Magdyowang deny nang deny, bawal kunan ng picture sa mga pinupuntahang lugar
May mga nakakakita sa isang magandang young actress sa isang probinsiyang hindi naman kalayuan sa Maynila. Puwedeng puntahan ang nasabing lugar nang balikan lang.
Kilalang-kilala na ng mga tagaroon ang kanyang sasakyan, meron siyang binibisitang lugar na pag-aari ng kanyang karelasyon, pero wala silang inaamin.
Kuwento ng aming source, “Nu’ng minsang nag-beach silang dalawa, e, gusto sanang magpa-picture ng mga tagaroon, pero umiiwas sila. Pero ang nakakaloka, e, sila rin naman ang naglalabas ng mga pictures nilang nasa beach!
“Ano ‘yun? Deny pa sila nang deny na totoo namang magkarelasyon sila, pero nakikita naman silang magkasama?” unang kuwento ng aming source.
Nasunog na kasi sila, sobrang nakatikim nang masasakit na salita ang magandang young actress nu’ng mabuking ang kanilang relasyon, samantalang hindi pa hiwalay ang male personality sa kanyang girlfriend na aktres.
Sabi uli ng aming impormante, “Nasa kanila na ‘yun, sila ang dapat mag-ingat, hindi kasi sila marunong magdala ng relasyon nila.
“Ayaw nilang umamin na sila na nga, pero may nakakakita naman sa girl na nagpupunta du’n sa place ng male persona-
lity. Naku, marami pa ngang nakakita sa girl na bumibili ng mga prutas du’n sa lugar!
“Kung ayaw nilang mabuking sila, e, nasa kanila ang pag-iingat. Mas magandang umamin na lang kasi sila para tapos na ang kuwento, ‘di ba?” napapailing na komento ng aming source.
Heto na. Sa mismong lugar palang ‘yun ay bumili rin ng lote ang dating girlfriend ng male personality. Paano na ‘yun kapag naisipan nitong magpatayo rin ng kanyang beach house?
Tawa nang tawang pagtatapos ng aming impormante, “E, di maganda! Magkakapitbahay na sila! Wala nang makapagdedenay, dahil buking na buking na sila ng ex ng lalaki?”
Ubos!
Paulo Avelino, lutang ang husay sa paalam...
Napakalaki ng nagagawa ng musical scoring sa isang serye o pelikula. Sa mga eksenang malungkot ay nakadadagdag ‘yun sa emosyon ng manonood.
Tumatawid ‘yun sa puso ng nakatutok sa palabas, mas pinagaganda pa ang eksena, kailangan talaga ng musika sa kahit anong aspeto ng ating buhay.
Napapanood namin ang seryeng Walang Hanggang Paalam na pinagbibidahan nina Angelica Panganiban, Zanjoe Marudo at Paulo Avelino.
Walang maling artista sa serye, pati sina Arci Munoz, Cherry Pie Picache at JC Santos ay nang-aagaw ng pansin sa pag-arte.
Pero sa kanilang lahat ay mas lumulutang ang presensiya ni Paulo Avelino, hindi kulang at sobra ang kanyang pagganap, natural lang.
Napanood na namin siya dati sa mga serye ng ABS-CBN, may kuwento pa ngang umikot na dahil sa husay niyang umarte ay “ipinapatay” ni Coco Martin ang kanyang role, panay-panay kasi ang papuri du’n kay Paulo.
‘Yung madadrama niyang eksena sa Walang Hanggang Paalam, kapag sinusundot pa ng piyesa ni Joey Ayala, ay lalong nagiging katutuk-tutok. Pinagagana ni Paulo ang kanyang mga mata sa pag-arte.
Kahit ang mga kaibigan namin ay kumbinsido sa kanyang talento, puwede siyang ilaban nang sabayan kahit sa mga hinog nang artista sa pagganap, hindi siya mapapahiya.
Marami kaming naririnig na kuwento tungkol kay Paulo Avelino bilang iresponsableng ama. May mga reklamo kaming nababasa mula sa kanyang dating karelasyon.
Pero kapag pinanonood namin siya ay kinalilimutan muna namin ang mga ganu’ng kuwento na wala namang kinalaman sa pagiging magaling na aktor niya.
Sabi nga ng kaibigan naming propesor, “Alisin muna natin sa ating isip ang sinasabing pagiging iresponsableng tatay niya. Namnamin muna natin ang pagiging magaling niyang aktor.
“Hindi naman natin alam ang buong kuwento, malay naman natin kung nagsusustento siya sa anak niya. Kanila na ‘yun! Ang mahalaga, e, ang galing-galing niyang artista!” madiing sabi ni prop.
May anak sila ni Angelica Panganiban sa serye, si Zanjoe Marudo ang kasalukuyang karelasyon ng aktres sa kuwento, du’n nag-ugat ang umiikot na kuwento ngayon ng nagkakahulugan ng kalooban sina Angge at Zanjoe.
Bagyo nakapila...
Parang nasa Immigration na nakapila ang mga bagyo ngayon na pumapasok sa ating bansa. Katatapos pa lang ni Quinta na magpahilahod sa ating mga kababayan sa Kabikulan ay umalagwa na agad si Rolly, bagsak ang kanilang kabuhayan at hindi pa nila alam kung paano sila babangon.
Pero heto na naman si Siony, na ngayon ay sinundan pa ni Ulysses, harinawang matapos na ang mga kalamidad na ito na nagpapahirap sa ating pamayanan.
Dobleng ingat po tayo.
- Latest