'Wala akong college degree': Kim Chiu ikwinento pinanghihinayangan sa buhay
MANILA, Philippines — Sa kabila ng kasikatan at idinulot na karangyaan sa kanya ng showbiz, may isang frustration sa buhay pa rin ang aktres na si Kim Chiu — ang hindi pagtatapos ng kanyang pag-aaral.
Ito ang ibinahagi ng nag-iisang "chinita princes" ng Kapamilya Network sa kanyang vlog nitong Linggo, kung saan sinasagot niya ang pinaka-itinatanong ng netizens sa Google patungongkol sa kanya.
"Isa 'to sa mga regrets ko in life na hindi ako nakapagtungtong ng college. But I think everything happens for a reason, and dito ako idinala," wika ni Kim
"Masaya ako na napag-college ko ang tatlo sa mga kapatid ko, and nakapagtapos sila ng pag-aaral. So I think it's rewarding na for me. Ito na talaga ang tadhana."
"Matatandaang nadiskubre si Kim matapos niyang maging bahagi ng unang Pinoy Big Brother: Teen Edition" noong 2006, kung saan siya ang naging grand winner.
Nagtuloy-tuloy na ito hanggang sa magkaroon ng sari-saring projects, hanggang sa magkateleserye at bumida na sa sarili niyang mga pelikula.
Sa kabila niyan, bukas pa naman ang 30-anyos na celebrity tapusin ang kanyang pag-aaral. Kung kailan, hindi pa raw niya masasabi.
Pumasok sa UP pero hindi rin natapos
"Pero nag-UP [Open University] ako hanggang second year. Kinuha ko ang business na course na Business Management sa UPOU," dagdag pa ng aktres.
"But hindi ako nagtagal kasi hindi ko kinaya, ang daming assignment, ang daming project tapos nagte-teleserye pa ako. Nag-a-ASAP."
Sa kabila nito, hindi naman daw niya sinisisi ang showbiz kung bakit maantala ang kanyang buhay akademya. Talagang sadyang sayang lang daw kung hindi niya sinunggaban ang mga pagkakataong ipinagkaloob sa kanya.
Patuloy niya, nariyan at nariyan lang naman ang pag-aaral na pwede niyang balikan anumang oras: I'm sure naman nandiyan lang 'yan. And then there's always a way or time na makapagbalik tayo ng pag-aaral at makakuha tayo ng college degree. Soon. Hindi natin 'yan iba-block," kanyang pagtatapos. — James Relativo
- Latest