Fans ng isang loveteam, napapagkamalang timang!
“Para silang mga timang!” napakadiing komento ng isang source tungkol sa isang grupo ng mga tagasuporta ng isang loveteam na may kani-kanyang pinagkakaabalahan ngayon.
Nabubuhay kasi sa ilusyon ang grupo, panahon na ng pandemya, pero ipinipilit pa rin nila na nagkaroon ng anak ang kanilang mga idolo.
Kuwento ng inis na inis na impormante, “Bantay-sarado naman sila sa loveteam na iniidolo nila, di ba? Alam nila dapat na kahit minsan, e, hindi nila nakitang buntis ang girl!
“Alam nila ang lahat ng mga nagaganap, ‘yun ang claim nila, pero bakit sila naniniwalang nagka-anak ang idols nila, e, wala naman talaga?
“Nakita ba nilang nagbuntis ang girl? Naglihi ba? Lumaki ba ang tiyan? Saang ospital daw nanganak ang female personality? Bakit hanggang ngayon, e, wala naman silang mailabas na ebidensiya?
“Nakakaloka sila! Nabubuhay sila sa matinding ilusyon! Nanganak daw ang girl na ang ka-loveteam niya ang ama ng bata, pero hindi alam ng girl na nagbuntis at nanganak pala siya?
“Ano ito, lokohan? Maligo nga sila araw-araw, para magising sila sa katotohanan! Init lang ng katawan ang ilusyon nila!” naiinis na unang sultada ng aming source.
Matindi ang kanilang galit dahil may karelasyon na ang female personality, maganda ang kanilang samahan, kitang-kita ang kanilang kaligayahan.
“Isa pa ‘yun! E, ano naman ang magagawa nila kung ibang lalaki ang minahal ng idolo nilang girl? E, kung sa male personality na karelasyon niya ngayon natagpuan ng girl ang happiness?
“Maibibigay ba nila ‘yun sa idolo nila? Nagmahal lang ng iba, akala mo naman napakalaking krimen na ang nagawa nu’ng tao?
“Bakit hindi na lang nila matanggap na hanggang sa harap lang naman ng mga camera ang kiyemeng relasyon ng mga idolo nila?
“Naku, magtigil na sila! Puro lang naman sila dakdak, may drama pa silang iboboykot ang mga shows ng girl, umepek ba ang pananakot nila? Waley!
“Maglalabas na lang sila ng ebidensiya, ilabas nila ang kiyemeng anak ng mga idolo nila! Mabuhay sila sa katotohanan, hindi sa isang napakalaking ilusyon!
“Nakakaawa naman sila, pinaniniwala nila ang mga sarili nila sa isang ilusyon, para silang mga timang!” inis na inis pa ring pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Elijah walang take 2 ang akting!
Paminsan-minsan lang kami humahanga sa talento ng mga artista na sa unang salang pa lang sa pag-arte ay markado na agad ang kipkip na kapasidad.
Ang una ay si Joel Torre sa Oro, Plata, Mata. Ikalawa si Cogie Domingo sa Deathrow. Wala pa silang karanasan nu’n sa pagganap pero sinaluduhan ng publiko ang ipinamalas nilang pag-arte.
May idinadagdag na kami sa listahan ngayon, si Elijah Canlas, ang nagwaging Best Actor sa URIAN at iba pang award-giving body sa ibang bansa dahil sa napakahusay niyang pagbibida sa Kalel, 15.
Nakuha rin ni Elijah ang paghanga ng ating mga kababayan sa BL series na Gameboys ng The IdeaFirst Company, malapit nang ipalabas ang ikalawang sultada nito, nakaabang na ang mga beki ngayon pa lang.
Si Elijah Canlas ang isa sa mga dahilan kung bakit namin tinututukan ang seryeng Paano Ang Pangako ng TV5. Umaarangkada pa ang Frontline Pilipinas ay nakatanghod na kami sa harap ng telebisyon sa pag-aabang kung anong husay na naman sa pag-arte ang ipakikita ng batang aktor.
At hindi niya kami binibigo. Magaling si Elijah, napakanatural ng kanyang pag-arte, malinaw rin siyang magbitiw ng mga linya na kilometriko ang haba.
May mga mata ang binata na sumusuot sa puso ng manonood, naitatawid niya nang eksakto lang ang kanyang emosyon, walang kulang at walang sobra.
Batang-entablado si Elijah Canlas, ang mundo ng pag-arte na walang take two, kung ano ang una mong ginawa ay ‘yun na ‘yun at hindi na maaaring ulitin.
Sabi nga namin kay Direk Perci Intalan ay nakahukay sila ni Direk Jun Lana ng ginto kay Elijah. Ang kanyang sagot, “At mapagkumbaba si Elijah, walang kayabang-yabang. Lilipad ang mga pangarap niya, pero mananatiling nakatapak sa lupa ang mga paa niya.”
Bilang si Noel sa Paano Ang Pangako ay sinasalamin ni Elijah ang mga milenyal na may paninindigan, lumalaban, pero humihingi ng tawad kapag nagkakamali siya.
Lalong umalab ang paghanga namin kay Elijah Canlas dahil siya ang tagapamuno ng isang grupo ng mga kabataang mulat sa mga nagaganap sa ating bayan.
Maraming salamat sa mga magulang ni Elijah Canlas sa kinamulatang disiplina ng kanilang anak. Salamat sa pagbibigay sa mundo ng telebisyon at pelikula ng isang anak ng sining na hindi lang magaling umarte kundi mapagmahal sa kanyang propesyon.
Simula pa lang ito. Sana nga ay lumipad pa nang mataas na mataas ang saranggola ng mga pangarap ni Elijah Canlas.
- Latest