Dahil sa karanasan, aktor malalim ang hugot sa akting
May malalim na pinaghuhugutan ang isang male personality kapag humaharap na siya sa mga camera. Bulag na lang ang magsasabing hindi siya guwapo pero ang kakisigang ‘yun ay may lalim sa pag-arte.
Kung karanasan ang pag-uusapan ay napakaraming pinagdaanan ng guwapong lalaking personalidad na sobra pa sa sapat na maging dahilan kung bakit siya mahusay umarte.
‘Yun ang mga pagkakataon na maisip pa lang siguro niya kapag nasa harapan ng mga camera ay biglang nagbibigay sa kanya ng lungkot kaya siya nakaiiyak nang malaya.
Kuwento ng aming source, “Nakakatuwa ang male personality na ‘yun dahil lumaban siya sa buhay. Hindi siya nawalan ng tapang. Ipinaglaban niya ang kaapihan niya.
“Kung sa ibang tao lang nangyari ang naranasan niya, e, baka bumigay na, baka nagkawarde-warde na ang kinabukasan,” unang komento ng aming impormante.
Sa maagang edad ay sinubok na ng panahon ang katatagan ng male personality. Kahit sa panaginip lang ay hindi niya inasahang malalagay pala siya sa isang napakasakit na sitwasyon nang wala siyang kalaban-laban.
Patuloy ng aming source, “Kapag napapanood siya sa isang serye ngayon ng mga kaibigan ng family nila, e, naiiyak sila. Hindi naman drama kung tutuusin ang mga eksena, pero naiiyak sila dahil hindi nagpaapekto ang male personality sa mga naranasan niya.
“Ang sakit-sakit kasi nu’n! Ang pagbintangan ka sa isang bagay na hinding-hindi mo naman ginawa pero pinalabas na totoong-totoo ng isang taong hindi pa naman iba sa iyo!
“Matindi ‘yun! Matagal na dinala ng male personality sa puso at isip niya ang bintang na ‘yun! Mabuti na lang at nagkaroon siya ng isang nanay na handa siyang ipaglaban nang patayan!
“Grabe ang nangyaring ‘yun sa bagets actor! Malapit na niyang tapusin ang buhay niya nang dahil du’n! Mabuti na lang talaga at meron siyang nanay at mga kapamilyang sumuporta sa kanya!” madiin pang kuwento ng aming source.
May panahon ng pagbangon, pinatatag ng panahon ang male personality, hindi pa rin niya nakakalimutan ang nangyari pero maaliwalas na ang pananaw niya sa buhay ngayon.
“Sa name pa lang kasi niya, e, napakatapang na niya! Buung-buo na ang tapang niya. Nagkaroon pa siya ng nanay na giyerera na handang magtanggol sa kanya!” pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Bakuna, ‘di pasaporte para lumabag sa health protocols
Tapos na kami sa ikalawang dose ng bakuna. Sabi nga ni Manay Lolit Solis ay makahihinga na kami nang maluwag dahil nabakunahan na rin sina Mr. Fu, Salve Asis, Gorgy Rula, Japs Gersin at Tina Roa.
Kami kasi ang magkakasama tuwing Martes nang tanghali sa Mga Obra Ni Nanay para sa Take It, Per Minute… Me Gano’n. Pati sina Randolf at Gillord ay bakunado na rin kaya kumpleto na ang casting.
Kung nu’ng unang dose ay halos wala kaming naramdaman, dito sa ikalawa ay may pahimakas na, mabigat ang kaliwang braso namin at wagas ang pagkaway ng antok.
Pakiramdam namin ay mas malapot ang laman ng ikalawang bakuna, may kirot, pero kering-keri naman ang “kagat ng langgam” kung tutuusin.
Sa muli, maraming-maraming salamat kay Mayor Joy Belmonte at sa kanyang mga staff na sina Dinah at Jessica Manipis na sumuporta sa amin, salamat din sa napakagaang kamay ni Dra. Catherine Macaraig na bago itinurok sa amin ang karayom ay nakikipagkuwentuhan pa para mawala ang aming kaba.
Huwag po tayong matatakot sa pagpapabakuna, huwag nating ipanakaw ang pag-asa at katahimikan ng kalooban na kapag bakunado ka na, hindi ka man isandaang porsiyentong makalilibre sa salot ay napakalaki ng posibilidad na hindi ka na makararanas nang matinding pagkakasakit.
Pero lagi rin nating tatandaan na ang kumpletong bakuna ay hindi puwedeng gamiting pasaporte para kalimutan na natin ang mga health protocols. Palagi pa rin tayong magsusuot ng face mask at face shield, maghuhugas ng mga kamay at iwasan ang matataong lugar, para sa social distancing.
Sabi sa amin ni Dr. Dennis Sta. Ana, anak-anakan naming doktor, “After two weeks, mararamdaman n’yo na ang maganda at malaking pagbabago ng effect ng vaccine.”
Huwag po nating pakawalan ang bakunang ipinamamahagi ng ating pamahalaan, isang oportunidad ito na magbibigay sa atin ng ibayong tiwala sa ating sarili, hindi nabibili nang nakabilao ang pag-asa, katahimikan ng kalooban at tiwala na ibinibigay ng pagpapabakuna.
- Latest