Victor Wood, maraming nakatagong kuwento!
Natatandaan namin, nagsisimula pa lamang kami noon sa aming trabaho, 1971, nang makilala namin si Victor Wood. Noong makilala namin si Victor, sikat na siya bilang isang singer, pero nagsimula siya bilang isang artista noong 1968. Ang una niyang pelikula ay sa Sampaguita Pictures, ang Pitong Krus ng Isang Ina, na ang bida ay sina Rosemarie at Edgar Salcedo. Mukhang nakapasa naman si Victor sa standards ng director na si Mar S. Torres, kaya noon lamang taong iyon ay nakagawa siya ng limang pelikula, pero hindi pa malaki ang role.
Nagsimulang gumanda ang career ni Victor bilang isang singer, nang i-launch siya at i-build up ng Vicor bilang jukebox king. Hindi lang siya ang ipinanlaban sa unang jukebox king na si Eddie Peregrina, siya ang naging top seller noon ng Vicor at naging panlaban nila sa bentahan ng plaka ni Nora Aunor na noon ay nasa Alpha.
Iyong una naming encounter ni Victor ay dahil sa feature noon ng radio station dzTM na Araw ng mga Superstars tuwing Biyernes iyon. Maghapon, nakatutok ang buong crew ng aming Mobile 11 sa kung sino man ang featured na sikat na artista, at sinusundan lahat ng kanilang ginagawa. Noon, kami ang stringer na kasama sa Mobile 11, kaya namin nakilala si Victor Wood.
Hindi nagtagal ay nakasama namin ang naging movie writer na ring si Ernie Enrile, na nagsimula bilang presidente ng fans club ni Victor. Hindi lang siya presidente, siya rin ang umiikot sa mga radio station para maghatid ng balita tungkol kay Victor.
Naroroon siya sa programa ni Atong Balatong sa DZTM kung umaga, at kung hapon sa programa ni Nick Mendoza sa DZSA.
Sina Atong at Nick naman ang nagpasimulang tumawag kay Victor Wood na jukebox king, at sa kanilang programa, solid Victor Wood ang music.
Wala kang ibang maririnig kundi si Victor Woodn at sa diyaryo naman ay
si Justo Justo ang kakampi niya.
Doon naman sa Cinema Audio, na siyang premiere recording studio noong araw, na. pag-aari ni Jose Mari Gonzales, halos salitan lamang sa pag-gamit ng Studio A noon sina Nora at Victor Wood. Maya’t maya may recording sila. Si Victor sa kabuuan ng kanyang singing career ay nakabuo ng 14 na album.
Nang sumikat na siya bilang singer, sinabayan naman niya iyon ng paggawa rin ng pelikula. Karamihan sa mga pelikula niya, batay din sa title ng kanyang mga sikat na kanta.
At lahat ng pelikula niya noon pumatok. At noong mga panahong iyon, may mga pa-sexy na siyang photos. Nagkaroon pa siya noon ng isang magazine feature na sexy si Victor Wood, ang tawag noon sa ganoon ay mga “beefcake pictures”, na bumenta rin nang husto.
Pero sa showbiz, iilan lamang ang tunay na nakakaalam ng buhay ni Victor. Noon kasi hindi pinakikialaman ang personal na buhay ng mga artista. At dahil ang build up nga sa kanya ay eligible bachelor, ang isa sa pinakakatago-tagong sikreto ay may asawa na siya, si Lengleng. Nakilala namin si Lengleng pero hindi namin nalaman ang tunay niyang pangalan. Nabalitaan namin later on na nasa Amerika na rin si Lengleng at doon na nakatira matapos na maghiwalay sila ni Victor.
Later on, nakapag-asawang muli si Victor, na nakakalito nga dahil ang alam naming pangalan ng nanay ng mga anak niyang sina Simon at Sidney Victoria ay Ofelia. Pero may naglalabasang istorya na sinasabing ang asawa raw ni Victor na kasama niya noong yumao ay Nerissa ang pangalan.
Ang pagpanaw ni Victor ay una naming narinig kay Divina Valencia na narinig naman niya mula sa dating movie writer noong araw na si Dindo Reyes, na naging very close din at siyang unang nag-build up kay Victor at nagdala sa kanya sa Sampaguita para maging artista.
Sinubukan din namang kumandidato ni Victor para Senador sa
ilalim ng KBL, na sa simula pa lamang ay sinasabi nang “suntok sa
buwan”, dahil noong mga panahong iyon matindi pa ang mga propaganda
laban sa mga Marcos, na siyang nagtatag ng KBL at sinasabing
sinusuportahan naman ni Victor.
Marami pa kaming kuwento tungkol kay Victor.
Mayroon din kaming anecdotes na tawang-tawa si Tita Aster Amoyo, dahil noong panahon iyon ay nagta-trabaho na siya sa Vicor pero hindi niya nalaman. Ang isa pang kabisado ang naging takbo ng career ni Victor ay si Baby Gil, na nagsimula rin noong araw sa Vicor Music.
Noong isang araw, marami nga kaming kausap na hindi na alam ang mga kuwento noong araw. Nakalimutan na nila.
Talagang ganun yata pag nagkaka-edad na at bawal nang pumasok sa mga mall.
- Latest