^

PSN Showbiz

Mga pinasikat na kanta ni April Boy, maririnig sa kanyang libing

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Huling paalam sa Jukebox Idol na si April “Boy” Regino. Walang hanggang pamamaalam ito para sa kanyang misis na si Madelyn, sa kanilang mga anak na sina Charmaine at JC, at sa publikong nagmahal, sumuporta at yumakap sa mga walang kamatayang awitin ng nag-iisang April “Boy” Regino.

Ngayon nang alas dos nang hapon ang paghahatid sa huling hantungan sa Jukebox Idol. Magmumula ang kanyang mga labi sa Idol Star sa Calum­pang, Marikina at ihihimlay sa Valley Of Sympathy Memorial Park sa Sumulong Highway, Antipolo.

Sa ayaw at sa gusto ng kanyang mag-iina ay ito na ang huling pagsilip nila sa bangkay ng habambuhay nilang maaalalang dakilang asawa at ama.

Ito na rin ang huling martsa ng buhay ni April “Boy” Regino. Habang ihinahatid ang kanyang mga labi ay maririnig ang mga pinasikat niyang piyesa, hanggang sa kanyang paglilibingan.

Eksaktong isang linggo ngayon mula nang sumakabilang-buhay ang Jukebox Idol sa kidney disease stage 5 sa edad na 59.

Kung napakalaking kawalan si April Boy sa kanyang mag-iina ay ganu’n din sa mundo ng musikang Pilipino. Naging poste rin siya ng OPM, sinuportahan ng ating mga kababayan ang kanyang mga komposisyon, hanggang iregalo sa kanya ang titulong Jukebox Idol.

Madel naglabas ng damdamin, nagpasalamat sa mga tumulong

Naging panauhin namin sa Cristy Ferminute nu’ng nakaraang Biyernes nang hapon sina Madel, Charmaine at JC. Hindi sanay humarap sa mga camera si Madel, ang buong panahon ng kasikatan ng kanyang asawa ay ipinaubaya lang niya kay April Boy, palagi lang siyang nakasuporta.

Pero kailangan niyang maglabas ng kanyang damdamin, kailangan niyang magpasalamat sa sambayanan dahil sa matinding pagmamahal sa kanyang mister, napakiusapan naming magpainterbyu si Madel kasama ang kanilang dalawang anak.

“Maraming-maraming salamat po sa ibinigay n’yong suporta at pagmamahal sa asawa ko. Kayo po ang dahilan kung bakit kami nakaranas ng magan­dang buhay ng mga anak namin.

“Ito lang po ang trabahong alam ni April, pero hindi n’yo po siya pinagdamutan ng suporta, maraming salamat po sa inyong lahat.

“Gusto ko pong magpasalamat kay Presidente Rodrigo Duterte, mula pa nu’ng magkasakit si April, siya na ang nagpapadala ng financial support para sa pambili ng maintenance at pagpapagamot ng asawa ko.

“Nu’ng minsan nga po, e, tumawag siya kay April, ‘Bakit hindi mo ipinaalam sa akin na maysakit ka pala? Bakit hindi ka nagsasabi sa akin?’ Nahihiya po kasing lumapit sa kanya si April.

“Gusto ko rin pong magpasalamat kina Willie Revillame at Senator Manny Pacquiao na tumulong nu’ng magpaopera ng mga mata si April. Si Willie po, hanggang sa huli, hindi niya kami pinabayaan.

“Nagpapaslamat din ako sa mga supporters ni April na nagdadala ng mga pagkain, sa madalas nilang pakikipag­lamay, kulang na kulang po ang basta pasasalamat lang sa ipinakita nilang pagmamahal kay April,” lumuluhang pagtatawid ng pasasalamat ni Madel.

Juxebox idol, binaba na ang telon

Sa Amerika na naninirahan at nagtatrabaho ang kanilang mga anak na sina Charmaine at JC, plano ng magkapatid, sa kanilang pagbabalik ay isasama na nila si Madel sa Amerika.

“Pero ayaw po ni mommy, dito lang daw po muna siya, lalo lang daw po siyang malulungkot kapag nalayo siya kay daddy. Nangako po ako kay daddy na hindi namin pababayaan ni Charmaine si mommy.

“Gusto ko rin pong pasalamatan si daddy sa lahat ng sakripisyong ginawa niya para mabigyan kami ng magandang buhay. Proud na proud po akong naging anak ng isang April “Boy” Regino,” umiiyak ding pahayag ng bunsong si JC.

Si Charmaine na aminadong daddy’s girl ay walang tigil sa pagluha, ‘Kasi po, ang pinakamaligayang time ng buhay ko, e, kapag kumpleto kami, kapag magkakasama kaming nagba-bonding.

“Umalis po akong masaya at malakas pa ang daddy ko, pero pagbalik ko, nasa kabaong na siya,” hindi na nadugtungan pa ni Charmaine ang kanyang pahayag sa sobrang pag-iyak.

Ngayon na ang pagbababa ng telon ng entablado para sa Jukebox Idol. Tapos na ang kanyang misyon, ang pagpapasaya sa publiko sa pamamagitan ng regalong talento sa kanya ng Panginoon, pero nawala man siya ay habambuhay pa rin nating maaalala ang Jukebox Idol dahil sa kanyang mga iniwanang awitin.

Panghuling sabi ni Madel, “Napakasakit po ng pagkawala ni April para sa aming mag-iina. Pero wala na po ang pain, ang kanyang paghihirap. Hindi ko na po makikita ang sobrang pagtitiis niya.

“Tinatanggap ko na po kahit napakahirap ang pagba­balik ni April sa tunay niyang tahanan. Gaba­yan na lang po sana niya kaming mag-iina nang malayuan,” lumuluhang pamamaalam ni Madelyn de Leon Regino.

April “Boy” Regino. 1961-2020.

JUKEBOX IDOL

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with