BL movie sa MMFF, base sa turo ng simbahan
Sa unang tingin, sasabihin mong pinaka-dehado sa lahat ng mga pelikulang kasali sa MMFF ang The Boy Foretold by the Stars dahil lahat baguhan ang mga artista. Ang bidang si Kean Johnson ay isang modelo, at ngayon lang nasabak sa pelikula. Ang isa pang lead, si Adrian Lindayag ay lumalabas-labas na sa tv, pero iyon lang.
At ang kaisa-isang babae sa cast, si Rissey Reyes ay nakasama rin sa mga tv show sa TV5, pero mas kilala siya bilang stage actress.
Ang kanilang director na si Dolly Datu, ngayon lang din nagdirek ng pelikula.
Pero siguro ang ilalaban nga ng pelikulang iyan ay ang magandang content. Napanood namin ang trailer lang ng pelikula, at narinig namin ang kuwento ng director. Tinalakay niya ang isang sensitibong subject, ang homosexuality. Nagbatay siya sa mga turo ng simbahan. Sa simula pa lang sinasabi nilang iyan ang kauna-unahang BL film na nakapasok sa MMFF. Pero hindi pala iyan kagaya ng ibang BL series na napapanood sa internet na lahat halos ay may halong kahalayan.
Ang The Boy Foretold by the Stars ay nabigyan pa ng rating na G. Wholesome pala ang pelikula, at tiniyak ng director na walang halong kahalayan ang kanyang obra. “It is a celebration of love” sabi pa niya tungkol sa pelikula.
Kasi sinasabi rito na maaaring ma-in love ang isang lalaki sa kanyang kapwa lalaki, pero hindi lahat ng ganoong affair ay nauuwi sa kahalayan. Mayroong in love lang talaga.
Kaya pala malakas ang loob niyang simulan ang trailer sa tanong kung ano ang pananaw ng simbahan sa ganyang mga bagay. Kasi ang pananaw nga ng simbahan, hindi naman kasalanan ang maging bakla. Ngayon, kung sa pagiging bakla ay gagawa ka ng kahalayan, iyon ang kasalanan. Ang isang totoong lalaki na nangangaliwa, ay nagkakasala rin ng kahalayan. Ang babae na pumapatol sa lalaking hindi niya asawa ay gumawa rin ng kahalayan. Walang kaibahan ang mga babae at lalaki sa mga bakla.
Tiyak na susuportahan iyan ng LGBTQ, dahil binubuksan ng pelikula ang isang subject na hindi nailabas ng mga naunang pelikula at series tungkol sa mga bading.
Dapat ding panoorin iyan ng mga hindi bading, para maunawaan nila ang sitwasyon ng mga bading.
Hindi lamang sila puro kahalayan. Eh kasi naman ang ibang BL masyadong mahalay. May mga pelikula pa ngang ang ginagamit na pambenta ay puro kahalayan. Iyon ang hindi dapat panoorin.
Healing priest, pinag-iinteresan din sa Pasko
Lahat ng sumali ay umaasang kikita pa rin sila sa MMFF. Marami sa kanila ang umaasa na tumanggi man ang mga Metro Mayors na pabuksan ang mga sinehan, mailalabas pa rin ang mga pelikula nila sa mga sinehan na nasa MGCQ area. Ang ilan sa mga iyan, malalapit lang sa Metro Manila at maaaring dayuhin ng mga taong gustong manood ng pelikula sa sinehan.
Pero sa narinig namin, walang balak ang mga suburban theaters na ilabas ang mga pelikula kasabay ng festival. Pakikiramdaman daw muna nila, after all maraming mga pelikula kahit na Ingles na maaari nilang ilabas dahil hindi sila sakop ng Metro Manila at hindi sila sumasailalim sa batas ng festival.
Umaasa ang actor na si John Arcilla na siguro kikita sila dahil hanggang abroad ay mapapanood sila sa live streaming. Umaasa rin ang baguhang actor na si Kean Johnson na kikita sila dahil sabi nga niya may market ang mga BL movies, at sa abroad ay malakas ang tinatawag na “pink currency”.
Ang mga pelikulang iyan ay ang dalawa lamang pelikula na balak naming panoorin sa MMFF, ang Father Suarez - Healing Priest at ang The Boy Foretold by the Stars.
Kapwa kasi may kinalaman sa mga turo ng simbahang Katoliko, at gusto naming malaman talaga kung papaano nila tinalakay iyon.
Top grosser, malabo sa digital
May mga humuhula kung sino ang top grosser. Actually sa ngayon, sino nga ba ang matatawag mong top grosser eh wala namang takilyang gagana sa festival? Masasabi mo lang din ang commercial viability ng pelikula matapos na iyon ay maipalabas sa kung ano mang platform at kumita.
Pero naniniwala kami na sa festival na ito ay magkakaroon ng upset maski na sa kita ng pelikula. May mga inaasahang top grosser na hindi kikita. Kasi sa ngayon ang mananaig ay ang content ng kuwento, hindi ang mga artista.
- Latest