Ellen, buking na babad sa bahay ni Derek
Walang ibang ibig sabihin ang ipinost noon ni Ruffa Gutierrez sa dinner na ini-host ni Derek Ramsay kamakailan lang. Noong makausap namin si Derek, nilinaw naman niya sa amin kung may malisya at kung meron talagang namamagitan sa kanila ni Ellen Adarna, hindi raw nila ito ipangangalandakan sa social media.
Muling pinag-usapan ito nang ma-interview si Ellen kasama si John Estrada para sa promo ng sitcom nila sa TV5 na John en Ellen.
SI MJ Marfori ng TV 5 ang nag-interview at napansin niyang tila bahay ni Derek ang lugar na kinaroonan ni Ellen.
Tinanong niya ito at kumpirmado ngang nasa bahay siya ni Derek. Magkapitbahay naman daw sila, depensa ni Ellen. Hanggang sa pinabati na rin si Derek at nandun nga siya habang nag-iinterbyuhan.
Sabi naman ni John na bestfriend ni Derek, pareho naman daw single ang dalawa kaya walang masama kung ma-link man daw sila. Nakakaduda tuloy, at baka nga may namuong magandang pagtitinginan sina Derek at Ellen.
Pero nang makatsikahan namin ang Kapuso actor, sinasabi na niyang ayaw na raw sana niyang magkaroon ng karelasyong taga-showbiz. At tinitiyak niyang single pa rin siya hanggang ngayon.
Hindi pa rin tinatantanan ng bashing si Derek na ayaw na raw niyang isipin kung sino ang may pakana nito.
Gladys, ‘di kontrabida kay Nora
Parang nabunutan ng tinik si Gladys Reyes nang makalabas na ng hospital ang kanyang ama. Siya ang nagdala sa hospital nang makaramdam ng paninikip ng dibdib ang papa niya.
Hindi raw puwedeng pumunta ng hospital ang mama niya dahil senior citizen ito. At may kahigpitan daw sa hospital sa Marikina na pinagdalhan niya na hindi rin siya in-allow na mag-stay doon nang matagal. Isang bantay lang daw ang puwede at kapag nandu’n na raw sa loob ng hospital para magbantay ay hindi na ito palalabasin hanggang sa lumabas ang pasyente.
Kaya ang pinsan daw niya ang pinagbantay doon at hanggang video chat lang daw sila ng papa niya.
Si Gladys na raw ang pinag-decide na kailangang i-angioplasty ang papa niya at lalo siyang nahirapan dahil hindi siya in-allow na bantayan ito. Ang laki ng pasasalamat niya nang maging successful naman ang angioplasty.
Madugo rin ang hospital bill, pero ang mahalaga para kay Gladys at sa buong pamilya ay okay na ang kanyang ama at kailangan lang daw talagang ibayong pag-iingat.
Sa panahon ng pandemya mahirap pang makakuha ng trabaho, kaya thankful si Gladys na kahit paano ay kumikita naman siya sa ilang online endorsements niya kahit wala pa siyang regular na programa.
Kinukuha siya ngayon sa pelikula ni Nora Aunor na ipu-produce ng Godfather Productions ni Joed Serrano. Gustung-gusto ni Gladys ang role dahil hindi naman siya ang kontrabida rito, at si Nora Aunor pa ang kasama. Kasalukuyang nasa pre-production pa lang ito at inaayos ang schedule ng shooting na ididirek ni Adolf Alix.
- Latest