Julia, pinagdasal ang pagbalik sa acting
Tuluy-tuloy pa rin ang taping ng Christmas serye ng TV 5 na Paano ang Pasko? na magsisimula na sa November 23.
Ilang bagyo kasi ang dumaan habang nagti-taping sila sa Laguna, pero nairaos naman daw nila dahil very cooperative ang lahat na involved sa proyektong ito ng The IdeaFirst Company para sa Cignal Entertainment.
Very impressive ang trailer at ang isa sa kaabang-abang dito ay ang pagbabalik sa drama acting sa TV nina Maricel Laxa at Julia Clarete.
Huling napanood si Maricel sa Hello, Love, Goodbye pero ngayon lang siya muling mapapanood sa isang drama series.
Si Julia naman ay mas nasanay tayo sa hosting niya sa Eat Bulaga at matagal ding hindi na siya napanood dahil nasa ibang bansa na sila ng kanyang asawa at mga anak.
Ngayon ay dito na raw sila uli at excited daw siya sa pag-celebrate ng Pasko dito sa Pilipinas.
“Favorite kong Pasko talaga ay Paskong Pinoy. Wala talagang papantay sa saya ng Paskong Pinoy. Kahit sabihin nating may pandemya at ang dami nating challenges pero ang Pinoy talaga iba,” pahayag ni Julia nang makatsikahan namin sa nakaraang mediacon ng Paano ang Pasko?
Pero itong pagbabalik niya sa pag-arte sa TV ay hindi rin daw naplano at hindi niya akalaing mangyayari ito ngayong taon.
Nakatanggap lang daw siya ng tawag mula sa executive producer nitong Christmas serye na si Otep Buncalan, at ipinagdasal daw niya ang alok sa kanyang magdrama uli sa TV.
“I just prayed it over. I really didn’t think this over that much. Ipinagdasal ko, ipinagsa-Diyos ko, tapos it pushed through.
“So, this is all unplanned,” dagdag niyang pahayag.
Medyo mahirap lang daw pagdating sa adjustment dahil ibang-iba na ito sa dating set-up dahil sa pandemyang hinaharap natin ngayon.
“In terms of adjusting, sobrang hirap ngayon. ‘Yung face mask lang, alam n’yo namang may pagka-claustrophobic ako dyan. Sa face mask pa lang, tapos everywhere you go you have to be very cautious.
“You can’t hug anyone on the set, you can’t hug your old friends, you can’t beso that we used to do. It’s very challenging.
“But it’s the kindness of the people who are in the production that make it all worthwhile.
“The faith that you have in the project because it’s absolutely fantastic. The script is never before seen on Philippine television,” bulalas ni Julia.
Kaya excited siya sa proyektong ito at hopefully tuluy-tuloy na siya sa pag-arte sa TV at maaaring mabigyan pa siya ng magaganda pang proyekto.
Mapapanood ang Paano ang Pasko? mula Lunes hanggang Biyernes ng alas-nuwebe ng gabi.
Derek at Andrea, ayaw talagang magsalita
Ilang beses din naming tinext at sinubukang tawagan sina Derek Ramsay at Andrea Torres pero talagang hindi sila sumasagot. Nanatili silang tahimik at hindi raw talaga sila magsasalita kaugnay sa kanilang break-up.
Ilan sa mga taong malapit sa kanila ang umaasa pa rin na magkabalikan sila kaya nga raw sigurong ayaw pa nilang magsalita.
Pero pagdating sa mga basher at ilang supporters ay kaagad na sinasagot ni Derek. Ang babastos naman kasi ng ilang komento na hindi kayang deadmahin ni Derek.
Pero maingat si Derek sa kanyang mga sagot pero kapag nababastos na ito, kaagad na sinasagot ito ni Derek. Pati ang dati rin niyang kasintahang si Joanne Villablanca ay ipinagtanggol din niya sa isang nagkomentong tila minaliit ang pagiging single mother nito.
Celebrities, kanya-kanyang ipon ng donasyon
Sa gitna ng bangayan ng magkakaibang kampo sa pulitika, nakakabilib ang kilalang celebrities na talagang abala sa paglikom ng donasyon para sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses at pati na rin ng bagyong Rolly.
Ang bongga nga ng FUNDkabogale Donation Drive ni Vice Ganda na sa loob ng dalawang araw lang ay mahigit isang milyong piso na ang nalikom na donasyon.
Kaya deadma na lang siya sa ilang bashers na kinukuwestiyon ang kanyang donation drive gayung napakarami naman daw niyang pera.
Nag-IG live din si Pia Wurtzbach noong nakaraang Miyerkules ng hapon para ibahagi ang masayang announcement na nakalikom na rin daw siya ng mahigit 200 thousand pesos para rin sa mga nasalanta ng baha.
Kahit ang bida ng pelikulang Lockdown na si Paolo Gumabao ay nagsimula na ring mangalap ng donasyon para naman sa Catanduanes.
Ang isa pang nakakatuwa ay ang sipag din ng kaibigan naming Chemist na si Pinky Tobiano sa pag-ikot sa ilang barangay ng Marikina.
Kasama niya ang dating Governor Chavit Singson kasama ang ilang mga artist ng Cornerstone na todo ang suporta sa pamimigay ng tulong sa mga taga-Marikina.
Sa darating na Sabado ay babalik siya roon kasama ang co-host niya sa Grateful Tuesdays na si Yeng Constantino at ilan pang Cornerstone artists.
- Latest