Seksing female personality na mukhang happy go lucky, bongga ang negosyong buy and sell!
Simple lang magdala ang isang maganda at seksing female personality pero masinop pala siya sa buhay. Alam ng aktres kung saan dadalhin ang kanyang mga pinaghihirapan.
Dahil hindi naman siya ipinanganak na mayaman, naging pangarap na niya nu’n pa na kapag sinuwerte siya sa pag-aartista, uunahin niyang magpundar para sa kanyang pamilya.
At ganu’n nga ang ginawa niya, naibili niya na ng lupa at bahay ang pamilya niya, bumibili rin siya ng mga lupa na mapakikinabangan niya pagkatapos nang ilang taon lang, maganda ang naging resulta ng pakikipagkaibigan niya sa mga negosyanteng kaedad niya.
Kuwento ng isang source, “Titingnan natin siyang parang walang pakialam sa mundo, parang happy go lucky lang siya, pero kabaligtaran pala nu’n ang girl na ito sa tunay na buhay.
“Napakahusay pala niyang humawak ng kinikita niya. Hindi siya masyadong maluho, okey na sa kanya ang makasabay lang siya sa uso, pero hindi niya ‘yun kina-career dahil mas kapaki-pakinabang ang kinauuwian ng pera niya,” pagpapakilala sa female personality ng aming source.
Hindi siya maingay tungkol sa kanyang mga naipupundar. Hindi siya tulad ng ibang personalidad na makabili lang ng kahit ano ay ipinaaalam na agad sa buong bayan ang bago niyang ari-arian.
Balik-chika ng aming impormante, “Kapag wala kasi siyang work, nakikipagkita siya sa mga friends niyang yuppy. Nakalinya sa buy and sell ang mga katropa niya.
“’Yun ang isa sa mga pinagkakaabalahan niya ngayon, kapag wala siyang taping or shooting, nagsa-sideline siya sa ibang linya. Buy and sell, build and sell, unti-unti na niyang natututuhan ang pagnenegosyo.
“At nakakabenta na siya, ha? Marami kasi siyang connections na yayamanin. Sa ganda ba naman niyang ‘yun at kaseksihan, wala siyang makukuhang buyer?
“Mas malaki pa nga ang kinikita niya du’n kesa sa pag-aartista niya, mas nakaiipon siya, kaya nakakabili rin siya ng mga properties.
“Magaling ang girl, wala nga namang kasiguruhan ang pag-aartista, kaya kailangang matuto rin sila ng ibang trabaho,” papuri pa ng source sa bumibidang girl sa kuwento.
May mga nagkokomento na galing kuno ang pera niya sa mayayaman niyang nakarelasyon, pero pinagtatawanan lang ‘yun ng aktres, sariling sikap ang dahilan ng mga propyedad na meron siya ngayon.
Panghuling kuwento ng aming source, “Maigsi lang ang name niya, brand ‘yun ng softdrinks. Ang apelyido niya naman, e, pangalan ng isang malaking palengke, gets n’yo na kung sino siya?”
Ubos!
Pagtakbo ni Sen. Manny sa 2022, naging malaking diskusyon
Napakaraming tumawag at nag-text sa amin kahapon nang umaga. Seryoso ang kanilang tanong—desidido na raw ba talagang tumakbo sa panguluhan si Senador Manny Pacquiao sa darating na halalan?
May mga kumokontra, may mga nagbibigay rin ng pagsang-ayon, naging malaking diskusyon pa nga sa opisina ng isa naming kaibigan ang planong pagtakbo bilang presidente ng Pambansang Kamao.
Birong-totoo pa ng isang kausap namin, “Nakaayos na ang lahat ng mga dokumento namin ng pamilya ko, for migration na kami sa Canada.
“Hindi lang natuloy agad dahil sa pandemya. Pero kung mananalo si Pacman, kailangan na naming ayusin ang mga papeles namin, lilipad na kami sa Canada!” sabi nito.
Pero isang mensaheng positibo ang tinanggap namin mula kay SOS, isang maopinyong kaibigan-anak-anakan namin na palaging nagbibigay ng makabuluhang punto, narito ang kanyang komento.
“Good morning po. Read your PSN column po today regarding Pacman. Kung destiny niya po talaga ang maging presidente ng Pilipinas, actually, sang-ayon po kami du’n.
“Napakatagal na po nating hindi nagkakaroon ng pangulong galing sa ibaba talaga, sa modest family na tulad nina Pangulong Ramon Magsaysay at Pangulong Diosdado Macapagal. Para po sa amin, e, hindi issue kung hindi man siya super-talino.
“Mag mahalaga po para sa amin ang puso ng public servant at may leadership qualities ang tagapamuno. Kaya nga po sa Constitution natin, maging sa Amerika, e, kailangang able to read and write lang ang isa sa mga qualifications ng tatakbong pangulo.
“Iba po kasi talaga kapag may compassion at empathy ang isang leader sa kanyang mga nasasakupan. Wish po namin na kapag nanalo si Pacman, kung nagagawa niyang mawala ang krimen kapag lumalaban siya, ganu’n din sana ang mangyari kapag pangulo na siya ng ating bayan.
“If ever, ang kailangan lang niyang kunin sa kanyang gabinete, e, mga taong may dignidad na tutulong at gagabay sa kanya para sa kapakanan talaga ng ating bayan. Siguradong hindi po siya magnanakaw sa kaban ng ating bayan, ‘yun pa lang, e, napakalaking bagay na dahil rampant pa rin ang nakawan ngayon sa bansang ito.
“Kung ang Amerika po, e, nakaahon na mula sa kumunoy, sana, kasunod na nga po ang ating bayan,” makabuluhan at mahabang komento ni SOS.
Maraming salamat sa opinyon.
- Latest