Ate Guy, maraming gustong tulungan
Sasabak uli sa mundo ng pulitika si Nora Aunor. Sa susunod na taon ay tatakbo ang nag-iisang Superstar bilang representative para sa party list na NORA A o National Organization for Responsive Advocacies for the Arts.
“Sa mahigit limampung taon ko po sa entertainment industry ay marami pong umuudyok sa akin na pasukin po ang public service. Ito na po siguro ang tamang pagkakataon para po pagbigyan ang mga taong nagsusulong at naniniwala sa akin na ako po ay makakatulong lalo na po sa mga nangangailangan. Panahon na po para maibahagi ko rin ang mga adbokasiya at mga plataporma na aking binuo para po sa kapakanan ng nakakarami,” pahayag ni Nora.
Nagnanais na manungkulan sa Kongreso ng beteranang aktres dahil na rin sa kanyang naging kontribusyon at malasakit sa larangan ng sining. “Sa tagal ko po sa industriya ay naging saksi po ako sa hindi magandang trato sa mga naging kasamahan ko sa trabaho. Lalo na po ang mga maliliit na manggagawa na bukod sa hindi po nababayaran nang tama ay hindi po naibibigay ang nararapat para sa kanila. Kasabay nito, bibigyan ko rin ng prayoridad ang mga nasa sector ng media lalo na ang mga nasa entertainment. Karamihan sa kanila ay walang fixed na sweldo kaya dapat din silang tulungan,” paliwanag niya.
Kung papalaring mahalal sa pwesto ay maraming mga programa na ang pinaghahandaang isulong ni Ate Guy. Kabilang dito ang pagtulong at pagbibigay ng importansya sa senior citizens, mga OFW o overseas Filipino workers, mga kabataan at mga guro at LGBTQIA+. “Gagawin ko po ang aking makakaya upang kayo po ay mapagsilbihan ng may malinis na hangarin, tapat at may pagmamahal. Gabayan nawa po tayong lahat ng Poong Maykapal, maraming salamat po,” pagtatapos ng aktres.
Jao, nanibago sa trabaho
Mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas nang huling naging aktibo si Jao Mapa sa show business. Ngayon ay nagbida ang aktor sa pelikulang Paraluman. Katambal ni Jao sa naturang digital fim si Rhen Escaño.
Mahigit dalampung taon din ang agwat sa edad ng dalawa. Ayon kay Jao ay talagang malaki ang pagkakaiba ni Rhen sa lahat ng kanyang nakatambal sa mga pelikula. “It’s different because Rhen is kind of reserved, kind of more conservative but she knows how to use her craft. It’s teaching me that this is a whole different ball game. It’s more serious, you have to be at par kumbaga. Kumbaga maging level ka na ngayon kasi gano’n na ang labanan ngayon. I would say that I’m still a student right now coming back and getting pointers from a young actress right now,” paliwanag ni Jao.
Para sa aktor ay malaki na rin ang ipinagbago ng pagtatrabaho ngayon kumpara noong dekada nobenta. “In our set, nobody’s joking around, walang naghaharutan. Seryoso, I haven’t seen this kind of filmmaking or work done by a great group production with direk of course and it made me realize na wow, galing. I’m proud to be part of this production and I’m proud to have worked in this film. That’s what I learned and we got flying colors for it,” pagbabahagi ng aktor. (Reports from JCC)
- Latest