^

PSN Showbiz

Kagagahan ng female personalities, hindi nakakalimutan ng mga katrabaho

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Dati, nu’ng namamayagpag pa ang isang istasyon, may tatlong babaeng perso­nalidad na palaging bumibida sa mga nakamamanghang kuwento.

Magkakaiba ang kanilang dating, may kani-kanyang atake silang nakaaaliw, pero madalas din silang kainisan ng kanilang mga katrabaho.

Nagkataon naman na ang kanilang mga pangalan ay pare-parehong nagsisimula sa letrang K, sinu-sino ba sila, ano ba ang kanilang mga kalokahan sa buhay?

Sabi agad ng aming source, “Okey, sa unang female personality muna tayo. Sobra siyang mahigpit pagdating sa trabaho. Perfectionist kasi siya. Ayaw niya sa staff na papatay-patay, kailangang palaging aktibo ang utak ng staff niya!

“Grabe siyang magalit kapag pumapalpak ang trabaho ng mga nasasakupan niya. Ibinabato niya ang mga tapes, nagliliparan, habang nagtatalak siya!

“Pero pagkatapos ng work nila, e, marunong gumamot ang female perso­nality. Niyayaya niyang mag-bonding ang buong staff niya! Tawanan sila nang tawanan na parang walang nagliparang video tapes sa ere!” unang kuwento ng aming impormante.

Ang pangalawang female personality naman ang ikinuwento ng aming source, letter K rin ang initials nito, kakaiba rin ang kanyang atake.

“Naku, ibang klase naman ang babaeng ‘yun! Sobra siyang maepal! Ang feeling niya, e, siya na ang pinakamatalinong babae sa buong mundo!

“May gusto kasi siyang kabuging kasamahan niya na hindi naman nakikipagkabugan sa kanya! Hindi na niya aabutan ang girl, napakalayo na ng agwat nila, wala na siyang magagawa kundi ang umepal na lang nang umepal!” parang walang ganang kuwento ng aming source.

Heto na ang ikatlong female personality na nagsisimula rin sa letter K ang name, siya ang pinakanakakaloka, maraming naiinis sa sobrang kaartehan ng girl!

“Ay, walang kakabog sa kahitaran ng babaeng ‘yun! Wala nang mas aarte pa kesa sa kanya! Siya na ang pinakamaarte sa lahat ng maaarte, kaya kinaiinisan siya ng mga katrabaho niya!

“Super-spoiled naman ang datingan ng girl na ito, wala siyang pakialam kung nade-delay na ang trabaho nila, makapag-inarte lang siya!

“Ano ang nangyari? Wala na siyang pag-iinartehan ngayon! Waley na talaga! Sayang na sayang na ang kaartehan niya! Wala na kasi siyang show!” humahalakhak na pagtatapos ng aming source tungkol sa tatlong K ng istasyon!

Ubos!

Alden at John Lloyd, pinagsasabong

Inaasahan na namin ang ganitong senaryo nu’ng simula pa lang. Kung maraming kababayan natin ang masayang-masaya sa pagbabalik ni John Lloyd Cruz pagkatapos “magtago” nang apat na taon ay meron din siyempreng kumokontra sa muli niyang pagharap sa mga camera.

Nang lumutang ang balitang sa GMA-7 siya gagawa ng sitcom ay lalong nag-aangatan ang mga laban sa ideya, biglang umalma ang mga tagasuporta ni Alden Richards, silang dalawa raw kasi ang pagsasabungin ng network.

Si Alden ang isa sa iilang posting talent ngayon ng GMA-7, maraming maligaya sa kanyang popularidad, dahil bukod sa kanyang itsura at talento ay mapagkumbaba ang Pambansang Bae.

Pero hindi sila dapat paglabanin ni JLC, may kani-kanya silang maipagmamalaking talento, bukod pa sa aminado naman si Alden na idolo nito ang nagbabalik na aktor.

Kung biyahe sa pagiging artista ang pag-uusapan ay may kahabaan na ang paglalakbay ni Lloydie, si Alden naman ay nasa kasarapang panahon pa lang, kaya may kalakihan na ang agwat ng kanilang karera.

Mas magandang isipin na pagsamahin sana sila ng GMA-7 sa isang proyekto bilang magkapatid. Magandang ideya ‘yun, pareho silang mahusay umarte, wala ring itulak-kabigan sa kanilang itsura.

Maganda ang labanan kung walang personalan, kung walang nagpapasabong sa kanila, marespetong pareho sa kanilang kapwa sina JLC at Alden kaya malayong magtagumpay ang mga gumagawa ng isyu.

Mas kilala namin ang pagkatao ni Alden kesa kay John Lloyd. Tatanggapin ni Alden ang pagpasok ni Lloydie sa pinagharian nitong bakuran. Hindi maramot si Alden, masayang-masaya ang aktor kapag lahat ay nabibiyayaan ng oportunidad, kaya wala kaming nakikitang problema.

Ang daming lumilipat na personalidad sa GMA-7, ang Siyete naman ay nagbabawas ng mga artista, at marami rin namang personalidad na nananatili sa ABS-CBN na hindi nagpapatinag sa hamon ng pan­demya.

Punumpuno rin ng mga programa ang TV5, hindi man masasabing homegrown talent ang mga bumibida ay sa network pa rin sila napapanood, kaya buhay na buhay ngayon ang mundo ng telebisyon.

At kapag ganyang aktibo ang lahat ng istasyon ay sino ba ang nabibiyayaan? Hindi lang ang mga artista at production staff kundi pati ang ating mga kababayang tumututok na naaaliw ngayong panahon ng pandemya.

JLC

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with