Aktor na kinasuhan at nagtago sa abroad, nakatisod ng suwerte sa dating fan
Napakasuwerte naman ng isang pamosong male personality na nakatagpo ng karelasyong non-showbiz na faney na faney niya. Pati ang pamilya ng babae ay tagahanga rin niya.
Sabi ng aming source, “Ang suwerte nga naman kapag ikaw ang natumbok, walang kuwestiyon! Anumang pagkukulang ng male personality, e, ayos lang, walang kumokontra!”
Bagets pa kuno ang karelasyon ngayon ng male personality ay talagang tumitili na para sa kanya. May sikat pa siyang ka-loveteam nu’n, sikat na sikat ang kanilang tambalan, pero walang pakialam ang girl.
Patuloy na kuwento ng aming impormante, “May-I-go pa pala nu’n ang girl sa mga studio para lang siya makita. Faney na faney talaga siya! Hanggang sa nagibang-bansa na ang pamilya ng babae, pero ang paghanga niya sa male personality, e, hindi pa rin nagbabago.
“Tutok na tutok pa rin siya sa mga pelikula ng aktor, wala siyang pinalalampas, wala siyang ibang idolo kundi ang lalaking ‘yun lang!” sabi uli ng aming source.
Pero mapagbiro ang kapalaran. May isang insidenteng nangyari dito sa Pinas na naging dahilan ng pag-alis ng male personality.
Pag-alala ng aming source, “Idinemanda kasi ng isang girl ang male personality, matindi ang mga kasong isinampa laban sa kanya, kaya wala siyang choice kundi ang umalis na lang!
“May isang issue pa siyang kinasangkutan na nawasak nang husto ang name niya, kaya wala talaga siyang pamimilian kundi ang mag-abroad na lang! ayun! Nagkita uli sila du’n ng girl, ang kanyang forever faney!
“Nagkalapit sila, hanggang sa naging magkarelasyon na nga, para siyang iniligtas sa indulto ng girl pati na ng buong pamilya!
“Naka-survive siya sa pagsyosyogo niya, may pamilyang umalalay sa kanya. Paraket-raket lang nu’n ang male personality! Hindi naman siya singer, pero kumakanta siya sa maliliit lang namang restaurant.
“Malaki ang utang na loob ng guy sa girl! Sa panahon nga namang bagsak na bagsak siya, e, may naghagis sa kanya ng salbabida!
“Ang suwerte nga naman, di ba? Nagkakaedad na ang male personality pero hindi pa rin maitatago ang kaguwapuhan niya. May mga projects pa rin siya, kaya lang, ang acting niya nu’ng kasagsagan ng kasikatan niya, e, ganu’n pa rin hanggang ngayon, walang pagbabago!” tawa nang tawang kuwento ng aming source sa kanyang pagtatapos.
Ubos!
‘Tula’ ni Ted para sa mga nanay inabangan, magulang may liham para sa mga anak
Kahapon ay ipinagdiwang ng buong mundo ang Mother’s Day. Malaking oras namin ang kinain sa pagsagot ng mga pagbati. Naging abala rin kami sa pagpapadala ng mensahe sa mga dakilang ina sa showbiz sa aming pamantayan.
Kahapon dapat namin ilalabas ang isang tula na taun-taon ay binabasa ng magaling na news anchor na si Ted Failon sa kanyang programa pero naligaw kami sa araw.
Maraming naghahanap sa tula, sana raw ay inilabas namin, bilang pagbibigay-pugay sa ating mga magulang na tumatanda na at may hinihiling sa kanilang mga anak.
Wala namang pinipiling panahon ang pagdiriwang ng Araw Ng Mga Ina, araw-araw ay minamahal natin sila, kaya narito po ang tula na nakapaninindig-balahibo ang nilalaman.
“Liham Ng Magulang Sa Anak
Mahal kong anak, sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensiyahan. Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan o nakatapon ng sabaw sa hapag kainan, huwag mo sana akong kagagalitan. Maramdamin ang isang matanda, at kinakaawaan ko ang aking sarili sa tuwing sisigawan mo ako.
Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan ng “bingi!” paki-ulit nalang ang sinabi mo o pakisulat nalang. Pasensya ka na, anak. Talagang matanda na ako.
Kapag mahina na tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong tulungang tumayo – katulad ng pag-aalalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.
Pagpasensiyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging makulit at paulit-ulit na parang sirang plaka. Basta pakinggan mo nalang ako, anak. Huwag mo sana akong pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan. Natatandaan mo pa ba anak noong bata ka pa? Kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit mo ‘yong sasabihin, maghapon kang mangungulit hangga’t hindi mo nakukuha ang gusto mo. Pinagtiyagaan ko ang kakulitan mo.
Pagpasensiyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy matanda, amoy lupa. Huwag mo sana akong piliting maligo. Mahina na ang katawan ko. Madaling magkasakit kapag nalalamigan, huwag mo sana akong pandirihan. Natatandaan mo noong bata ka pa? Pinagtiyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.
Pagpasensiyahan mo sana kung madalas, ako’y masungit, dala na marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin ako, anak.
Kapag may kaunti kang panahon, magkuwentuhan naman tayo, kahit sandali lang. inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa, walang kausap. Alam kong busy ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik na akong makakuwentuhan ka, kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kuwento ko. Natatandaan mo, anak, noong bata ka pa? Pinagtiyagaan kong pakinggan at intindihin ang pautal-utal mong kuwento tungkol sa laruan mo.
At kapag dumating ang sandali na ako’y magkasakit at maratay sa banig ng karamdaman, huwag mo sana akong pagsawaang alagaan.
Pagpasensiyahan mo sana kung ako man ay maihi o madumi sa higaan, pagtiyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking buhay. Tutal hindi na naman ako magtatagal, anak.
Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo sana ang aking kamay at bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang kamatayan.
At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha, ibubulong ko sa Kanya na pagapalain ka sana, dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama at ina.”
Likha ni Rev. Fr. Ariel F. Robles, Spiritual Director, St. Augustine Parish, Baliuag, Bulacan.
- Latest