Cinema One at Myx, nasa Cignal na
Mas marami pang Pilipino ang mabibigyang-saya ng blockbuster movies na tampok sa Cinema One at musikang hatid ng MYX dahil umeere na ang ABS-CBN pay TV channels na ito sa Cignal na nag-umpisa noong Huwebes (July 1).
Kilalang home of Pinoy blockbuster movies ang Cinema One na ngayon ay nasa Cignal Ch. 45 bitbit ang mga bago at classic films sa 24/7 programming nito, kabilang na ang mga tumatak na pelikula mula sa Cinema One Originals festival.
Ngayong July, iba’t ibang Kapamilya movies ang bibida sa Star Cinema Primetime, Lunes hanggang Biyernes, 7pm. Dapat ding abangan ang mga pelikula ni Coco Martin sa Friday Action tuwing Biyernes, 10pm; hit movies ni Sarah Geronimo sa Romance Central tuwing LInggo, 5pm; at ‘di malilimutang pelikula ng Comedy King na si Dolphy sa Restored Cinema tuwing Linggo, 9 pm.
May hatid ding fresh episodes si Bianca Gonzalez ng kanyang weekly entertainment magazine show na CinemaNews tuwing Biyernes, 9 pm.
Sisimulan naman ng nangungunang music channel sa bansa, MYX, ang paghahatid ng pinakamaiinit na music videos at balita at trivia tungkol sa mga paboritong OPM at international artists sa Cignal Ch. 150.
Bibida ngayong July si Zild sa MYX Spotlight habang tampok naman ang OPM band na The Itchyworms bilang MYX Headliner. Mapapanood din ang bagong season ng Kwentong Barber, ang hit talk show ni Edward Barber, simula kahapon, Sabado (July 3), 8 pm. Mapapanood naman sa Myxellaneous ang P-pop girl group na BINI sa July 6, sina Calum Scott at Lukas Graham sa July 13, si Zild sa July 20, at si Maymay Entrata sa July 27, 8pm.
Ang Cinema One at MYX ay mapapanood nang libre ng mga active Cignal Postpaid, Prepaid Ultimate HD, and Premium SD subscribers simula July 1 hanggang July 31, 2021. Kabilang ito sa pay TV channels ng ABS-CBN subsidiary na Creative Programs, Inc.
- Latest