Lea, kasama sa #StopAsianHate campaign sa America!
Kabilang si Lea Salonga sa magsasalita sa isang forum ng AAPI (Asian American and Pacific Islander) na kabilang diyan ang Pilipinas. Nasa Instagram account ng dating US First Lady Hillary Clinton na makakasama niya ang ilan pang kilalang Asians na active sa ikinakampanyang #StopAsianHate.
Bukod kay Lea at Hillary, kasama rin sina Margaret Cho, Michelle Kwan, Lucy Liu, Padma Lakshmi at Olivia Munn.
Katulong nila rito ang NAPAWF (National Asian Pacific American Women’s Forum).
Gaganapin ang forum sa April 21 ng 7 ng gabi doon sa America.
Dahil sa patuloy na diskriminasyon at mga bayolenteng ginagawa sa mga Asian sa America at ibang bansa, lalo silang nag-ingay at hindi rin sila tumitigil sa pagsasalita bilang paglaban sa Stop Asian Hate, at pagkondena sa marahas na ginagawa sa mga Asian American lalo na sa mga kababaihan.
Isa si Lea sa very vocal sa pagkondena nito na ipinu-post sa kanyang social media account.
Ruru, swak sa Beautederm
Sa gitna ng paghahanda ni Ruru Madrid sa bagong serye niyang Lolong, ang laki ng pasasalamat ng Kapuso hunk na nakuha siyang bagong brand ambassador ng Beautederm ni Rhea Anicoche-Tan.
Bilang isa sa pinaka-vain na aktor at napakaselan pagdating sa kanyang kutis, tamang-tama lang na naging part na si Ruru sa Beautederm dahil nakasundo niya ang mga produkto nito lalo na itong ginagamit niyang Spruce and Dash collection ng Beautederm.
Kaya swak na swak daw sa kanya ang mga produkto nito na Beau Charcoal soap, Hugh shaving cream, ang Brawn at Lad para sa kanyang buhok.
Lalo raw siyang tumatagal sa banyo, na aminado naman daw siyang sa bahay nila ay siya ang pinakamatagal gumamit ng banyo.
Natutuwa naman si Ms. Rhea na nakuha nila si Ruru na isa sa pinaka-promising na Kapuso stars.
“Very strong at potent din ang kanyang online reach na perfect para sa Beautederm. Nakakamangha ang kanyang professionalism, ang kindness niya at masarap siyang katrabaho,” pahayag pa ni Ms. Rhea Tan.
EA, super proud sa panalo sa Eddys
Sa totoo lang, isa sa pinaka-busy na artista ngayong pandemya ay si Edgar Allan Guzman na magkasunud-sunod ang ginagawang projects sa TV at pelikula.
Paulit-ulit siyang nagpapasalamat sa Diyos sa patuloy na blessings sa kanya, lalo na at dumating ang karagdagang biyaya, ang pagkapanalo niya bilang Best Supporting Actor sa katatapos lang na 4th Eddys Awards ng grupong SPEEd o Society of Philippine Entertainment Editors. Hindi raw niya inaasahan ang pagkapanalong ito.
Dumalo lang siya sa virtual awarding noong nakaraang Linggo bilang pasasalamat daw niya sa bumubuo ng Eddys sa pagkilala sa kanya at napabilang siya sa mga nominado.
Dinadaluhan niya talaga ang awarding ng Eddys kapag nanu-nominate siya. Kagaya noong malakas siya sa Best Actor category three years ago. Isinama pa niya ang mommy niya na ang buong akala nga namin ay siya na ang panalo dahil sa magaling niyang pagganap sa pelikulang Deadma Walking. Pero natalo siya doon ni Aga Muhlach sa Seven Sundays. “Opo, nagpunta po ako dun…like this Sunday, nag-attend po ako.
“’Yun po ang way of saying po sa kanila sa pag-recognize sa talento ko. ’Yun din po three years ago. ‘Yun pong way of saying thank you, kasi napakabait po ng Eddys sa akin and lahat sila sincere na tao. ‘Pag nakita ko sila, lahat sila totoo. ‘Yun pong naging kumbaga, way of saying thank you,” pakli ni EA nang makatsikahan namin sa virtual presscon na ibinigay ng GMA 7 sa kanya.
Pero kakaiba itong huling pagkapanalo niya dahil kasama na ang girlfriend niyang si Shaira Diaz sa kanyang acceptance speech.
Masaya siyang naging open na sila ngayon, unlike noong mga nakaraang taon ay hindi pa nila ito isini-share sa publiko dahil nagsisimula pa naman sila noon ng kanilang showbiz career.
Ngayon ay okay na raw sila sa kanilang relasyon na pareho silang nagsusuportahan sa kani-kanilang career.
Bahagi siya sa bagong drama series ng GTV na Heartful Café, na magtatampok sa bagong tambalan nila Julie Anne San Jose.
Kasali rin si EA sa bagong action-fantasy drama ni Sen. Bong Revilla na Agimat ng Agila na magsisimula na sa May 22, at may ginagawa pa siyang pelikulang Ang Huling Birheng Bakla sa Balat-Lupa ng Heaven’s Best Entertainment.
- Latest