^

PSN Showbiz

67-anyos pumanaw matapos pumila sa 'community pantry,' Angel Locsin nag-sorry

James Relativo - Philstar.com
67-anyos pumanaw matapos pumila sa 'community pantry,' Angel Locsin nag-sorry
Litrato ng 67-anyos na si Rolando dela Cruz matapos mahimatay sa "community pantry" na inorganisa ng aktres na si Angel Locsin, Biyernes
News5

MANILA, Philippines — Binawian ng buhay ang isang senior citizen sa Lungsod ng Quezon ngayong araw matapos himatayin sa isang "community pantry" na inorganisa ng isang artista sa gitna ng kagutumang dala ng mga lockdowns.

Matatandaang nasimulan ang mga nasabing efforts bilang tugon sa "bagal" ng ayudang natatanggap ng mga residente sa mga eryang naka-lockdown dahil sa COVID-19, dahilan para 'di makapagtrabaho ang marami.

Sa ulat ng The STAR at News5, kinumpirmang "dead on arrival" sa ospital ang senior citizen na si Rolando dela Cruz, Biyernes, matapos himatayin sa community pantry ni Angel Locsin. Wala pa gaanong detalye patungkol dito.

 

Isang senior citizen na kinilalang si Rolando dela Cruz ang nahimatay habang nakapila sa community pantry ni Angel Locsin. Ayon sa kawani ng barangay, dead on arrival sa ospital si Dela Cruz.

Posted by News5 on Thursday, April 22, 2021

 

Huwebes nang ianunsyo ni Angel na isasagawa ang kanyang community pantry kasabay ng kanyang kaarawan ngayong araw, bilang "pagpupugay sa bayanihan ng mga Pilipino": "Anyone is welcome. But please make sure to follow protocols."

Ang problema, hindi na nasunod ang ilang health protocols at dinagsa ito ng maraming tao.

 

Bilang pagpupugay sa bayanihan ng mga Pilipino at sa mga nagtayo ng mga community pantries sa iba’t ibang bahagi ng...

Posted by Angel Locsin on Thursday, April 22, 2021

 

Angel Locsin humihingi ng tawad

Pagpapaliwanag ni Angel sa kanyang Instagram, nagsimula naman nang maayos ang pagtitipon ngunit marami na lang daw talagang sumisingit dahilan para maging "imposible" ang social distancing kanina.

"Maayos naman po kami, may mga stubs naman po na pinamigay. Then parang 'yung mga walang stubs sumingit sa pila. Naiintindihan ko naman po kasi kanina pa sila sa pila pero ayon 'yung naging dahilan kaya nagsiksikan," wika ng aktres.

"Sa lahat po ng naabala ngayon, pasensya na po. Hindi po ito talaga ang intensyon natin. Kahit anong paghahanda namin para ma-avoid 'yung gantong gulo, hindi lang talaga siya ma-control kahit na nandito na 'yung munisipyo, military, pulis, barangay."

 

 

Humingi rin ng pasensya si Angel sa lahat ng hindi mabibigyan ng libreng pagkain ngayong araw. Dagdag pa niya, baka ipahatid na lang niya ang mga natitirang goods para mapakinabangan pa.

Una nang sinabi n QC Mayor Joy Belmonte na ilang araw nang tumutulong ang Task Force Disiplina at barangay leaders para mapanatili ang "peace and order" sa mga nasabing pantries, bagay na patuloy na nire-redtag ng ilang ahensya ng gobyerno. 

'Huwag ibinton ang sisi kay Angel'

Sa kabila nito, ilan naman ang nagtatanggol ngayon sa aktres lalo na't nais lang naman daw niya tumulong sa gutom.

"Nakikiramay kami sa pamilya at kaanak ni G. Rolando Dela Cruz na namatay pagkaraang himatayin sa pila ng community pantry na binuksan ni Angel Locsin sa Quezon City ngayong umaga," ani Danilo Ramos, presidente ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

"Lubhang nakakalungkot ang nangyari subalit hindi dapat ito isisi kay Angel o sa community pantries. Ang daan-daang katao na pumipila sa mga pantries bawat araw ay nagpapakita ng desperasyon at matinding kagutuman ng mamamayan na walang trabaho, walang natatanggap na ayuda, at nawawalan na ng pag-asa sa gobyerno."

Dagdag pa nila, sadyang dinagsa ang event lalo na't malawakan ang gutom habang bilyun-bilyon ang pondo ng gobyerno na nailaan na sana sa ayuda.

Ang takot pa nila, sana'y hindi ito gamitin ng NTF-ELCAC, DILG at PNP para pigilan at gipitin lalo ang mga pantries. — may mga ulat mula kay Jan Milo Severo, News5 at The STAR/Manny Tupas

ANGEL LOCSIN

COMMUNITY PANTRY

LOCKDOWN

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with