Aktres na may bisyo, nilalayasan ng mga kasambahay dahil sa matinding halusinasyon
Shock na shock ang aming impormante tungkol sa mga kuwentong narinig nito mula sa mga dating katrabaho ng isang popular na female personality.
Nagtatayuan ang kanyang mga buhok sa buong katawan, kilabot na kilabot ang aming source, dahil tunay namang nakakaloka ang mga kuwentong nakarating sa kanya.
Kuwento ng aming source, “Nangyari ‘yun nu’ng nag-uumpisa nang may pinagkakaabalahang bisyo ang female personality. Nanibago ang mga co-stars niya dahil ayaw niyang makisalamuha sa grupo.
“Palagi lang siyang nag-iisa sa tent, pati ang alalay niya, e, hindi puwede du’n, pinalalabas niya. Wala lang, basta nandu’n lang siyang mag-isa, ayaw niyang makipag-usap kahit kanino,” buwena-manong kuwento ng aming impormante.
Kapag naman trip niyang makipagkuwentuhan sa mga kasamahan niya ay meron siyang mga kuwentong mahirap paniwalaan. Kinikilabutan ang mga kausap niya.
Patuloy ng aming source, “Ang kuwento niya kasi, e, meron daw malaking-malaking tao na palaging dumadalaw sa kanya. Hindi raw niya alam kung paano siya nasusundan, hindi raw naman niya sinasabi kung saan siya pupunta.
“Parang kapre ang sinasabi niya, kahit daw saan siya nandu’n, e, nakasunod ang kapre sa kanya. Basta nakatingin lang daw naman sa kanya, hindi raw sila nag-uusap.
“Natural, manghang-mangha ang mga kinukuwentuhan niya! Kinikilabutan ang lahat dahil sa mga pinagsasasabi niya! Nu’ng minsan daw na nakatulog siya sa sofa, e, nagising siyang nasa kama na niya! Ang kapre raw ang bumuhat sa kanya!” napapailing na kuwento ng aming source.
May mga oras namang duwende raw ang sumusunod sa kanya. Iba-iba kuno ang kulay ng damit ng mga duwende. Takbuhan daw nang takbuhan ang mga duwende sa kuwarto niya.
Sabi uli ng aming impormante, “Nu’n pa man, e, meron na siyang mga kalokahan, kapre at duwende? Sumusunod daw sa kanya kahit saan siya magpunta? Siguradong halusinasyon ang nangyayari sa kanya dahil meron na nga siyang pinagkakaabalahang bisyo.
“Kaya pala walang tumatagal na kasambahay sa female personality na ito, baka takot na takot din sa mga kuwento niya! ‘Yun din siguro ang dahilan kung bakit siya hiniwalayan ng mister niya, mahirap na nga naman, baka makita pa niya ang mga duwende at kapre at bigla siyang mawalan ng malay!
“Sana naman, e, hindi na nagpapakita ngayon sa kanya ang mga imaginary friends niya, sana naman!” pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Nadine, walang kawala sa Viva hanggang 2029
Hanggang taong 2029 pa pala ang kontrata ni Nadine Lustre sa Viva Artists Agency. Napakaraming tulog at gising pa nu’n, napakahabang paghihintay, kaya ginusto na niyang makaalpas sa pangangalaga ng kanyang management agency.
Dininig ang kasong isinampa niya laban sa VAA. Hindi pa tinalakay kung hanggang 2029 ay epektibo pa rin ang kanyang kontrata pero ayon sa husgado ay hindi maaaring tumanggap ng anumang trabaho si Nadine nang hindi dumadaan sa kumpanya.
Tuloy pa rin ang mga tinanguan niyang trabaho, pero kukuha nang kuwarenta porsiyentong kaltas ang VAA, na nakasaad sa kanyang kontrata.
Pero hindi kinatigan ng korte ang kagustuhan ng VAA na kunin ang kanyang mga ari-arian at naipong halaga mula sa kanyang kinita sa kumpanya, naipanalo ‘yun ni Nadine, na sa pananaw ng marami ay nararapat lang naman.
Mahirap ang sitwasyon ngayon ni Nadine. Kalayaan mula sa Viva Artists Agency ang kanyang hangad pero mahabang usapin pa ang kailangang takbuhan nu’n.
Titilarin siyempre ng husgado ang nakasaad sa pinirmahan niyang kontrata, hihimayin ang mga detalye, at saka pa lang magdedeklara ang husgado kung maaari na siyang makaalis o kailangan pa rin niyang mamalagi sa pamamahala ng VAA.
Iba ang kaso ni James Reid. Binili nito ang kanyang kontrata sa VAA. May kasamang abogado si James at ang kanyang ama nang makipagtuos sila sa VAA.
Pamilyar na kami sa ganitong klase ng problema ng mga artista. Ang karaniwang nangyayari ay binibili na lang ng personalidad ang kanyang kontrata para makaiwas sa demandahan.
Mahirap nga namang makipagbanggaan sa malalaking kumpanya, pader silang naturingan, kaya ang nabubukulan ay ang artista sa paghahain ng kaso.
Maraming nanghihinayang sa dapat sana’y itinakbo na ng career ni Nadine kung hindi lang siya nagdemanda sa VAA. Pero siguradong pinag-isipan niya namang mabuti ang kanyang legal na aksiyon bago siya nagdesisyon.
Negosyo ang pagpapasikat sa artista, namumuhunan ang kumpanya, kaya hindi sila makapapayag na basta-basta na lang masayang ang kanilang ipinuhunan.
- Latest