Anchor na si Christian Esguerra, kinilala bilang 2020 Marshall Mcluhan Fellow
MANILA, Philippines — Tumanggap ang batikang mamamahayag at anchor ng ABS-CBN / Kapamilya News na si Christian Esguerra ng isa sa pinakamataas na pagkilala sa larangan ng pamamahayag matapos tanghaling 2020 Marshall McLuhan fellow ng Canadian Embassy sa Pilipinas at ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR).
Ginawaran si Christian pagkatapos ng Jaime V. Ongpin (JVO) Seminar na ginanap online, kung saan nagsilbi siyang panelist kasama ang kapwa ABS-CBN journalists na sina Mike Navallo at Chiara Zambrano. Bilang McLuhan fellow, nakatakdang pumunta si Christian sa iba’t ibang unibersidad sa Canada at Pilipinas para magturo ng iba’t ibang paksa tungkol sa journalism.
Ayon kay Peter MacArthur, ang ambassador ng Canada sa Pilipinas, pinili nila si Christian para sa McLuhan fellowship dahil sa kanyang bukod-tanging pagbabalita at kaalaman sa mga mahahalagang isyu, kahusayan sa pagsabay sa mga pagbabago sa industriya, at hangaring makatulong sa mga kabataang nais sumabak sa larangan ng media.
Kasalukuyang napapanood si Christian bilang anchor ng Matters of Fact araw-araw mula 7 am hanggang 8 am sa ANC. Mapakikinggan naman ang kanyang podcast na Facts First sa Spotify, Apple Podcasts, at YouTube, kung saan tinatalakay niya ang mga isyu sa politika kasama ang mga eksperto. Dati ring host si Christian ng Early Edition at Mornings @ ANC. Nag-ulat din siya sa mga makabuluhang pangyayari sa bansa bilang correspondent at gumawa ng mga video na nagpapaliwanag sa mga mahahalagang isyu para sa proyektong NXT ng ABS-CBN News.
- Latest