Oyoboy, walang selos kay Tali
Kahapon lang bumalik galing Amanpulo ang mag-asawang Vic Sotto at Pauleen Luna kasama ang anak nilang si Talitha.
Halos buong pamilya silang nagbakasyon sa naturang isla dahil sumabay raw sila sa nag-honeymoon na pamangkin ni Bossing Vic na kakakasal lang.
Natawa si Pauleen sa mga reaksyon sa mga Instagram post niyang naka-bikini. Talagang kinarir ni Pauleen ang pagpapayat para makapag-two piece bikini raw siya sa Amanpulo.
Bukod sa diet ay regular ang ensayo niya, kaya halos 25 pounds daw ang na-lose niya. Kaya hot momma ang tawag sa kanya ng netizens, pati mga kaibigan sa showbiz na nag-comment sa IG post niya.
Pero mas ikinatuwa niya sa bakasyon nila sa Amanpulo ay ang bonding daw nilang mag-anak.
Bukod sa pamilya, kasama pa ni Pauleen ang mommy at daddy niya, at nakikita nilang sobrang nai-enjoy na ni Tali ang beach.
Nung huling makatsikahan nga namin si Bossing Vic sa mediacon ng Daddy’s Gurl, ‘yun daw talaga ang magandang nangyari sa kanila nang magka-pandemic, nasubaybayan daw niya nang husto ang paglaki ni Tali.
‘Yun din ang paulit-ulit na ipinapasalamat ni Bossing Vic. “This is the first time na halos lahat na highlights ng isang bata ay nakita ko.
“Not like with Danica, si Oyo…nang lumalaki most of the time I was out of the house. I was out shooting, taping. Tapos si Vico, si Paulina, I wasn’t there 100 percent.
“This is the first time na naging 100 percent nakita ko ‘yung first step, ‘yung mga ganun, ‘yung first word. Kung ano ‘yung una niyang nabasa. ‘Yung unang kinanta ni Tali na buo na naintindihan ko,” pahayag ni Bossing Vic.
Tanggap naman nila Oyoboy ‘yun at naintindihan nila. Hindi naman daw nila dapat ikaselos ito kay Tali. “Thankful ako sa mga nangyari. ‘Yung nangyari sa amin sa mga kapatid ko, hindi naman kami naging ganito kung hindi dahil sa mga sitwasyon na ‘yun.
“Sa totoo, iba iba eh. ‘Yung mga nangyayari sa ating mga tao. Pero happy ako, kasi iba ‘yung relationship namin ni daddy ngayon. Mas matibay, mas masaya kami.
“Kumbaga, mas gugustuhin ko na ganito. Walang regrets, walang halong galit or inis or hate. Wala eh. We accepted kung ano ‘yung nangyari sa amin, lahat ng mga kapatid ko. We’re happy na ganun, ganito ang kinalabasan.
“Maaaring hindi nagkatuluyan ang nanay namin at si daddy, pero ang importante, masaya kami ngayon kung nasaan kami,” saad ni Oyoboy.
Paolo, tsinugi sa serye nang magkasintomas ng COVID-19
Nanghinayang din si Paolo Gumabao na nawala sa kanya ang drama series na Huwag Kang Mangamba dahil sumama raw ang pakiramdam niya nung nasa last cycle na sila ng taping.
Akala nila parang symptoms na ‘yun ng COVID 19, kaya pinauwi na siya. Kaagad na tinapos na ang karakter niya. “Since last cycle na siya, ang nangyari na lang ay pinauwi nila ako. Kasi, hindi nila pwedeng i-risk na may COVID ako. Baka mahawa yung buong cast,” pakli niya.
Maagang nawala tuloy ang karakter niyang si Maximo sa naturang teleserye. “Dapat andun ako. Ang dami pang dapat mangyayari sa karakter ko dun pero ‘yun nga, dahil sumama ‘yung pakiramdam ko nung araw na ‘yun, they had to send me home and have me swabbed.
“And sabi nila, regardless of the result, ahhm, hindi na nila ako pinabalik,” dagdag niyang pahayag.
Mabuti at kinuha naman siya ni direk Brillante Mendoza para sa isang BL movie na Sisid na kinunan sa Pola, Oriental Mindoro.
Ang ganda naman daw ng kapalit dahil na-experience na raw niyang makatrabaho si direk Brillante.
Ang dami ring naapektuhan ng mga ganitong kaso na nagkaka-symptoms lang ng COVID o na-expose sa nag-positive, tanggal na agad.
Ang isa pa ngang nakakapanghinayang ay ang pagtanggal kay Kim Domingo sa Love. Die. Repeat nina Jennylyn Mercado at Xian Lim dahil sa nag-positive ito.
Pinalitan siya ni Myrtle Sarrosa, pero pagkatapos ng ilang araw na taping natigil naman sila dahil sa hindi na pumuwede si Jennylyn.
Kaya naka-hold na rin ito.
May isang teleserye rin na may isang staff na nag-positive sa kalagitnaan ng taping, kaya ipina-quarantine na ang lahat na nasa unit ‘yun.
Pero tuloy pa rin ang taping dahil may isang unit na maayos naman, biglang ipinasalo sa kanila ang taping para tuluy-tuloy pa rin at walang maantala.
May ganun na pala sila na plan B na script if ever magkaproblema ang isang script.
Kawawa lang ang unit na ‘yun dahil nadodoble na lang ang trabaho nila at tuluy-tuloy ang take.
Lahat na lang ginagawan ng paraan para hindi maapektuhan ng patuloy pa ring pagkalat ng COVID-19.
- Latest