TV host na sikat, expert sa paghahanap ng bargain!
Nakakaaliw ang mga kuwento ng aming source tungkol sa isang pamosong female TV host na ang galing-galing magmaniobra ng kanyang kabuhayan.
May mga kuwento na dito sa atin, meron pang istoryang mula sa ibang bansa, kumpletos recados ang kanyang mga paglalarawan.
“Ang galing-galing niya, napakatotoo niya, wala siyang kayabang-yabang kahit pa sikat na siya at nirerespeto sa linya ng trabaho niya. Kung ibang tao lang siya?
“Sa layo na ng narating niya, sa galing niyang humawak ng mga shows niya, e, siguradong magyayabang na dahil meron nang napatunayan!” unang kuwento ng aming impormante.
Laman ng mga bazaar ang pamosong TV host, hindi siya nahihiyang magpunta sa mga lugar na hindi gaanong pinupuntahan ng mga yayamanin, lalo na ng mga sikat na personalidad.
Patuloy ng aming source, “Naku, wala siyang keber sa mga ganu’n! Kapag nabalitaan niyang maraming produktong ibinebenta sa ganito at ganu’ng lugar, naglalaan talaga siya ng oras!
“Nag-iikot siya, nakikipagtawaran, binubusisi niya ang mga produktong ibinebenta. Wala siyang pakialam kung tinitingnan siya ng mga namimili rin sa bazaar. Pareho nga lang naman kasi ang kilatis at kulay ng perang ipinambabayad nila!” natutuwang kuwento ng aming source.
Lumipat tayo ng bansa. Bumibiyahe rin siya sa mga lugar sa Asia kung saan siya makakapag-shopping nang walang gaanong nakakakilala sa kanya. Kukuha siya ng mumurahing hotel lang, lagakan lang naman kasi niya ‘yun ng mga pinamimili niya, saka tulugan at pahingahan.
Dagdag na impormasyon ng aming source, “Ganu’n din ang ginagawa niya, nakikipagtawaran siya, kahit pa may mga Pinoy na nagtatrabaho sa bansang ‘yun na nakakakilala sa kanya.
“Kumakain siya sa turo-turo, wala siyang pakialam sa sasabihin ng kahit sinong Pinoy na nakakakita sa kanya. Ganu’n siya kasimple, talagang napakatotoo niya, ang mahalaga sa kanya, e, mabili ang lahat ng mga kailangan niya lalo na kapag nalalapit na ang Pasko.
“Marami kasi siyang tinutulungan, marami siyang nireregaluhan, kaya kung saan-saang bansa siya nakararating para iba palagi ang ipinangreregalo niya.
“Handa na ba kayong hulaan kung sino ang magaling na female TV host na ito na walang kaere-ere? Matapang siya sa harap ng mga camera, pero sobrang simple niya sa tunay na buhay,” puro papuri pang pagtatapos ng aming source tungkol sa sikat na TV host.
Ubos!
Nagtayo ng bahay-aruga na nag-aalaga sa mga batang may cancer, pumanaw sa COVID-19
Every gising is a blessing. Totoong-totoo ‘yun. Maraming natutulog na hindi na nagigising. Ang bawat pagsikat ng araw ay may kakambal na pag-asa.
Pero meron ding paggising na may bitbit na kalungkutan. Malalaman mo na lang na ang kaibigang kausap-ka-text mo lang nu’ng isang araw ay namayapa na pala.
Tulad na lang ng loyalista ng CFM na si Mayette Bonilla, siya ang nagtayo ng Bahay-Aruga, isang halfway house para sa mga batang may cancer. Binigyan niya ng bubong na masisilungan ang mga bata para hindi na sila nagpapabalik-balik pa sa Maynila sa pagpapagamot.
Libre ang pagtira nila sa Bahay-Aruga, kumakain sa oras ang mga bata at ang kanilang bantay, madalas ding may mga personalidad na dumadalaw du’n para mag-ayuda ng mga pagkain para sa mga batang bilang na bilang na ang panahon sa mundo.
Mapayapa ang pagpapaalam ni Mayette. Sinabi niya sa kanyang pamangking si Viana na parang pagod na pagod siya, nangangalay ang kanyang katawan, kaya magpapahinga lang muna siya sa sofa.
Hindi pa nagtatagal ay nakita si Mayette ng kanyang pamangkin na nakalaylay na ang braso, wala nang buhay, nang dalhin siya sa ospital ay saka lang lumabas sa swab test na COVID-19 ang kanyang ikinamatay.
Hindi siya nagparamdam ng paghihirap, wala siyang inabala, mapayapa niyang isinuko ang hiram niyang buhay sa Panginoon. Sa kanyang paglisan ay aalalahanin namin si Mayette Bonilla bilang isang taong inilaan ang kanyang buhay sa pagtulong sa kapwa.
Parang mga ibon na nabalian ng pakpak ngayon ang mga alaga niyang batang may cancer sa Bahay-Aruga. Nawala na ang kanilang ate na nagbabantay sa kanila, nagmamalasakit at nagmamahal sa kanila, ang taong palaging nagpapaalala sa mga bata na mabait ang Diyos at hindi sila pababayaan.
Hanggang ngayon ay balot kami ng lungkot nina Japs at Tina, matinding lungkot din ang nararamdaman ng CFMers na itinuring na siyang parang tunay na kapatid, nawalan kaming lahat ng kapamilya sa pagpanaw ni Mayette Bonilla.
Ang taos-puso po naming pakikiramay sa lahat ng mga iniwan ni Mayette, pati na sa mga batang may cancer na iniwan niya sa Bahay-Aruga, paalam at maraming-maraming salamat sa wagas na pagkakaibigan.
- Latest