Paolo Bediones, inireklamo sa hindi pagpapasuweldo sa mga nagtatrabaho sa DepEd TV
As of this writing ay wala pang sagot si Paolo Bediones sa reklamo ng mga executive producer ng E12 Tech, Inc. sa diumano’y hindi niya pagpapasuweldo. Ang nasabing kumpanya ang producer ng DepEd TV.
Narito ang buong apela ng mga executive producer kaugnay sa kanilang reklamo sa dating newscaster.
“Lumiham kami upang pormal at mariing hingin ang kagyat na paglabas ng buong suweldo ng lahat ng mga empleyado ng EI2 Tech, Inc. sa ilalim ng proyektong DepEd TV.
“Nobyembre 22, 2020 nang ibahagi ng pangasiwaan ng kompanya na humaharap ito sa isang suliraning pinansiyal.
“Kaugnay niyon ay nangako ito sa nabanggit ding pulong na maibibigay ang buong suweldo ng mga manggagawa nito sa Disyembre 15-18, 2020. “Siniguro itong muli ng EI2 Tech, Inc. sa ipinatawag nitong pulong noong Disyembre 14, 2020. Subalit hindi ito naganap sa kabila ng buong pusong paglikha at paggawa naming mga empleyado upang makapagpatuloy ang nasabing proyekto.
“Kaya naman mariin naming hinihingi ang mga sumusunod: 1. Kagyat na paglabas ng buong suweldo ng lahat ng mga empleyado sa ilalim ng proyektong ito, higit lalo yaong mga kasama sa emergency list gaya ng mga nasalanta ng bagyo, nanganak ang asawa, namatayan, may mga kapamilyang nangangailangan ng atensiyong medikal, at iba pa;
“2. Pormal at nakasulat na paliwanag tungkol sa hindi natupad na pagsuweldo;
“3. Malinaw at organisadong talaan ng mga nasahuran at hindi pa nasasahurang episodyo; at
“4. Pormal at nakasulat na paghingi ng paumanhin para sa idinudulot nitong pinsalang pinansiyal at kalusugang mental ng mga manggagawa sa ilalim ng proyektong ito.
“Naniniwala kami sa halaga ng ating gawain sa DepEd TV.
“Sa panahon ng pandemya, importanteng manatili ang ating pamumuhunan sa kabataang huhubog ng susunod na henerasyon, at naroroon tayo bilang grupong tumutulong sa mga mag-aaral ng batayang edukasyon sa pamamagitan ng paglikha ng mga materyal ng pagtuturo at pagkatuto. “Gayumpaman, marapat nating tandaan na ang katuparan ng ano mang proyekto ay nakasandig sa kolektibong husay, talino, at oras ng mga taong lumilikha nito.
“Ang pagkawala at/o panghihina ng isa ay nangangahulugan ng pagkapilay ng lahat.
“Hihintayin namin ang inyong tugon hanggang bukas, 21 Disyembre 2020,” ang laman ng buong sulat.
Marami-raming pangalan ang nakapirma sa nasabing letter dahil three times na raw silang pinangakuan na susuwelduhan ni Paolo – last Dec. 16, 17, and 19 pero anong petsa na raw, pero wala pa rin ang hinihintay nilang suweldo.
Bukas ang pahinang ito, sa anumang paliwanag si Paolo tungkol dito.
Napapanood sa iba’t ibang TV channel ang DepED TV since nag-start ang blended learning.
- Latest