Celebrity endorsers, hinahamon ng mga basher
Palaging pinagtatalunan ang pag-eendorso ng mga personalidad ng iba-ibang produkto. May mga artista raw na tumatanggap ng trabaho nang wala naman sa puso nila ang produktong iniaalok nila sa publiko.
Hinahamon ng mga bashers ang isang pamosong male personality na nag-eendorso ng produktong sardinas, magpakita raw siyang kumakain nga ng produktong ineendorso niya, para paniwalaan siya ng ating mga kababayan.
Kuwento ng isang source, “Oo naman, kumakain siya ng sardinas. Paborito nga niyang palaman sa tinapay ang sardinas. Bakit naman siya pinagdududahang hindi kumakain ng sardinas?
“Hindi naman siya ipinanganak na mayaman, galing din naman siya sa hirap, kaya siguradong madalas nilang iulam nu’n ang sardinas!” pagtatanggol ng aming source sa sikat na male personality.
Isang sikat na female personality rin ang pinagdududahan ng mga konsyumer, hindi raw naman ginagamit ng aktres ang brand ng shampoo na ineendorso niya, dahil sosyal na sosyal siya.
Komento ng isang basher, “Madalas siyang nakikitang nagsi-shopping nu’n sa mga sosyal na supermarket. Punumpuno ang cart niya ng iba-ibang produkto, pero wala naman sa cart ang shampoo na siya ang nag-e-endorso. Nasaan ang truth in advertising du’n?” pagpuna ng basher sa aktres.
Sa panahon ngayon ng social media na lahat na lang ng kilos ng mga artista ay pinupuna, wala nang nakaliligtas sa isyu, hahanap at hahanap talaga ng butas ang mga bashers para makapanakit lang.
Kuwento uli ng aming impormante, “Naku, kaya nga may mga namba-bash ngayon sa isang female personality na kuda nang kuda nu’n na ayaw raw silang pagamitin ng parents nila ng deodorant.
“Nakakaitim daw ‘yun ng kilikili, kaya ang ginagawa nilang magkapatid, naglalagay na lang sila ng tissue sa kilikili nila.
“Maraming nakakakita sa kanila na ganu’n ang ginagawa. Kapag pinagpapawisan sila, e, nag-iipit lang sila ng tissue sa kilikili nila!
“Pero ngayon, e, buong-ningning pang sayaw nang sayaw ang female personality sa endorsement niya ng deodorant! Anyare? Akala ba namin, e, bawal sa kanila ng sister niya ang paggamit ng deodorant?
“Ang nagagawa nga naman ng datung! Huwag na lang kasing daldal nang daldal, para walang naaalala ang taumbayan sa mga kuwento niya nu’n! Sila rin naman kasi ang nagpapasimuno kaya sila hinuhusgahan!” madiing pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Bagong kanta ni Renz, ang bilis ng recall
Nagmistulang mini concert ni Renz Verano ang page-guest niya sa Cristy Ferminute nu’ng Huwebes nang hapon. Hindi siya pinakawalan ng mga tagapanood-tagapakinig ng programa nang hindi niya kinakanta ang mga pinasikat niyang piyesa.
Hindi naman kasi matatawaran ang mga pinasikat na kanta ni Renz, palaging bahagi ng pagbi-videoke ng ating mga kababayan ang Remember Me, Ibang-iba Ka na, You And I, Gulong Ng Palad, Lorena, Keep On Loving You, at iba pa.
Simpleng promo lang dapat ng bago niyang single ang dahilan ng pagpapainterbyu niya sa CFM, pero binulabog kami ng request ng mga kababayan nating OFW, kaya wala nang nagawa si Renz kundi ang pagbigyan ang kanyang mga tagahanga.
Lumuluha Ako ang titulo ng bago niyang kanta. Ginawa ng magaling na composer na si Tito Sunny Ilacad ang lyrics at melody nito na unang kinanta ng namayapang singer-actress na si Isabel Granada.
May recall agad ang kanyang single, lalo na ang refrain nito, kabisado agad ng mga CFMers na mahilig din sa musika.
Dahil sa pandemya na walang mga concert at kahit anong raket ang mga singers ay naging aktibo sa social media si Renz. Ang kanyang misis ang nakaisip na magpakaabala siya sa recording, sa paggawa ng MTV at iba pang paraan para mapasaya niya ang ating mga kababayan, milyon agad ang kanyang views.
“At ang nakatutuwa pa, isini-share nila ang mga ginagawa ko, daang libo ‘yun, kaya lalo akong nai-inspire,” sabi ni Renz.
Church choir member si Renz nang madiskubre siya ng Sunshine Recording ni Tito Sunny Ilacad. Nagsimula siya bilang multiplex singer, ‘yung gumagaya sa boses ng mga foreign singers, hanggang sa ipanganak na nga ang Remember Me at iba pang mga pinasikat niyang kanta na milyun-milyon ang naging benta.
Bilang isa sa mga miyembro ng The OPM Hitmen (Richard Reynoso, Rannie Raymundo, Chad Borja) ay si Renz din ang namamahala sa mga concert nila. Siya ang nakikipag-usap sa talent fee ng grupo, kung gaano kahaba ang show, siya ang nagdedesisyon.
Maligaya kami para kay Renz Verano, isa sa mga personalidad na aprubado naming mapagkumbaba, maka-Diyos, makapamilya at walang kainggit-inggit sa katawan.
- Latest