Aktres walang oras dumalaw, sinusumbatan na pulos datung ang ibinigay sa ama
Hindi pala lahat ng kanyang mga kapamilya ay may masasabing maganda tungkol sa isang popular na female personality. Kung maraming masaya sa kanyang popularity ay meron ding hindi sumasang-ayon sa kanyang ugali.
Hindi pala siya masyadong malapit sa pamilya ng kanyang ama. Batambata pa lang ang female personality ay naghiwalay na ang kanyang mga magulang.
Kuwento ng aming impormante, “Lumaki siya na mommy lang niya ang kasama niya. Natural, kapag ganu’n, talagang magiging malapit siya sa pamilya ng mother niya.
“Puro mga pinsan lang niya sa ina ang nakasabay niyang lumaki, hindi sila nagkikita ng mga kamag-anak niya sa side ng father niya.
“Hanggang sa nag-artista na nga siya. Punumpuno ng talent ang girl, manang-mana siya sa mga pinagmanahan niya,” unang kuwento ng aming source.
Mabilis nakilala ang female personality, impernes, ginamit niya naman ang apelyido ng tatay niya. Kabilang siya sa napakalaking angkan ng pamilya ng tatay niya.
Balik-alaala ng aming source, ‘yun ang panahong malaki na ang kinikita ng female personality dahil hindi lang siya mahusay umarte, magaling din siyang sumayaw.
Kuwento uli ng aming source, “That time, saka naman nangangailangan ng tulong ang father niya na madalas nang magkasakit. Tumutulong naman ang female personality, kaya lang, hindi siya masyadong nakakadalaw dahil sobrang busy siya.
“’Yun ang ibinubutas sa kanya ng mga kamag-anak ng father niya. Sana raw naman, e, naghahanap siya ng panahon para magkita sila, hindi ‘yung basta nagpapadala lang siya ng tulong na pampinansiyal.
“May mga nagtatanggol naman sa female personality, mabuti nga raw at hindi nagtago ng sama ng loob ang female personality dahil sa pang-iiwan sa kanila nu’ng batambata pa siya!
“Tumutulong pa rin siya, hindi niya pinabayaan ang mga kailangan ng father niya, hanggang sa mawala na nga. In fairness, ang girl ang sumagot sa lahat-lahat, hindi niya pinabayaan ang father niya hanggang sa huling pagkakataon.
“Hanggang ngayon siguro, meron pa ring nagdaramdam sa female personality. Baka leche flan at salad lang ang gusto nilang panghimagas, ayaw nila sa maja blanca,” napapailing na kuwento ng pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Angeline, puro iyak nang malamang buntis!
Tamang panahon lang ang hinintay ni Angeline Quinto para aminin ang pinagdadaanan niyang pagdadalantao ngayon. Wala siyang planong itago ‘yun nang habampanahon.
Matapang si Angge. Kaya niyang panindigan ang mga nagaganap sa kanyang buhay. Pero may kakambal ‘yun na matinding lungkot dahil sa pagkawala ng kanyang Mama Bob.
Ekstensiyon ng buhay ni Angge si Mama Bob. Ito ang nagpalaki at sumubaybay sa buong buhay niya. Pero ngayong nasa estado na siya ng pagdadalantao ay wala na si Mama Bob na unang-unang gusto niyang pagsabihan ng katotohanang nagdadalantao na siya.
Dumating ang ama ng kanyang dinadala sa panahong matindi ang kanyang kalungkutan dahil sa pagkawala ni Mama Bob. Masayahin siya kapag nasa linya ng trabaho, pero kapag umuuwi na siya ay puro luha ang kanyang kasama, ang pagkawala pa rin ni Mama Bob ang dahilan.
Dati na niyang kaibigan ang lalaki, lumaki sila sa iisang lugar sa Sampaloc, pero pagkatapos nang mahabang panahon ay saka lang uli sila nagkita.
At naganap na nga ang kanyang pagdadalantao. Ang dami-dami niyang inalala. Paano na ang kanyang singing career? Paano na ang pag-aartista niya? Kailan niya aaminin na nagdadalantao na siya? Ibebenta ba niya ang kanyang bahay para sa Amerika siya manganganak?
May mga kaibigan siyang pinagtapatan ng kanyang lihim. Iniyakan niya ang mga taong mahal siya at hindi naman siya pinabayaan.
Ayon sa aming kaibigan na kaibigan din ni Angeline ay lalaki ang kanyang ipinagdadalantao. Kaya raw pala hindi siya mahilig mag-ayos, kaya raw pala medyo namamaga ang kanyang mukha at medyo lumapad ang kanyang ilong, baby boy pala ang binhing pumipintig sa kanyang sinapupunan.
Hindi nag-iisa si Angeline sa ganitong kalagayan. Marami sila. Komento nga ng isang singer na nakakuwentuhan namin ay mas gaganda pa ang boses ni Angge pagkapanganak niya.
May kung anong elemento raw na nagbubukas sa babae kapag nanganganak siya. Ganu’n ang kapaniwalaan ng mga singers.
At itinuloy ni Angeline Quinto ang kanyang pagdadalantao. Hindi siya kailanman nag-isip ng kahit anong negatibong aksiyon para mawala ang bata dahil sa kanyang singing career.
Du’n pa lang ay kahanga-hanga na ang magaling na singer. Hindi lang ang maganda niyang boses ang dapat hangaan at palakpakan kundi pati ang kanyang paninindigan.
A baby is always a blessing. Everybody deserves a birthday.
- Latest