Angel nakatatak pa rin sa darna!
Base sa naririnig namin ngayon, hindi na gagamitin sa Darna ang original nitong istorya.
‘Yung natatandaan namin, nakakita si Narda ng parang bumagsak na bituin mula sa langit isang gabi sa Barrio Masambong, napulot niya ang bato at para hindi makita iyon ng mga kalaro niya, itinago niya iyon sa kanyang bibig at aksidenteng nalunok niya. Nang tanungin siya ni Lola Asay kung ano ang nakalagay sa bato, sinabi niya, Darna. Nagulat ang lola niya at kapatid na si Ding, dahil lumiwanag at bigla siyang nakasuot Darna na.
Nang lumaon, nabago iyon. Mayroon namang isang matanda na nakita ang kagandahang loob ni Narda, kaya ibinigay sa kanya ang “bato” na may kapangyarihan at inutusan siyang labanan ang masama.
Noong ang character ay unang ilabas ng Mango Comics, sinabi namang si Darna ay isang patay na alien warrior na nabubuhay muli sa pamamagitan ni Narda para labanan ang kasamaan.
Ngayon sa narinig namin, may isang mas matandang Darna na gusto na sigurong mag-retire na gagampanan ni Iza Calzado, na siyang maglilipat ng bato sa bago at mas batang Darna na si Jane de Leon nga.
Na siguro magagawa nilang maganda ang visuals dahil sa computer graphics.
Noong araw kasi, natatandaan naming itinatali si Ate Vi (Vilma Santos), nakabitin, sa harap niya ay may malakas na industrial fan, at black backing, para doon naman maipatong ang aerial shots. At huwag ninyong kalimutan na si Ate Vi ang nakagawa ng pinakamaraming pelikulang Darna.
Camera trick pa ang tawag doon na karaniwang ginagawa ni Mang Tommy Marcelino. Kaya kung iisipin mo, madali na ang mag-Darna sa ngayon kaysa noong araw.
Mayroon pa kaming napuna sa makabagong mga Darna. Noong araw lahat ng mga artistang nag-Darna ay sumikat, at lahat ng pelikula ay malalaking hit. Na kung iisipin ninyo, wala pa iyang magagandang opticals na ginagamit ngayon sa pelikula at telebisyon, puro props lang. Pero nitong bandang huli may mga nag-Darna na hindi umangat nang husto.
Kabilang na riyan sina Anjanette Abayari at Nanette Medved.
Sa ngayon nakatanim pa rin sa isipan ng tao si Angel Locsin bilang Darna.
Maricel, blogger na rin
Finally may social media accounts na rin si Maricel Soriano.
Kung iisipin mo, si Marya ang isang aktres na kayang-kayang maging blogger. Talo pa niyan ang isang stand-up comedian kung iyan ay magkukuwento lang, kahit na ilang oras na blog pa iyan.
Nasanay kasi si Marya na kasama ang mga beterano, natutuhan niya ang style ni Nida Blanca, at marami rin siyang natutuhan sa king of comedy na si Mang Dolphy na ilang dekada rin niyang nakasama sa kanilang seryeng John en Marsha.
Cute rin namang magtaray si Marya. Siya iyong magtaray man ay hindi antipatika, kasi nga may karapatan naman siyang magtaray bilang isang aktres.
Gay politician, kalat ang pagiging ninang ng male stars
Mukhang kalat na kalat na ang gay politician na “ninang” daw ng male stars na walang trabaho sa panahong ito ng pandemya. Nahalata lang naming, tinatawag siyang “tita” ng mga nagko-comment lalo na sa mga medyo palpak niyang posts sa social media.
Kasi naman nakikipagsabayan pa sa paid trolls.
Noong isang gabi ay nakita na naman namin si “ninang” o “tita” ba. May kasama na namang “pamangkin niyang male star.” Ang sabi ng aming isang source, ang itanong daw dapat kay Tita ay kung ano ang significance sa kanya ng lugar na “room 420”?
Bakit doon ba karaniwang may nagaganap na milagro? Naimbestigahan na ba ang mga milagrong iyan para masabing “supernatural ang origin,” o baka naman ang milagro ay “super financial origin” ang dahilan?
- Latest