Candy Pangilinan kinilala ang 'influencer' work sa Catholic Social Media Awards
MANILA, Philippines — Nasungkit ng aktres na si Candy Pangilinan ang isang pagkilala sa katatapos lang na 2020 Catholic Social Media Awards na ginanap nitong Huwebes, hindi dahil sa pagpapatawa, ngunit dahil sa pagiging Female Social Media Influencer.
Nakuha ng aktres ang award dahil na rin sa Youtube channel nila ng anak na may kapansanan na si Quentin, bagay na siyang nagbibigay ng pag-asa sa mga manunuod.
"It's indeed, a pleasant surprise from God. and to you guys. Thank you talaga... God is good talaga," sabi ni Candy kahapon habang naluluha sa tuwa.
"Ang baduy ko, umiiyak ako. Nagulat ako. I'm sure po nanay ko po ang pinakamasaya rito sa lahat po ng awards na natanggap ko."
Aniya, wala raw talaga sa plano niya noon na magturo o magpangaral tungkol sa salita ng Diyos nang simulan niya ang kanilang Youtube channel.
Isang araw ay nakita na lang raw niya ang responsibilidad lalo na't sinusubaybayan na rin siya ng mga teenagers na naghahanap ng inspirasyon sa ngayon.
"I just wanted to send good vibes... Then a lot of people started texting, started messaging me that they get inspired, they get depressed... COVID patients," dagdag niya.
"May I be able to continue to inspire, affect and infect people, that at the end of the day there is a God who loves us more than we love ourselves."
Kapwa nominado ni Candy sa kategoryang "female social media influencer" ang journo na si Mariz Umali at aktres na si Dimples Romana, ngunit namayagpag pa rin sa huli ang komedyante para makuha ang parangangal.
Maliban sa male at female influencer awards, ilan pa sa mga kategorya ay ang "Catholic Song of the Year," "Best Twitter" at "Best Instagram."
Ang nasabing award-giving body ay inihatid ng grupong Areopagus Communications at YouthPinoy. — James Relativo
- Latest