Fashion icon na si Ben Farrales, pumanaw na!
Sabado ng gabi nang mabalitaan namin na yumao na ang fashion icon at kinikilalang dekano ng mga couturier ng bansa na si Mang Ben Farrales.
Si Mang Ben na gumawa ng kaunting pagbabago sa kasuotang Pilipino at nagsimula ng mga Muslim-inspired terno, ay kinikilala sa buong mundo.
Para sa kaalaman ng lahat, ang mga sikat na artista noong araw ay tumatakbo kay Mang Ben, lalo na’t kung sila ay tatanggap ng mga award.
Ang awards night kasi noong araw, hindi kagaya ngayon na kung anu-ano lamang ang suot. Noon, kailangan ang gagamitin nilang gown lalo na ng mga sikat na artista ay gawa ni Mang Ben, o ni Pitoy Moreno, at iyong mas nakakaangat pa nakapagpagawa kay Mang Ramon Valera na nauna nang yumao.
Si Mang Ben ang designer na ginawang modelo si Amalia Fuentes noong papasikat pa lamang ang aktres at pinagsuot sila ng ternong Pilipino sa US at Canada. Naalala ni Divina Valencia, dinala siya ni Manay Ichu (Maceda) sa shop ni Mang Ben noon sa Malate, para mag-design ng mga gagamitin niyang bikini sa isang pelikula ng Sampaguita Pictures at iginawa rin siya ng isang terno ni Mang Ben, na ginamit niya sa premiere night ng kanyang pelikula at ganoon din nang minsang dumalo siya sa awards night.
Naalala rin ng aktres na si Azenith Briones kung papaano magpatupad ng disiplina sa models niya si Mang Ben, “at takot ka namang magkamali dahil baka palitan ka. Iba ang dating noong sabihin kang model ni Mang Ben Farrales.”
Ang isa pang laging may ipinagagawang terno kay Mang Ben ay si dating first lady Imelda Romualdez Marcos. Sinasabi ring lahat halos ng naging first ladies ay nagpagawa ng terno kay Mang Ben.
Isa rin sa laging may gown na gawa ng batikang designer na pumanaw ang aktres na si Rosa Rosal, at dahil doon maraming ginawang fashion shows si Mang Ben para makatulong sa Red Cross.
Para magkaroon din ng exposure ang ibang mga modelo at ibang lehitimong couturier na Pilipino, sinimulan ni Mang Ben ang taunang Flores de Mayo sa Manila Hotel.
Siya rin ang nagsimula ng pinakamalaking Sto. Niño festival na ginagawa sa Roxas Boulevard hanggang sa Luneta bilang presidente ng Congregation del Santissimo Nombre del Niño Jesus.
Matagal din palang naratay sa ospital si Mang Ben, sabi ng isa pang sikat na couturier na si Oskar Peralta, at bagama’t alam nilang mahina na ang kanyang response sa paggamot sa kanya, ikinabigla pa rin daw at ipinagluluksa ng buong fashion industry ang pagyao ni Mang Ben Farrales.
Derek, ginagaya sina John Lloyd at Pulong nang makarelasyon ni Ellen
May statement ngayon si Derek Ramsay na lilimitahan daw niya ang kanyang trabaho sa showbusiness dahil gusto naman niyang bigyan ng priority ang paghahanda para sa pagkakaroon niya ng pamilya.
Inaasahan na namin ang mga bagay na iyan, dahil mukhang iisa ang naging direksiyon ng mga nai-in love kay Ellen Adarna.
Hindi ba si John Lloyd Cruz, hindi lang nagbawas ng trabaho kundi tinalikuran pa talaga ang kanyang career ng ilang taon nang ma-in love kay Ellen.
Isipin mong doon na siya tumira sa Cebu para lang magkasama sila. May nagsabi pa ngang maski na si Pulong Duterte, naiwan ang kanyang career bilang singer sa banda nang ma-in love kay Ellen, hanggang sa magalit na nga si Presidente Digong at inamin in public “hindi na nga umuuwi si Pulong. Laging nandoon kay Adarna.”
Kaya kung ganyan din si Derek, aba eh talagang may pattern.
Aktor, nabuking ng maid
Talagang sinigawan daw ng isang male star ang kanyang kasambahay at muntik na iyong palayasin nang madatnan niyang malinis na malinis na ang kanyang kuwarto. Nagalit ang male star dahil “sinasabi ko na huwag maglilinis sa bedroom ko kung hindi ko sinasabi.”
The night before, kasamang natulog ng male star ang isa niyang kaibigang aktor din, at tiyak na nang maglinis ang maid ay nakita noon ang mga naiwan nilang kalat, at ang iba roon ay masyadong personal na gamit na hindi muna naitapon ng male star bago pumasok at naglinis ang maid.
Lalong nagalit ang male star nang makita niyang nasa plastic na ng basura ang mga foil na balot at gamit na condom na walang dudang nakita ng maid nang linisin niya.
Mabilis na kinuha ng male star ang susi ng kanyang kuwarto sa maid, at sinabihang sa susunod ay kailangang naroroon siya tuwing lilinisin ang kanyang kuwarto.
- Latest