^

PSN Showbiz

Sikat na female personality, tatad ng alahas kahit nasa bahay lang

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Ang kuwentong ito ay puwedeng idenay at puwede ring aminin ng bumibida sa istorya. Kung paninindigan niya ang kuwento ay di wow, at kung hindi naman, di huwag!

Kuwento ng isang source na dating malapit sa pamosong female personality, sa paggising pa lang niya ay hindi ang kanyang bituka ang inuuna niyang busugin, kundi ang kanyang mga mata.

Sabi ng impormante, “May ilalabas siyang jewelry boxes, ilalagay niya ‘yun sa bed niya, saka isa-isa niyang pagma­masdan. Napakaligaya niya habang isa-isa niyang tinitingnan ang mga alahas niya.

“Tapos, kukuha siya ng mga piraso, saka niya pupunuin ng ring ang lahat ng mga daliri niya. Hindi lang isa sa isang finger ang isinusuot niya, marami!

“Kapag naisuot na niya ang mga ­unang batch, kukuha na naman siya ng iba. Pupunuin niya uli ng mga singsing ang lahat ng daliri niya!

“Hanggang sa magsawa na siya dahil napakarami niyang alahas, milyunan ang amount ng bawat isa, du’n pa nga lang, e, mabubuhay na siya kahit hindi na siya magtrabaho,” unang kuwento ng aming source.

Pero isang araw ay nagulantang ang kanyang mga kasambahay, alahada ang kanilang boss kahit nasa bahay lang, anyare?

“Napraning siya, natatakot siyang manakawan, kaya lahat ng mga singsing niya, e, may nakakabit na label. May number ang bawat ring, gusto lang niyang ipaalam sa mga kasambahay niya na kapag may nawala sa jewelry box niya, e, malalaman niya agad, dahil may number label nga!

“Wala lang, ikot siya nang ikot sa house niya na punumpuno ng singsing ang mga daliri niya, kulang na lang na pati mga daliri niya sa paa, e, singsingan na rin niya!

“Di ba naman the height of kapraningan na ang ginagawa niya? Nagtataka pa ba kayo ngayon sa kung anu-anong hanash niya?

“The height na ang mga ginagawa niya, mahirap na siyang intindihin, baka nga siya mismo, e, hindi na rin maintindihan ang sarili niya!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Kuwento ng Green Book, ang lakas ng tama sa puso

Maaga kaming dumarating sa Mga Obra Ni Nanay tuwing Martes nang tanghali para sa Take It, Pero Minute… Me Gano’n! Team namin ‘yun nina Japs Gersin at Tina Roa.

Sandaling-sandali lang at dumarating na sina Randolf Uba at Salve Asis. Kuwentuhan lang muna kami nang kuwentuhan habang naghihintay kina Manay Lolit Solis at Mr. Fu.

Tutok sa mga Koreanovela sina Salve at Manay Lolit, kami naman ay walang interes, mas gusto naming nanonood ng pelikulang Pilipino, Ingles at dokumentaryo.

Sabi ni Salve, “Nay, panoorin mo sa Netflix ang Green Book. Siguradong magugustuhan mo ‘yun, tungkol sa discrimination ang ikot ng kuwento.”

Mula nu’ng Martes ay gusto na naming hilahin ang mga araw para mapanood namin ang Green Book, Sabado at Linggo lang kasi kami bumababad sa pagtutok sa Netflix, ‘yun ang regalo namin sa aming sarili mula sa isang buong linggong pagtatrabaho.

Kasagsagan ng diskriminasyon ang tema ng Green Book. Maayos ang pagkakalatag ng kuwento, isang Itim at isang American-Italian ang bumibida, sina Mahershala Ali at Viggo Mortensen.

Nakalimang nominasyon sa Oscars ang pelikula, nakopo nila ang Best Picture at Best Screenplay, nanalong Best Suppor­ting Actor si Mahershala Ali at nominado namang Best Actor si Viggo.

Isang henyong piyanista si Doc Shirley, naging driver niya si Tony Lip, nakatira sa rooftop ng isang sikat na hotel si Doc Shirley at problemado naman si Tony Lip dahil nawalan ng trabaho.

Sa kanilang pagbiyahe sa East Coast sa mga tinanggap na trabaho ng piyanista naganap ang kanilang mga argumento. Magkaibang-magkaiba ang mga pananaw nila sa buhay dahil edukado ang piyanista at street smart naman ang driver.

Palagi silang nagtatalo sa mga unang araw hanggang sa dumating ang puntong ipinagtatanggol na ni Tony Lip si Doc Shirley kapag tinitingnan nang napakaliit ng iba bilang Egoy.

Hindi pinapapasok ang piyanista sa mga restaurant ng mga Puti, binu-bully siya bilang Negro, kaya napapaaway si Tony Lip sa pagdedepensa sa kanyang boss.

Istorya ito ng magkabilang mundo na pinagtagpo ng pagtanggap sa pagkatao ng bawat isa. Mararamdaman mo na lang na lumuluha ka, sinusuntok ang puso mo sa awa sa Itim, at paghanga naman sa Puti na natutunan nang tanggapin ang pagkakaiba nila ng kanyang pinagseserbisyuhan.

Isang Itim at isang Puti. Isang edukado at isang garapal. Isang mayamang Itim at isang Puting namamasukan lang para sa kanyang asawa at dalawang anak.

Mas naging emosyonal pa ang mga tagpo dahil umuulan ng snow. Magpa-Pasko nu’n at pakiusap ni Tony Lip ay ang makasama ang kanyang pamilya sa pagpitada nang alas dose.

Sa mga huling tagpo ay makikita nang si Doc Shirley ang nagmamaneho, ginigising na lang niya si Tony Lip sa harapan ng bahay nito, malungkot silang nagpaalaman.

Habang masayang-masaya si Tony Lip na kasama ang kanyang pamilya ay mag-isang nakaupo si Doc Shirley sa kanyang magarang tirahan. Balot na balot ng lungkot dahil wala siyang pamilya.

Tama ang kanyang sinabi kay Tony Lip sa isang argumento nila na henyo nga siya, sikat siyang piyanista, pero kapag nag-iisa na lang siya sa kanyang bahay ay isa siyang Negro na ay napakalungkot pa.

May kumatok sa bahay ni Tony Lip, may dumating itong mga kaibigan, nang isasarado na nito ang pintuan ay nasa labas si Doc Shirley.

Ang henyong piyanista na may mataas na pride ay nakipagsaya sa pamilya ni Tony Lip. Nagkaroon siya ng pamilya sa pinakaunang masayang Pasko ng kanyang buhay.

Sabi ng isang pastor sa eulogy ng pinatay na Negrong si George Floyd, “You were born in this world not because you are Black but because you are a child of God.”

Green Book. Maraming-maraming salamat sa impormasyon at suhestiyon, Salve Asis, napakagandang inspiras­yon. Hindi tayo sa kulay sinusukat ng Panginoon.

GREEN BOOK

UBOS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with