Aktres na bongga ang naging career, tanggap na ang kapalaran
Nakakaaliw ang mga kuwento ng aming source tungkol sa isang female personality na sumikat nang sobrang sikat nu’ng kanyang kapanahunan. Wala nang mas sisikat pa sa kanya, siya lang ang sumikat nang ganu’n katindi, hawak pa rin niya ang bandera.
Ang mga sigawan ay humihina, ang mga palakpak ay kinatatamaran, pero ang kanyang pangalan ay nandito pa rin at buhay na buhay.
Napakahalaga nga ng salitang pagtanggap sa anumang larangan. Masakit lang ang katotohanan kung hindi natin kayang tanggapin ang kinauwian ng ating kapalaran.
Pero kapag nagbukas na ang ating puso sa pagtanggap ay kasunod na ang kaligayahan, ang katahimikan ng kalooban, ang pamamaalam sa pagkukunwari.
Kuwento ng aming source, na may panghihinayang pero kasiyahan, “Saludo kaming magkakaibigan kay __ (pangalan ng female personality na naabot ang kasikatang hindi kinaya ng ibang artista). Wala lang siyang hilig sumagot sa mga issue, hindi lang siya ‘yung klaseng magpapaliwanag, tahimik lang siya.
“Pero masaya siya, ine-enjoy niya ang buhay niya ngayon, wala siyang mga pretensions. Kung ano ang nand’yan, e, pinagkakasya lang niya, acceptance ang dahilan nu’n,” unang buwena-manong kuwento ng aming impormante.
Parang OA lang ang dating ng kuwento ng aming source, pero napakaraming makapagpapatotoo sa katotohanan nu’n, ang mga natitira pang loyalista ng sumikat na female personality.
“Condo unit ang tinitirhan niya, pero bumababa siyang madalas. Naglalakad siya sa karamihan ng tao, bumibili siya ng food sa karinderya, wala siyang pandong, kitang-kita ng mga nandu’n na siya ‘yun!
“Ang mga binibili niyang food, e, ‘yun ang kinakain niya nang ilang araw, naka-ref lang, kung minsan naman, e, nagpapa-deliver siya ng food sa mga kilalang food chain.
“Ganu’n kasimple ang buhay niya, kapag wala siyang work, nandu’n lang siya sa unit niya, panood nang panood ng mga pelikulang gusto niya. Relax na relax ang buhay niya.
“Wala siyang stress, hindi rin siya inaatake ng anxiety, lalong malayo ang depression sa kanya dahil tanggap na tanggap na nga niya ang naganap sa career niya!
“Sobra kaming hanga sa kanya, nakikita namin siyang kumakain nang nakakamay, ang dalawang tinapa, e, heaven na para sa kanya, basta may sawsawan siyang sili.
“Saan pa tayo hahanap ng personality na tulad niya? Mahalaga talaga ang acceptance. Hindi niya na iniisip ang mga nawala sa kanya, ang focus niya ngayon, e, kung paano ie-enjoy ang buhay niya!” manghang-manghang kuwento ng pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Wala lang kamera, Mayor Enrico tutok sa mga Pandienyo
Hindi lang kasing-ingay ng pangalan nina Mayor Isko Moreno at Mayor Vico Sotto ang minamahal at nirerespetong tagapamuno ng mga Pandienyo pero tahimik siyang gumagalaw nang walang nakatutok na mga camera.
Nu’ng kaputukan ng pandemya ay sa kanyang bayan nagsimula ang pagbibigay ng ayuda sa kanyang mga nasasakupan sa pamamagitan ng paglalagay ng mga silya sa tapat ng bawat bahay para walang kontak sa mga frontliners ang mga naninirahan.
Utak ni Mayor Enrico Roque ng Pandi, Bulacan ang nagpasimuno nu’n na sinundan naman ng iba-ibang bayan para sa kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan.
Ngayong panahon naman ng pagbabakuna ay isa ang bayan ng Pandi sa halos nakapagbakuna na sa kanilang mga mamamayan. Mabilis umaksiyon si Mayor Enrico, tutok na tutok siya sa kapakanan ng mga Pandienyo, wala siyang sinasayang na panahon.
May mga senior citizens na may malaking takot sa pagpapabakuna, isang hakbang ang nabuo sa isip ng batambata pang mayor, ang masinsinang pakikipag-usap sa mga senior citizens ng kanyang bayan.
At may kakambal pang regalo ‘yun. Ang bawat may edad nang magpapabakuna ay tatanggap nang dalawang libong piso mula sa kaban ng Pandi.
Nawala na ang kanilang takot sa pagpapaturok ng bakuna ay meron pa silang dalawang libong pambili ng mga pagkain at prutas para sa kanilang pisikal na pangangailangan.
Ipinagmamalaki namin ni Kabsat Lolit Solis si Mayor Enrico Roque. Kung meron nga lang mabibiling bahay at lupa si Kabsat Lolit ay mas gusto na nitong manirahan sa Pandi dahil sa klase ng pagmamahal at pag-aalagang ibinibigay nang mula sa puso ng kanilang mayor.
Labing-anim na taon na naming anak-anakan si Mayor Enrico. Naging buhay na saksi kami sa kanyang pangangarap (sa pagbuo sa Amana Waterpark), lalo na sa pagiging ulirang anak at kapatid, at sa haba ng panahong ‘yun minsan man ay hindi niya kami binigo sa matinding tiwalang ibinibigay namin sa kanya.
Nang pumanaw ang aming mga magulang at kapatid ay si Mayor Enrico ang pinakaunang kahati namin sa pagdadalamhati. Ang barong na ipinamburol ni Tatay, ang damit na burdadong produkto ng Pandi ang huling isinuot ni Nanay at ni Ate Lavinia, ganu’n kasensitibo ang kanyang puso.
Sa bawat espesyal na araw sa aming buhay ay pangalan ni Mayor Enrico ang unang-una naming nababasang bumabati sa paggising namin. Hindi namin binubura ang kanyang mga mensahe sa aming telepono.
At lantaran naming isinisigaw sa aming programa, sa aming mga kolum, siya ang pinakamamahal naming mayor sa buong mundo.
- Latest