Female personality consistent sa pagtuturong magsinungaling ang mga kasambahay
Nakailang palit na ng kasambahay ang isang female personality. Walang tumatagal sa kanyang bahay. Tumatawag agad ang kasambahay sa ahensiya para magpapalit.
Ganu’n na ang kuwento nu’ng dalaga pa ang female personality, pero ngayong pamilyado na siya ay ganu’n pa rin ang istorya, nahihirapan siyang makatagpo ng kasambahay na makasasabay at makatitiis sa ugali niya.
Kuwento ng aming source, “Walang tumatagal na kasambahay sa kanya, ang iba nga, e, araw pa lang ang binibilang, nagpapapalit na sa agency na pinagkunan sa kanila.
“Wala raw naman silang problema sa pagkain, maayos naman ang trato sa kanila ng female personality, pero marami silang hindi gusto,” unang rebelasyon ng aming impormante.
Ang unang inaayawan ng mga maid-of-cotton ay ang pagsisinungaling. Lahat pala sila ay tinuturuan ng kanilang boss na magsinungaling kapag may tumatawag sa telepono. Kapag nagkamali sila ng sinabi ay siguradong tatalakan na sila ng babaeng personalidad.
Balik-kuwento ng aming source, “Mahilig kasing magsinungaling ang girl. Kahit kapamilya na niya ang tumatawag, kapag ayaw niyang kausapin, kailangang mag-imbento ng dahilan ang kanyang mga kasambahay.
“Natural, wala namang alam sa ganu’n ang mga maid niya, kung ano ang totoo, ‘yun ang isinasagot nila sa tumatawag. Nagwawala ang girl kapag ganu’n!
“Ang susyunga raw ng mga kasambahay niya, inilalagay raw siya sa kahihiyan, blah, blah, blah! Sinisisi pa niya ang mga taong nagpapakatotoo lang naman! Anong wala siya sa bahay, e, nandu’n naman siya, kaya nga lang, e, hindi naman siya lumalabas sa kuwarto niya!
“Meron pa siyang drama kapag maniningil ang naghahanap sa kanya, nasa ospital daw siya, isinugod siya dahil inaapoy ng lagnat.
“Natural, para makasiguro ang maniningil, tatanungin ang sumagot kung saang ospital siya dinala! ‘Yun na! Nagrarambol na ang dila ng maid, walang masabing pangalan ng ospital, dahil nasa bahay lang naman ang female personality!
“Stress at nerbiyos ang dahilan ng mga kasambahay sa pag-alis nila sa poder ng babaeng personalidad. Baka raw sila na ang isugod sa ospital kapag nagtagal pa sila dahil sa ipinagagawang pagsisinungaling sa kanila ng girl!
“Gasgas na ang drama niyang nagnakaw ang maid kaya pinalayas niya. Hindi na siya pinaniniwalaan ng barangay sa mga sumbong niya! Baligtad kasi ang mga kuwento niya! Lukring!” naiinis na pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Stand-up comedian na si Le ChaZz, bangkay nang madiskubre ng tagadala
ng kanyang pagkain
Maraming kuwentong lumulutang ngayon tungkol sa pagpanaw ng magaling na stand-up comedian na si Le Chazz. May kuwentong nagpositibo siya sa COVID-19 pero wala naman siyang medical record sa anumang ospital.
Pero ang mas pinaniniwalaan ng kanyang mga kasamahan ay natagpuan siyang matigas na ng nagdadala sa kanya ng pagkain. Ilang oras nang walang buhay.
Nu’ng unang magkasakit si Le Chazz dahil sa diabetes ay maraming kaibigang tumulong sa kanya para makapagpagamot. Pero nagulat ang mga ito dahil hindi naman pala siya nagpaospital. Ang karaniwang kapaniwalaan natin, kapag pumanaw na ang tao ay puro kabutihan niya ang ating maririnig, kabaligtaran nu’n ang nagaganap ngayon sa pagpanaw ng komedyante.
Kuwento ng aming source, “Nagpabaya kasi si Le Chazz. Maraming tumutulong sa kanya, pero hindi niya naman pinahahalagahan, sa ibang bagay napupunta ang perang tinatanggap niya.
“Hindi siya tumigil sa bisyo niya, wala siyang kadala-dala, pinabayaan niya ang katawan at trabaho niya,” pahayag ng aming source.
Anuman ang kuwento sa kanyang pagpanaw ay taos-puso pa rin ang pakikiramay namin sa kanyang mga iniwan. Nasubaybayan din namin ang kanyang karera, kinuha pa nga siyang co-host ni Willie Revillame, kaliwa’t kanan ang raket niya nu’n dahil magaling naman talaga siyang magkomedya at nakakakanta pa.
Maraming kaliga si Le Chazz ang inaatake ng stress at depresyon ngayon. Unang-una kasing tinamaan ang kanilang hanapbuhay ngayong pandemya dahil sa social distancing. Nagsarado ang mga comedy bar na tangi nilang pinagkakakitaan.
Pero lumalaban ang iba sa kanila. Ang co-host naming si Romel Chika ay may online business, si Ate Gay ay nagbebenta ng siomai, ang iba naman ay pinasok ang food business para meron silang alternatibong trabaho habang sarado pa ang mga comedy bar na pinagtatrabahuhan nila.
Wala talagang mangyayari kung magpapatalo tayo sa depresyon, walang bakunang puwedeng iturok sa mga gusto nang sumuko sa paghamon, sa atin pa rin nagmumula ang pag-asa at pananampalataya.
Sabi nga sa sigaw nu’n ng sweepstakes, “Ang mga nagwawagi ay hindi umaayaw at ang mga umaayaw ay hindi nagwawagi.”
- Latest