^

PSN Showbiz

Aktres na nakapangasawa ng mayaman malungkot, ‘di na pinapayagang mag-showbiz

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Tahimik ang personal na buhay ng isang magandang aktres. Mahusay siyang humawak ng kapribaduhan ng kanilang pamilya. Walang anumang isyung iniuugnay sa kanilang mag-asawa.

Parang ang suwerte-suwerte ng female personality dahil hindi kumukupas ang kanyang ganda, para siyang nakasandal sa pader ng seguridad na ilan mang pandemya ang dumaan ay mabubuhay siya nang maayos, para sa mas nakararami ay wala na siyang hahanapin pa.

Pero meron din pala. Ang mga dati nilang kasambahay ang nagsasabi na hindi ganu’n kaligaya ang buhay ng female personality.

Ayon sa aming source, “First love niya kasi ang pag-aartista. At naging successful naman siya. Hindi lang siya sumikat, magaling din siyang umarte, kahit nga sa pagho-host, e, pinakikinabangan siya!

“’Yun ang ikot ng dating mundo niya bago siya nag-asawa. E, biglang nawala, makagawa man siya ng pelikula, e, paminsan-minsan lang, hindi pala ganu’n ang gusto niyang mangyari sa buhay niya,” unang rebelasyon ng aming impormante.

May mga humaharang sa gusto ng aktres, hindi raw naman niya kailangang magtrabaho pa para mabuhay, nakahanda na pati ang kinabukasan ng kanilang mga anak.

Patuloy ng aming source, “May mga pagkakataong nakikita siya ng kanilang mga maids na malungkot. Iniiwasan din pala niyang manood ng mga serye, ng pelikula, dahil lalo lang siyang nalulungkot.

“Sabi nga ng mga dati nilang kasambahay, e, para raw siyang isda na inilipat sa lupa. Gustung-gusto pa rin niyang mag-artista pero may mga kumokontra sa kanya.

“Kung nakagawa man siya ng projects nu’n, e, dumaan pa ‘yun sa napakahabang pakiusapan kaya natuloy. Kaya hindi puwedeng sabihin na wala na siyang hahanapin pa sa buhay niya ngayon.

“Hinahanap-hanap pa rin niya ang nakasana­yan niya, ang amoy ng showbiz, ang mga dati niyang kasamahan. Kung sila siguro ng nakarelasyon niyang male personality ang nagkatuluyan, e, hindi siya magiging malungkot.

“Makakapag-artista pa rin siya, makukumpleto ang buhay niya, dahil mahal din ng ex niya ang mundong kumumpleto ng mga drama nila,” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Pagmamahal at respeto, pinaramdam ng mga Pinoy kay Noynoy

Wala kaming ibang pinagkaabalahan nu’ng nakaraang Sabado. Inilaan namin ang panahon sa pagtutok sa paghahatid sa huling hantungan kay dating Pangulong Noynoy Aquino.

Dahil pandemya ngayon ay hindi natin natunghayan ang pakikidalamhati ng ating mga kababayan sa libing ng kanyang ama nu’ng 1983 at ng kanyang ina nu’ng 2009.

Pero ang kilabot ay hindi nawala. Bato na lang ang pusong hindi matitinag kung paanong inabangan ng mga Pilipino ang pagdaan ng kanyang mga labi mula sa pinagmisahang Ateneo Church hanggang sa pagpasok sa Manila Memorial Park.

Hindi lang pagmamahal ang kanilang ipinaramdam kundi higit sa lahat ay ang pagrespeto sa isang dating pangulong mas piniling manahimik na lang mula nang bumaba sa kanyang puwesto.

Joshua, hindi mapakali

sa pagkamatay ni PNoy

Sa mismong puntod kung saan nakalibing sina dating Senador Ninoy at dating Pangulong Cory nakisukob ng paghihimlayan si dating Pangulong Noynoy.

Ewan, pero basta natututukan ng mga camera si Joshua ay bumabagsak ang aming luha. Alam kasi namin na baling-bali ang mga pakpak ngayon ng panganay ni Kris Aquino sa pagkawala ng itinuring niyang ama-amahan.

Tiyuhin, kaibigan, kapareha sa pagko-computer, silang dalawa talaga ang sanggang-dikit sa lahat ng bagay. Pero parang hindi abot ng kamalayan ni Josh ang mga nagaganap.

Sa huling pagbebendisyon sa da­ting pangulo ng buong pamilya ay sumaludo pa muna si Bimby, pero nu’ng si Josh na ang magwiwisik ng holy water ay parang ayaw niyang lumapit, ikot nang ikot si Josh sa lugar at kung sinu-sino ang kinakausap.

Pinakaemosyonal sa magkapatid si Kris. Siya mismo ang nagsabi na sa huling sandali ay pinatawad na siya ng dating pangulo. Malalim ang ugat ng kanilang hidwaan na nauwi sa matagal nilang hindi pag-uusap at hindi pagpunta ng kanyang mga anak sa Times Street.

Alam naming nagmamahalan ang magkakapatid, sinumang kumalaban sa kahit sino sa kanila ay iisa lang ang kanilang damdamin, pero may sari-sarili nang buhay ang mga kapatid ng dating pangulo.

Nagkikita-kita nang regular ang buong pamilya, nandu’n ang saya habang magkakasama pa sila, pero paano na kaya kapag nag-iisa na lang si dating­ Pangulong Noynoy?

Mabuti na lang at merong musika siyang pinagkaabalahan, record siya nang record ng mga luma at bagong piyesa na ipinangreregalo niya sa mga kaibigan, inaliw ng mundo ng musika ang kanyang pag-iisa.

Tama bang sabihing naging malungkot ang buhay ng dating pangulo?

Pero bayan naman ang nagsasabi, “Hindi ka nag-iisa.”

PNOY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with