”
Ibang-iba ang kaway sa amin ng kabukiran, ng pag-aalaga ng mga hayop na pinagmumulan ng ginagawang dairy products ng mag-asawa, parang walang pandemya at kahit anong problema sa mundo.
Nakakaramdam kami ng kapayapaan ng kalooban kapag pinanonood namin ang Azerbaijan, du’n natin mapatutunayan na basta masipag at masikap ang tao ay hindi talaga maghihirap, laganap ang biyaya sa mundo na kailangan lang nating sinupin at ingatan.
Habang pinanonood namin ang Azerbaijan ay abalang-abala naman kami sa pagkuha ng mga retrato sa telepono. Sayang kasi ang pagkakataon. Malaking inspirasyon para sa amin ang kanilang mga vlogs.
- Latest