Leila Alcasid, hindi lumebel sa bashers
Maliwanag ang sinabi ng anak ni Ogie Alcasid na si Leila “ayokong palampasin ang ganitong kabastusan dahil ang kinakausap ko lang ay mga disenteng tao.” Tama ang reaksiyon ng anak ni Ogie, hindi niya pinalampas ang mahalay na comment ng isang basher tungkol sa kanya, pero hindi rin masasabing pinatulan niya.
Totoo namang sa ngayon tambak ang mga bastos na bashers sa social media platforms, at kakatuwa naman na may mga artista o ang administrator ng kanilang account na pumapatol sa mga bastos na iyan. Ang gusto ng mga bastos sa social media ay mapikon ang binabastos nila, at kung papatulan ang kabastusan nila, lalong tuwang-tuwa ang mga iyan.
Lamang sila eh, ang artista ay nababastos nila, samantalang sila, ano man ang sabihin ninyo laban sa kanila ay hindi naman sila kilala. Hindi ka nga sigurado kung totoong pangalan nila ang ginagamit nila eh. Ano ang magagawa ninyo, magsusumbong kayo sa NBI, o sa cybercrime division ng PNP?
Ilan na bang mga bastos na ganyan ang nahuli nila? Isa lang ang gumawa ng kalokohan sa internet ang nahuli at nadala sa korte, iyong nagsabing magbibigay siya ng P50 milyon sa makakapatay sa presidente, hayun at pinakawalan din ng korte, kasi nga malabo naman ang banta dahil kahit na isang milyon ay wala iyon, joke lang dahil teacher pa namang naturingan.
Kaya nga matagal na naming sinasabi, oo nga at pinagkakakitaan din nila ang social media sa ngayon, pero nalalagay sila sa panganib na mabastos, dahil hindi mo naman maawat ang mga bastos na iyan. Masuspinde man ang account niyan dahil sa kabastusan, mag-iimbento lang iyan ng ibang pangalan at gagawa na naman ng bagong account.
Maski na kami nga eh, pinag-initan at binastos ng isang grupo ng mga bastos sa fans ng isang laos nang artista eh, dahil hindi lang nila matanggap ang katotohanang sinasabi naming ang idolo nila ay laos na. Hindi namin sila pinatulan kaya tumigil din. Nagsawa rin yata o nahawa na ng COVID.
Minsan magugulat ka matatanda na bastos pa, na mga matatandang walang pinagkatandaan.
Iyan ding social media ang pinagmumulan ng fake news, kaya dapat lehitimong media na lang ang iyong basahin, sigurado pa kayo.
Derek at Ellen, sanay magpapalit-palit
Pinag-uusapan nila ang tila out of town date nina Ellen Adarna at Derek Ramsay sa Caliraya. Eh ano naman kung mag-date sila? Ilang buwan na rin namang hiwalay si Ellen kay John Lloyd Cruz? Ilang buwan na rin namang hiwalay si Derek sa huli niyang girlfriend na si Andrea Torres?
Ano ba naman iyan, sabi ng isang kakilala namin. Eh sanay naman sila pareho na magpalit ng partners. Ilan na ba ang naging partner ni Derek simula lang noong mapasok siya sa showbiz. Huwag na ninyong ibilang ang mga nauna pa roon. Eh nakakaya naman niya eh.
Iyon lang sa kabila ng lahat ng iyon, may mga babae pa ring pumapatol sa kanya, ibig sabihin para sa kanila ay buo pa rin ang kanyang kredibilidad.
Eh si Ellen, ilan na rin ba ang naging boyfriends bago siya naanakan ni John Lloyd? Marami na rin naman at sa kabila ng katotohanan na may anak na siya, tingnan ninyo at mukha ngang hinahabol pa siya ni Derek.
Ano ang malay ninyo, baka sila na nga ang magka-match.
Male star na jobless, abala sa panonood ng porno
Ka-chat namin noong isang araw ang isang male star. Aminado naman siyang wala siyang projects at walang magawa kaya bored na siya sa bahay. “Wala akong ginagawa kundi mahiga, matulog, o kaya manood ng YouPorn”, sabi niya.
Iyang YouPorn ay isang website na naka-block na sa internet dito sa Pilipinas, pero may nagagamit na program para mailigaw ang identity ng computers at mapalabas na sila ay nasa ibang teritoryo na hindi banned ang mahalay na website, kaya napapasok pa rin nila.
Hindi iyan nababantayan ng NTC, iyon ngang mga kalokohan sa paggamit ng broadcast franchise hindi nila napapansin maliban na lang kung may magsumbong sa kanila, aasahan pa ba ninyong ang kalokohan sa internet mapipigil nila?
Hindi natin maaawat ang modernisasyon, pero marami nga iyang dalang mga problema.
- Latest