Isko Moreno bumida sa music video kasama hiphop stars bago 2022 elections
MANILA, Philippines — Kung ang ilang kumakandidato laman ng telebisyon, radyo at patalastas, iba naman ang pakulo ng isang pumupuntirya sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno sa susunod na taon — hiphop-an.
Pinamagatang "Nais Ko," naglabas si 2022 presidential aspirant Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ng isang music video, Martes, bagay na kinanta ng Fliptop battle rappers na sina Smugglaz at Bassilyo.
Sa video, makikita si Domagoso, na kilala sa palayaw na "Yorme" (binaliktad na meyor), habang naglalakad at ipinakikita ang hirap na buhay sa Maynila. Gayunpaman, kaya naman daw umasenso basta may sipag at tiyaga.
"Galing sa baba, galing sa wala, kaya alam magpahalaga 'pag may napala," ayon sa pre-chorus ng kanta, na animo'y tumutukoy sa buhay ni Domagoso noong siya'y basurero't pa.
"Sipag at tyaga lang ang piniga salita’y binawasan dinamihan ang gawa."
Bagama't nanggaling sa mahirap na buhay ang actor-turned-politician, matatandaang pinuna siya bilang "top spender" ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) para sa television ads simula pa Setyembre. Itinanggi niya ito.
Kapansin-pansing graffiti o street art ang unang bungad sa music video ni Isko, kahit na pinagbabantaan niya noon ang mga aktibistang gumagawa nito sa kanyang lungsod.
"Ikaw Na Isko! Wala nang maraming dahilan (Posible!) ugaling makupad na 'di maka usad dapat na nating palitan," patuloy ng chorus ng kanta, na para bagang ikinakampanya siya kahit wala pang opisyal na campaign season para sa 2022 polls.
"Ikaw Na Isko! Mangarap ka 'wag mag alangan (Pwede!) kahit mahirap ika’y magsumikap sa buhay laging galingan (Naman!)."
Kasalukuyang nasa ikatlong pwesto sa huling presidential survey ng Pulse Asia ang Aksyon Demokratiko standard bearer sa puntos na 8%, malayo sa 53% ni dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos at 20% ni Bise Presidente Leni Robredo. — James Relativo
- Latest